top of page
Search

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 12, 2026



Pinky Amador

Photo: Pinky Amador / FB



Ang ganda ng mensahe ng pelikulang Breaking The Silence (BTS) na idinirek ni Errol Ropero dahil tinalakay dito ang mental health na nagkakaroon ang isang indibidwal dahil sa bullying, pagiging neglected ng pamilya, depression, atbp..


Sadyang ginawa pala ito ni Direk Errol para ipalabas sa mga eskuwelahan upang maging aware ang mga guro at estudyante sa parehong private at public schools.


Ang mga nagsiganap sa pelikula ay sina Ramon Christopher, Jeffrey Santos, Rob Sy, Pekto Nacua, Bugoy Cariño, Mark Herras, Shira Tweg, Potchi Angeles, Gray Weber, Gene Padilla, Ryrie Sophia, at Pinky Amador. Ito ay produced ng Gummy Entertainment.


Sa mga nabanggit ay nakatikim na ng bashing si Gene dahil sa nangyaring kasal ng pamangking si Claudia Barretto, anak ni Dennis Padilla, kay Basti Lorenzo noong Abril 8, 2025.


Sinundan ni Mark dahil sa umano’y panggagamit nito sa singer na si Jojo Mendrez.

Gayundin si Pinky dahil sa pagiging vocal nito tungkol sa pelikulang Quezon ni Jericho Rosales na kinuwestiyon ng tiyuhin niyang si Ricky Quezon Avanceña ang direktor nitong si Jerrold Tarog. Para sa aktres, wala namang masama.


Bukod dito ay nakaengkuwentro rin niya sa social media ang brodkaster na si Anthony Taberna sa sinabi nitong “Bibili sana ako ng fake news” na inalmahan ng una.


Pero nauna na sa mga nabanggit si Bugoy Cariño nang matanggal siya bilang isa sa miyembro ng Hashtags sa It’s Showtime (IS) dahil sa biglaan nitong pagiging ama pitong taon na ang nakararaan.


Sa mediacon matapos ang screening ng BTS ay natanong si Pinky kung ano ang reaksiyon niya nang makaranas din siya ng pambu-bully sa social media at ano ang kanyang natutunan.


Diretso ang sagot ng magaling na character actress, “I eat bashing for breakfast, ganu’n lang!”


Nagkatawanan ang mga nasa loob ng Trinoma Cinema 7 sa mariing sagot ni Pinky na madalas gumanap bilang kontrabida, ngunit nagpaliwanag naman siya.


“I think nakatulong din ‘yung role ko bilang kontrabida kasi ‘di maiiwasan na iba-bash ka talaga. So, matututo ka to take it with a grain of salt kasi karamihan, walang picture, karamihan hindi totoong pangalan, nagtatago sa alyas, o baka troll sila. O doon na lang sila nagkakaboses sa social media dahil wala silang boses sa totoong buhay.


“So for me, it comes with the job. S’yempre, ‘di maiiwasan na may time na masakit at may time na mapapaisip ka, pero overall, when you take a step back, you always have to think of the bigger picture. So ‘pag ganu’n, I just take it na siguro I’m doing my job well dahil nagre-react sila,” maayos na paliwanag ng aktres.


Ginampanan ni Pinky ang papel bilang asawa ni Jeffrey at ina ni Shira, na naging biktima ng pambu-bully ng kanilang kasambahay noong bata pa at maging sa eskuwelahan.

 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 9, 2026



Nadine Lustre  - Vice Ganda YT

Photo: Vice Ganda YT / SS



Nahanap na ni Nadine Lustre ang kanyang Prince Charming. Ito ang inamin niya sa vlog ni Vice Ganda nu’ng nasa Hong Kong Disneyland sila para sa shooting ng Call Me Mother (CMM).


Napag-usapan nilang dalawa na pareho silang fan ng Disney characters kaya tinanong ni Meme Vice kung nahanap na ba ni Nadine ang prince charming niya tulad nina Cinderella at Sleeping Beauty.


“Feeling ko naman, sana, sana,” nakangiting sagot ni Nadine.


“So, ganu’n ka ka-in love ngayon sa boyfriend mo?” tanong ni Vice.

“Oo. Saka sabi ko sa kanya, ‘pag nag-break pa tayo, ‘di na ako magdyodyowa,” tumatawang sabi ng aktres.


“Ay, talaga?” nakangiting tanong ni Meme Vice.


“Kasi parang… ewan ko. Kasi kung ‘di pa s’ya ‘yun, feeling ko sobrang okay na s’ya para sa akin. ‘Di man s’ya perfect, pero para sa akin, sobrang okay na s’ya. Perfect na s’ya for me,” esplika ni Nadine kung bakit siya nagdesisyon nang ganu’n.


Say ni Vice, “Nag-decide ka na sa kanya. Kasi ganu’n daw ‘yun, may makikilala kang tao na in love ka, tapos ‘pag naramdaman mong sobrang love mo, nag-decide ka na, at ito na ‘yun ba?”


Panay ang tango ni Nadine sa sinasabi ni Vice. 


“At saka for some reason, alam mo lang na ito na ‘yun. ‘Yun ang na-feel ko sa kanya. Kaya nga sabi ko sa kanya, ‘‘Pag nag-break pa tayo, ‘di na ako magdyodyowa kasi ayaw ko na.’

Kasi for me, parang ang hirap makahanap ng tulad n’ya.”


Kahit na ang current boyfriend ni Nadine ang gusto niyang makatuluyan, inamin niyang hindi raw siya ang marrying type nang tanungin ni Vice.


“Hindi,” sabay iling niya. 


“Pero gusto ko naman ng celebration. Not necessarily wedding, pero gusto ko ng celebration with family. Not necessarily ‘yung malaking celebration sa church. Hindi Disney wedding. Gusto ko lang by the lake, with close friends, tapos party-party na kayo. Ganu’n lang, simple. Hindi naman ako nag-dream ng malaking wedding,” paliwanag ng co-star ni Vice sa CMM.


Sabi ng TV host-actor, sa edad ni Nadine na 31 ay sapat na para makapagdesisyon, pero hindi nito namalayang umabot na sa ganoong edad ang dalaga dahil bagets pa sila nang magkasama noong 2015 sa pelikulang Beauty and the Bestie (BATB) kasama si Coco Martin, sa direksiyon ng yumaong Wenn V. Deramas, na produced ng ABS-CBN Films at Viva Films at distributed ng Star Cinema.


Natatawang sabi rin ni Nadine, “Kaya nga nakakatuwa kapag nakaka-receive ako ng comments sa IG ko na kunwari, naka-bikini ako, ‘Ano ba ‘yan, bakit naggaganyan s’ya. Ang bata-bata pa n’ya!’ Sa loob ko, ‘Treinta na ako, ‘teh.’”


Noon daw, kapag umabot na sa 30 ang edad ng tao ay itinuturing na itong matanda, pero sa panahon ngayon ay hindi na raw.


Say ni Nadine, “Actually, in my teen years, sabi ko, ‘Sh*t, ‘pag nag-twenty ako, ikakasal na ako, baka magkaroon na ako ng family.’ Tapos nu’ng nag-twenty ako, parang no! Tapos nu’ng nag-25 na ako, sabi ko, baka ‘pag nag-30 na ako. Then, hindi pa rin pala.”

“You don’t feel old yet?” tanong ni Vice.


“Not at all. Nag-e-enjoy lang kasi ako,” kaswal na sagot ng dalaga.

Ready na bang maging wife si Nadine?


“Parang ibang responsibility ‘yan, siguro. Kung mangyayari, eh, di go,” sagot ng aktres na hindi pa rin handang magpakasal o magkaroon ng celebration soon.


Hindi diretsong inamin ni Nadine na magkasama na sila sa iisang bubong ng kanyang current boyfriend, pero aminado siyang kung anuman ang nangyayari sa kanila ngayon ay parang mag-asawa na rin.


“I think kami kasi, we’re both focused on working on ourselves. Meaning, naggo-grow pa kami separately and we’re growing together kasi may mga businesses kami together at ang dami pa naming gustong marating,” esplika ni Nadine.


Walang pressure at hindi nakatali sa isa’t isa ang gusto niyang relasyon. Puwede silang gumala nang hindi magkasama.


“Walang worry na lalabas ako, lalabas s’ya na baka may ano — ibang kasama,” saad nito.

“Praning ka bang girlfriend?” diretsong tanong ni Vice.


“Before. Ngayon, parang sobrang iba. Napi-feel ko lang na secured ako sa kanya. Feeling ko, both. Depende rin talaga sa situation.


“I would say may times na napa-paranoid ako, but not because of the relationship but for other things. I think ‘yung pagka-paranoid ko, nandu’n pa rin naman,” sagot ni Nadine, sabay singit ni Vice na baka dahil sa hormones.


Ang biggest learning ni Nadine sa pakikipagrelasyon, “Unahin mong mahalin ang sarili mo kahit gaano mo kamahal ang partner mo. Nagtotodo ako ng love, pero makikita mo naman kung ‘yung partner mo, nagre-reciprocate, at dapat balance pa rin.”


Say naman ni Vice, kahit may red flag na ay kailangang intindihin at hindi ganoon kabilis umalis lalo’t sobrang mahal mo ang partner mo.


Sabi naman ni Nadine, hinahanapan niyang i-justify kung bakit ganu’n ang partner niya, pero, “Kapag naubos ka na, parang basong tubig na walang nagre-refill, ikaw naman ang magsa-suffer.”


Ito ang halimbawa ng dalaga mula sa kanyang past relationship kumpara ngayon na balanse ang lahat sa kanila ng current boyfriend. 


Diin niya, “We fill each other’s glasses.”


Isa pang rebelasyon ni Nadine, never siyang nag-beg for love o nagsabing ‘please stay’ sa karelasyon para manatili ito.


“Depende. Kung itong dyowa ko ngayon, in some way, ganu’n ang mangyari sa amin, oo, ipaglalaban ko. Kasi worth naman na magpakumbaba ka. Meron kasing mga taong hindi worth it,” diretsong sabi ni Nadine.


Samantala, sa estado ngayon ni Nadine, hindi pa raw niya kayang maging isang ina.

“Hindi pa. Actually, ayaw ko talagang mag-anak. Pero kung mangyayari at ibibigay sa akin, tatanggapin ko naman.


“Takot kasi ako. Magre-raise ka ng tao—responsible ka dapat. Hindi lang s’ya laruan, hindi lang cute na parang may kamukha ako. It’s such a huge responsibility. Takot ako ‘pag nagkamali ako.


“Pag-isipan talaga kasi sobrang hirap ng buhay ngayon. I think isa pang reason is ‘di pa ako tapos i-discover ang sarili ko. Tapos mag-aanak ako, tapos lahat ng attention at oras ko, mapupunta sa bata. I feel like in some way, baka sobrang maka-affect din s’ya sa akin. Ganu’n kalaki ang responsibilidad na nakakatakot para sa akin,” mahabang paliwanag ni Nadine Lustre.


Kung matapos na raw niya ang lahat ng gusto niyang gawin sa buhay at maramdaman niyang handa na siyang magkaroon ng anak, ay okay naman daw, hindi niya tuluyang isinasara ang posibilidad.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 8, 2026



SHEET - ROBI, SINUGOD NI JOHN LLOYD SA KASAL NINA ZANJOE AT RIA, MUNTIK SUNTUKIN_IG _johnlloydcruz83 & _iamrobidomingo

Photo: IG _johnlloydcruz83 & _iamrobidomingo



Trending ngayon ang balitang nagkainitan sina Robi Domingo at John Lloyd Cruz sa wedding reception nina Zanjoe Marudo at Ria Atayde.


Ibinalita ni Ogie Diaz sa Showbiz Update (SU) vlog nila ni Mama Loi kasama sina Tita Jegs, Tamerlane Mopia o Alaska Boy at Oliver Carnay nitong Martes ng gabi na walang nakakuha ng video o larawan kina Lloydie at Robi dahil walang hawak na cellphone ang mga bisita.


Bungad ni Ogie, “Pansinin ninyo, walang nakakuha ng video. Walang mga cellphone lalo na sa reception. May pouch bag na ibinigay sa lahat para roon isilid ang cellphone. Request ng bagong kasal na walang magbi-video kaya pansinin n’yo, walang lumabas tungkol sa kasalang Zanjoe at Ria.”


Dagdag pa niya, “Gusto ng dalawa na mag-enjoy sila, magwalwal, magsuka ‘pag nalasing na para walang magkukuha.”


“Para walang mako-conscious and you can be yourself and enjoy the company of your friends,” paliwanag naman ni Mama Loi.


Naikuwento ni Ogie na si Robi ang host sa reception at dahil pawang close friends ang bisita bukod sa pamilya nina Zanjoe at Ria ay may mga biruan.


“So, habang nagho-host daw si Robi, kuwento lamang ito ng isa sa mga nakasaksi roon, nasambit niya kay Ria na ‘How does it feel to be Mrs. Marudo?’ at kay Zanjoe naman, ‘How does it feel to be Mr. Atayde?’ S’yempre, magkakaibigan sila, kaya tawanan. Wala namang napikon, pati sina Zanjoe at Ria ay natawa dahil sobrang close nila,” kuwento ni Ogie.

Matapos ang stint ni Robi ay bumaba na ito ng entablado at pumunta raw sa bar.


“So pagbaba ni Robi, biglang lumapit si John Lloyd Cruz. Nang lumapit siya ay napalakas ang boses n’ya kaya nakapukaw ng atensiyon ng ibang bisita,” ayon kay Ogie.


“Sabi raw ni John Lloyd kay Robi, ‘Mali ‘yung sinabi mo. Inappropriate ‘yung sinabi mo. Okay ba ‘yung sinabi mo na tawagin mong Mr. Atayde si Zanjoe?’


“Sagot daw ni Robi, ‘May isyu ba tayo? Bakit? Ano ang gusto mong mangyari?’ Pasugod daw ang pagkakasabi ni Lloydie,” tsika pa ni Ogie.


Reaksiyon ng mga co-hosts ni Ogie, baka raw nakainom si John Lloyd. 


Ayon kay Oliver Carnay, “Lasing na si John Lloyd.”


Dagdag ni Ogie, “Napahinto ang mga tao at napatingin sila dahil malakas ang boses ni

John Lloyd. Malaki ang venue pero tumigil ang lahat. To the rescue si Donny Pangilinan dahil kaibigan n’ya si Robi at nakaalalay lang kung sakaling kailangang umawat.”


“Napanganga rin sina Enchong Dee at Elijah Canlas. Nandu’n din si Gary V. at ang mga Valenciano kaya na-shocked sila,” dagdag pa niya.


Sundot ni Mama Loi, “So, ano’ng nangyari?”


“Base sa nakakita, nag-aabang lang si Robi kung uundayan s’ya ng suntok ni John Lloyd pero ‘di nangyari dahil napakiusapan na bigyang respeto ang moment nina Zanjoe at Ria,” sagot ni Ogie.


Paulit-ulit na tanong ni Oliver Carnay, “Baka naman lasing na si John Lloyd?”

Sabi ni Ogie, “Malamang inuman na ‘yun. Kita mo, walang lumabas, walang nagtututok ng kamera.


“Nasigawan din si Donny ni John Lloyd ng ‘‘Wag kang makialam dito, ha!’”

Na-pacify din ang sitwasyon ngunit hindi na nag-usap ang mga sangkot. Ayon kay Ogie Diaz, mahirap husgahan ang nangyari dahil wala sila roon.


May opinyon naman si Mama Loi, na isa ring event organizer.


“Wala pa akong na-experience na ganyan. Kung biruan lang ng mga friends among friends, okay lang. Pero baka sensitive ang tanong. ‘Pag tinanong ang lalaki bilang Mr. na apelyido ng babae, parang nakakailalim ‘yun sa lalaki para sa iba. Pero kung magkakaibigan, madalas, ‘di ‘yun issue,” paliwanag niya.


Aniya pa, “Baka noong gabing ‘yun ay medyo na-offend si John Lloyd para sa kaibigan niyang si Zanjoe.”


Bukas ang BULGAR sa panig ng mga personalidad na nabanggit tungkol sa isyung ito.



SPEAKING of Donny Pangilinan bilang Liam, mukhang siya ang makakabuking ng lihim na iniingat-ingatan ng kanyang mga magulang na sina Lorna Tolentino bilang Greta at Raymond Bagatsing bilang Magnus sa seryeng Roja.


Nahuli ni Liam na may patagong kausap sa cellphone ang kanyang ina at nang tanungin niya ay paiwas ang sagot nito kaya lalo siyang nagduda.


Isa pang may lihim ay sina Janice de Belen bilang Wendy at Raymond na hindi pa malinaw kung ano ang pinagtatalunan nila nang mahuli sila ni Greta.


Hinala ng marami ay si Raymond ang ama ni Kyle Echarri bilang Olsen na hindi pa rin nakikilala ang tunay na ama.


Pasabog agad ang pagpasok ng Bagong Taon para sa Roja matapos ilabas ang mid-season trailer tampok ang umiigting na bakbakan nina Donny at Kyle na napapanood sa Kapamilya Channel sa ALLTV2.


Nakamit ng Roja ang bagong all-time high online record matapos makakuha ng 541,446 peak concurrent viewers sa Kapamilya Online Live noong Enero 5.


Mapapanood ang Roja gabi-gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:45 PM sa Kapamilya Channel sa ALLTV2, A2Z, at Kapamilya Online Live sa YouTube (YT) at Facebook (FB). 


Available rin ito 72 oras na mas maaga sa Netflix at 48 oras na mas maaga sa iWant. 


Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page