top of page
SB19 at BINI PH - IG.jpg
Search

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 20, 2026



Instagram - Sam Versoza

Photo: Instagram - Sam Versoza



Inamin ng dating kinatawan ng Tutok To Win Party List ng taong 2022–2025 at negosyanteng si Sam Verzosa na lahat ng mayroon siya ay ginamit niya para pagsilbihan ang kanyang mga kababayan – nasasakupan man o hindi.


Si Sam ang special guest ni Ganiel Krishnan sa online show nitong Oh My Gan! (OMG!) na umere nitong Miyerkules ng hatinggabi.


Nang kumandidato siya bilang mayor ng Maynila, sinabi niya, “I always tell people that the most honorable thing I’ve done in my life is by giving away everything na meron ako, ‘di lang sarili ko, ‘di lang physical na pagod, katawan ko, pero ‘yung pinag-ipunan ko nang 20 years. ‘Di naman biro ‘yun dahil sobrang magastos ‘pag tumakbo ka lalo na local, lalo na Manila is the capital of the Philippines.


“Ibinigay ko halos lahat, ‘di lang ako, pati nanay ko, pati kapatid ko, brother-in-law ko, they all chipped in para matuloy ‘yung pagtakbo ko at matulungan ko ‘yung mga kababayan ko sa Maynila. Kaya sabi ko nga, ‘yun ang pinakamarangal na nagawa ko sa buong buhay ko and I have no regrets.”


At kahit na malaking halaga ang nawala kay Sam, hindi pa sarado ang pintuan niya sa pagtakbo. 


Sa kasalukuyan, ang negosyo muna niya ang aasikasuhin niya.


“I’m getting back on my track. Sabi ko nga, it took so much of my resources when I ran, so, for me to help other people and to continue what I’m doing and to continue my purpose, I need to help myself, too,” paliwanag ng dating boyfriend ng Kapuso actress na si Rhian Ramos.


Matatandaang si Rhian ang unang umaming hiwalay na sila ni Sam noong Oktubre 2025 pa sa panayam kay Kuya Boy Abunda sa online show nitong Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA). Napanatili naman daw nilang maging maayos sa isa’t isa at itinanggi ng aktres na may third party sa hiwalayan nila.


Pero sa tanong ni Ganiel kay Sam kung galit siya kay Will Dasovich, na itinuturong dahilan ng paghihiwalay nila ni Rhian, “I don’t know him personally, really, I don’t know him, but I wish him well,” nakangiting sagot ng ex-boyfriend ni Rhian.

“Are you mad?” tanong ulit ni Ganiel.


“When you truly love someone, you don’t try to destroy them when the relationship ends. If anything, you protect them,” sagot ni Sam.


At tungkol sa dahilan ng paghihiwalay nina Sam at Rhian, “I respect Rhian, I respect her family, but sometimes I think people just grow in different things, grow in different directions, and that was what happened. For now, I think the most important thing is to move forward with dignity and respect,” paliwanag ni Sam.


Sa kasalukuyan, hindi pa handang magmahal ulit si Sam dahil may iba pa siyang mas dapat unahin. Dito niya naikuwento na marami siyang natutunan sa naging relasyon nila ni Rhian.


“Sobrang dami, nag-mature ako. I’ve learned a lot about myself, about relationships, about partnerships, about respect, trust, and self-worth,” saad niya.





Pambabastos ni Suntay kay Anne…

MERCEDES: NAKAKAHIYA PARA SA PAMILYA



Sa 16 years ni Mercedes Cabral sa showbiz, inamin niyang hindi bago sa kanya ang pagpapakita ng skin sa pelikula dahil noong nagsisimula pa lang siya ay nagkaroon na siya ng nude scene sa pelikulang Serbis na pinagbidahan ni Coco Martin at idinirek ni Brillante Mendoza.


Kaya noong alukin siya ng 1st prize Carlos Palanca awardee na si Atty. Vince Tañada para sa isinulat nitong Ang Bangkay (AB) bilang Best in Literature noong 2012, kaagad niyang tinanggap dahil gustung-gusto niya ang script at okay lang sa kanya ang may frontal, pero alaga raw siya ni Vince bilang direktor at producer under Philstagers Theater Foundation.


Nabanggit pa ni Direk Vince na sa buong cast ay hindi sila nagsuot ng plaster dahil kakain pa ng oras sa paglalagay sa bawat isa, at kailangan nilang matapos ang pelikula dahil apat na araw lang ito.





Si Mercedes nga raw ang choice na gumanap sa role at kung hindi siya pumayag, hindi itutuloy ang pelikula kahit bulukin na lang niya.


Kaya naman sobrang thankful si Mercedes nang marinig niya ang katwiran ni Direk Vince na para sa kanya ang role sa AB, isa sa mga entries ng Sinag Maynila 2026 na mapapanood simula Marso 23 hanggang 29 sa Gateway Cineplex Cubao, Eastwood Cinemas (Libis), Uptown Cinemas (BGC), Venice Cineplex (McKinley Hill), at Lucky China Town Cinemas (Binondo).


“‘Pag napanood mo ang movie, maiintindihan mo kung bakit kinailangan ng nudity. ‘Di naman ako tumatanggap ng may nudity kung basta lang ilalagay para pang-come-on. Dapat may saysay,” katwiran ni Mercedes.


Samantala, hiningan namin ng reaksiyon ang aktres sa nangyaring pambabastos kay Anne Curtis-Smith ni Cong. Bong Suntay sa ginanap na committee hearing para sa impeachment ni Vice-President (VP) Sara Duterte.


Nag-init daw ang pakiramdam ng kongresista nang makita niyang dumaan sa harap niya si Anne sa isang 5-star hotel, pero sa kalaunan ay binawi nitong hindi pa niya ito nakikita nang personal kundi napapanood lang.


Naunang humingi ng sorry ang maybahay ni Suntay na si Gng. Sheila Guevarra-Suntay kay Anne at nagsabing hindi niya itino-tolerate ang ginawa ng asawa at nakiusap na ilayo siya kasama ang mga anak sa usaping ito dahil wala silang kinalaman.


Sagot ni Mercedes, “Oh, my God! It’s disgusting! It’s embarrassing! I feel for the wife and daughters, I feel bad kasi ‘di ko alam, eh. I know it’s family first, pero how will you defend someone na ganyan magsalita.


“May mali kahit saan mo tingnan, kahit i-defend n’ya ‘yung sarili n’ya (Suntay) na in-explain na ganito, na wala namang aksiyon, it’s just a comment. That’s the thing, eh, may mga lalaking naniniwala throwing comments like that is fine, it’s wrong! You don’t have the right to tell that to women. I just find it phallic, it’s disgusting, it’s embarrassing, that’s it.”


Taga-Visayas Avenue si Mercedes at sa pag-check namin ay sakop ito ng Distrito 4 na nasasakupan ni Cong. Suntay.


“‘Di ko rin kasalanan kung du’n ako nakatira, kaya be smart kung sinuman ‘yung iboboto ninyo. I hope, oh, my God, I hope!” tumawa nitong sabi.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 15, 2026



Aiko Melendez - FB

Photo: Aiko Melendez - FB



Ipinagtanggol ng content creator-talent manager na si Ogie Diaz ang alagang si Konsehala Aiko Melendez ng 5th District ng Quezon City sa mga naglabasang tarpaulin na nakalagay na kakandidato siya bilang vice-mayor ng lungsod at ang dating kongresistang si Mike Defensor ang kanyang ka-tandem.


Matatandaang ilang beses na itong kinlaro ng konsehala at sinabing fake news ito at huwag paniwalaan hangga’t hindi sa kanya nagmumula ang balita.


Base sa pahayag ni Ogie sa vlog nila ni Mama Loi kasama sina Dyosa Pockoh, Tamerlane Mopia at Oliver Carnay, maraming naninira kay Aiko dahil maayos itong magtrabaho.


“Wala po s’yang tinatanguan na partnership with Mike Defensor. ‘Yun ay pakalat at pakana ng mga kalaban ni Aiko kasi nga nagkukumahog na baka raw lumaban o umakyat sa mas mataas na posisyon si Aiko sa susunod na eleksiyon. Wala pong katotohanan ‘yun!” paglilinaw ni Ogie.


Susog ni Mama Loi, “‘Di s’ya tatakbong vice-mayor?


“‘Di raw, pero kung tatakbo man s’ya, ‘di si Mike Defensor ang kanyang mayor, if ever,” sagot ni Ogie.


Sabi ni Oliver, bakit hindi pangaralan ni Ogie si Aiko dahil magkaiba sila ng sinusundang kulay sa pulitika.


“Alam mo, sa totoo lang, ‘di ako nakikialam kung sino ang gustong suportahan ni Aiko at siya rin naman ay ganu’n din sa akin na ‘di n’ya pinakikialaman kung sino ang gusto kong suportahan. Magkaiba kami.


“Ang mina-manage ko lang kay Aiko ay ang kanyang showbiz career, ‘di ang kanyang political career. So, kung pinaniniwalaan n’ya ‘yung ibang kulay, magkaiba kami ng kulay, ay, respetuhan ‘yan,” diin ni Ogie.


KakamPINK si Ogie at si Aiko naman ay malapit sa mga Duterte at close rin ang huli kay VP Sara Duterte.


Tanda namin noong huli naming makausap si Konsi Aiko kamakailan ay natanong siya ni Ogie kung kakandidato ito sa 2028, pero sinagot siya ng “Gusto ko sana, tapusin ang termino ko, Mama Ogs. As of now, ‘yun ang plano ko.”


Pero sey ni Ogie sa vlog ay depende sa survey at nakikiramdam pa ang konsehala at kung maraming may gustong tumakbo siya sa Kongreso ay malamang na ito ang tatakbuhin niya sa susunod na eleksiyon.


Hirit ni Oliver, “Baka may magalit sa kanyang ibang congressman ‘pag tumakbo s’ya!”

“Hay, naku, wala akong pakialam,” tumawang sagot ni Ogie.



MAY post ulit kahapon ng hapon si Konsehala Aiko Melendez na muling ipinagtatanggol ang sarili dahil hindi raw siya tinitigilan ng mga naninira sa kanya.


Ikinuwento ni Aiko ang naging journey niya simula nang pasukin niya ang public service.


Aniya, “Sa loob ng halos 16 years ko sa public service, nakapagsilbi po ako ng tatlong termino bilang Konsehal sa Distrito 2. Nang mahati ang aming distrito dahil sa laki nito at mabuo ang Distrito 5, du’n po ako tumakbo. Sa tulong at biyaya ng Panginoon, ako po ay nasa ikalawang termino na ngayon.


“Kailanman ay ‘di po ako nasangkot sa anumang tiwali o black propaganda style of politicking. Sa mga nakakakilala sa akin, alam nila na wala po akong troll army. Ako mismo ang humahawak ng aking social media.


“Nu’ng unang araw na lumabas ang mga tarpaulin na nagkalat sa ilang bahagi ng QC na ‘di man lang updated ang picture ko at halatang AI (artificial intelligence), agad po akong tumawag kay Kapitan Jojo Abad ng Batasan Hills kung saan may nakita raw na mga tarp. Pinapunta n’ya ang kanyang mga tao para tingnan at sinabi ko rin na i-retrieve ang CCTV upang malaman kung sino ang may kagagawan nito.


“Handa po akong gamitin ang Panginoon bilang saksi na wala po akong kinalaman sa mga ‘yan.


“Una, sa mga nagsasabing ‘epal’ daw ako, paano po mangyayari ‘yun kung ipinatanggal ko ang pangalan ko sa lahat ng service vehicles kahit na sa sarili kong bulsa galing ang pambili ng ilan du’n?


“Pangalawa, sa lahat ng mga projects ko, ‘di ko na rin inilalagay ang pangalan ko. So

does that make sense?


“Mukhang maaga po ang demolition job ninyo laban sa akin. Naglabas na po ako ng official statement para linawin ang lahat, pero kung may ilan pa ring hindi naniniwala, wala na po akong magagawa doon. I can’t please everyone.


“Kung ang tanong po ay ano ang credentials ko bilang leader, maaari ninyong puntahan ang Aiko Melendez QC page para makita kung ako ba ay pabaya. At para naman sa aking legislative work, na s’yang pangunahing trabaho ng isang councilor, maaari po ninyo itong tingnan sa QC website. And modesty aside, ako po ang most awarded councilor sa QC to date.”


Inamin din ng konsehala na maraming nangmamaliit sa kanya, bagkus ay pinagbubuti niya ang kanyang serbisyo para sa mga nangangailangan.


Aniya, “Sa mga nangmamaliit sa aking kakayahan, ayaw ko na sana magsalita. Ngunit kapag alam kong tama ako, ipaglalaban ko po iyon hanggang huli.


“Lahat ng personal na birada ay sinasalo ko na lamang. May nagsasabi pa nga na ‘laos’ na raw ako. Kung laos po ako, bakit ninyo ako pinapabanatan sa mga trolls ninyo? Dapat nga po ay ‘wag na ninyo akong pag-aksayahan ng oras, ‘di po ba?


“At higit sa lahat, wala po akong issue sa trabaho ko bilang konsehal. Du’n ninyo po ako tingnan. Minsan, kailangan ko ring lumaban at ‘di na lamang manahimik.


“Kaya sa mga nagpopondo ng trolls laban sa akin, sa iba na lamang po ninyo ibigay ang budget na ‘yan. Mas mabuti pa sigurong itulong na lang sa mga nangangailangan. Marami pa pong nagugutom at walang pambili ng gamot ang tunay na makikinabang du’n.”


Halatang-halata naman kung sino ang may pakana nito. Yes, may ideya po kami kung sino sila.


 
 

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 13, 2026



Kim Chiu at Paulo Avelino

Photo: The Alibi



Naluha si Kim Chiu nang malaman niyang ang series nila ni Paulo Avelino kasama si Sam Milby na The Alibi: Ang Buong Katotohanan (TAABK) ang papalit sa FPJ’s Batang Quiapo (BQ).


Sa hindi malamang dahilan ay umatras ang teleseryeng Sigabo nina Coco Martin at Julia Montes na dapat sana ay sa Lunes, Marso 16 na eere, pero biglang naging The Alibi na raw.


Sey ni Kim sa panayam sa kanya ni MJ Felipe, “‘Di ko alam talaga (mararamdaman). May mga bagay na nangyayari na ‘di mo ine-expect. Grateful lang talaga ako at ‘di na ako nag-expect ng anything at ‘di ko alam (sabay tawa), pero ‘yun, grateful lang.”

Malaking challenge rin ito sa KimPau dahil maganda ang record na iiwanan ng BQ kaya kailangan itong mapanatili ng serye nila.


Mapapanood ang The Alibi: Ang Buong Katotohanan sa Kapamilya Channel at ALLTV2 simula Lunes, Marso 16, sa ganap na 8 ng gabi sa Kapamilya Channel, ALLTV2, A2Z at Kapamilya Online Live sa YouTube (YT) at Facebook (FB). 


Napapanood din ang mga bagong episode pitong araw na mas maaga sa iWant. Mapapanood din ang serye sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.





HININGAN ng reaksiyon si Angelica Panganiban sa sinabi ng kaibigan niyang TV host-actor na si Vice Ganda sa programa nilang It’s Showtime (IS) na kapag may nakikitang mali ay dapat huwag matakot na sitahin ito o i-call out.


Sabi raw ni Vice, “Kung tayo ay may napapansin na mali at ‘di tama, ‘wag tayong mawawalan ng boses o matatakot na i-call out. Kasi kung ‘di at wala kang ginawa sa gitna ng kasamaan, bahagi ka na rin nito.”


Ang sagot ng pangunahing bida sa online series na The Silent Noise (TSN), “I think, nananatili tayong tahimik dahil sa fear. Sa fear na ini-impose sa atin ng society, o kung saanman ‘yung pinasok natin, anumang institution ‘yun. 

“Kailangan kasi, mawala ‘yung fear. ‘Yun ang pinakauna dapat, magsasalita ka naman kung matapang ka, eh.”


Dagdag pa niya, “So, kailangang ma-build sa atin ‘yung tapang. And ‘pag tama ka, wala kang dapat ikatakot. Kailangan mong mag-speak up. ‘Di lang para sa sarili mo, kasi ‘di lang naman ikaw ‘yung makikinabang. Lalo na, ikaw pa nga ‘yung mapapasama.


“Kailangan mong mag-speak up. Palagi. Kung gusto mo ng pagbabago, kailangan mong magsalita. Lahat ng itinatago, lahat ng iniipon, bumabaho. So tama, magiging parte ka ng mali kung ‘di nakisali ru’n sa tama.”


Samantala, package deal na ang tambalang Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo dahil lagi silang handpicked sa projects bilang mag-asawa. 


Katatapos lang nila ng pelikulang Unmarry nitong 2025 Metro Manila Film Festival (MMFF), heto at may follow-up agad na series, ang TSN kung saan may anak silang deaf na gagampanan ng baguhang batang aktor na si KD Omalin.


Kaya naman kuwento ni Angelica, ibang-iba talaga ang ginawa nila rito ni Zanjoe at nag-aral silang mag-sign language.


“Since dito ay puro sign language, ang aasahan mo ay ‘yung mga mata kaya ‘yun ang challenging talaga bukod sa kailangan mong i-memorize ‘yung sign language kasi mahirap dahil ‘di naman natin kinalakihan ‘yun.


“But along the way, nakikita mo ‘yung fun part kasi kaya naman (aralin). Nu’ng una ay mahirap kasi may mararamdaman ka pang mahirap pero ‘pag nakita mo ‘yung joy na mayroon sila na nae-expose, naise-share sa buhay nila (fulfilled ka na).”

Kapag nasa set daw sila kasama ang mga Filipino Sign Language (FSL) community ay wala silang ginawa kundi magtsismisan tungkol sa showbiz at kung sinu-sino ang mga crushes nila o naguguwapuhan silang kasama.


Gustong ibuking ng aktres ang mga artistang type ng FSL community pero lahat sila ay sumenyas ng “Please, ‘wag” na sinunod naman ni Angelica bilang respeto sa mga newfound friends nila.


Present daw lagi sa set ang grupo para na rin i-guide sina Angelica, Zanjoe Marudo at Zaijian Jaranilla na kinailangang mag-aral ng sign language para maintindihan sila ni KD, ang batang saksi kung paano namatay ang kanyang tutor na ginampanan ni Mylene Dizon.


Anyway, star-studded ang ginanap na premiere night ng The Silent Noise sa Gateway Cinema 11 dahil naroon sina Ralph Malibunas, Kakki Teodoro, Joel Saracho, Junjun Quintana, Monching Gutierrez, Karina Bautista, Tommy Alejandrino, Joem Bascon, Mutya Orquia, Zaijian Jaranilla, KD Omalin, Zanjoe Marudo at Angelica Panganiban.

Espesyal ding inimbitahan sa event ang mga miyembro ng FSL community bilang pagkilala sa papel ni KD Omalin, isang batang bingi sa serye. 


Upang maging mas inklusibo ang programa, may FSL interpreters na nagsalin ng buong media conference para sa kanila.


Mapapanood na ang The Silent Noise sa March 20, Biyernes, sa Prime Video, produced ng ABS-CBN Studios at Prime Video mula sa direksiyon ni Onat Diaz.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page