top of page
Search

ni Janice Baricuatro | April 30, 2023




Dalawa ang naiulat na nasawi habang tatlong iba pa ang patuloy na target ng search and rescue operation matapos na magbanggan ang dalawang banyagang barko sa karagatan ng Corregidor Island sa Cavite, kamakalawa.


Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), nagbanggaan ang MV Hong Hai 189 na isang dredger na galing sa Botolan, Zambales at MT Petite Soeur, na isa namang chemical/oil tanker na galing naman sa Mariveles, Bataan.


Tumaob ang MV Hong Hai sa banggaan pero maswerte namang nasa malapit lang din ang isa pang barko na Heng Da 19, kaya agad na-rescue ang 16 na crew nito. Dalawa rito ang isinugod sa Bataan General Hospital pero nasawi ang isa sa kanila na isang Filipino safety officer.


Kahapon, Abril 29, nang marekober naman ang isa pang bangkay na isang Chinese seaman.


Patuloy pa ang isinasagawang operasyon ng mga awtoridad para sa 3 pang nawawala.


Samantala, ligtas naman ang lahat ng 21 crew na sakay ng MT Petite Soeur.


 
 

ni Madel Moratillo | February 14, 2023




Tinutukan ng military-grade laser light ng barko ng China Coast Guard ang barko ng Philippine Coast Guard na BRP Malapascua sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.


Ayon kay PCG spokesperson Commodore Armand Balilo, dahil sa insidente, nagdulot ito ng pansamantalang pagkabulag ng kanilang mga tauhan na nasa bridge ng barko.


Aminado si Balilo na delikado ito lalo at napakaselan ng bridge ng barko.


Matapos ang panunutok ng laser, nagsagawa pa umano ng delikadong maneuvering ang barko ng China, 150 yarda ang layo mula sa BRP Malapascua.



Sinundan din aniya ng barko ng China Coast Guard ang BRP Malapascua na ng mga panahong iyon ay tumutulong sa resupply mission ng Philippine Navy.


Sa kabila nito, naging matagumpay pa rin naman ang resupply mission.

Tiniyak naman ng PCG na mananatili ang kanilang presensya sa teritoryo ng bansa sa WPS.


Titiyakin din aniya nila ang seguridad ng mga mangingisdang Pinoy na nagtutungo roon.


Bagama’t ito ang unang pagkakataon na tinutukan ng laser ng barko ng China ang barko ng PCG, noong Agosto, nagkaroon na rin ng insidente kung saan pinigilan umano ng barko ng CCG ang barko ng PH Coast Guard ships na makalapit sa Ayungin Shoal para magbigay seguridad sa Philippine Navy sa gagawing resupply mission.


 
 

ni Lolet Abania | June 26, 2022



Isang bangka na may lulang 157 pasahero at walong crew members, ang nasunog ngayong Linggo ng hapon habang patungo ito sa Leyte, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).


Sa initial report ng PCG, ala-1:00 ng hapon ngayong Linggo, nagsimula ang sunog sa MBCA Mama Mary Chloe sa katubigang bahagi na nasa pagitan ng Tugas at Tilmobo Islands.


Ayon sa Coast Guard, ang bangka ay may lulan na 142 matatanda at 15 bata, subalit hindi nakabilang dito ang mga crew members, nang mangyari ang insidente.


Sinabi naman ng PCG Station Eastern Bohol na ang MBCA Mama Mary Chloe ay kayang magsakay ng hanggang 236 passengers.


Ang nasabing bangka, na nakalayag na, ay umalis ng Ubay, Bohol na patungo sa Bato, Leyte, nang sumiklab ang apoy, kung saan nananatiling “hindi matiyak o undetermined” ang pinagmulan ng sunog.


Ayon pa sa PCG, inalerto na rin nila ang lahat ng mga bangka sa lugar matapos na makatanggap sila ng report tungkol sa insidente.


Patuloy naman ang rescue operation at imbestigasyon ng mga awtoridad, habang agad din silang maglalabas ng iba pang nakalap na report hinggil dito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page