top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | January 19, 2024



ree

Inaprubahan na ng Board of Directors (BOD) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang 30% na pagtaas sa mga benepisyo nito, na inirekomenda ni AGRI Partylist Rep. Wilbert T. Lee.


"Sa wakas, 'yung ipinaglalaban natin na 30% increase sa PhilHealth benefits, aprubado na," pahayag ni Lee.


"Malaking tulong ang dagdag na suportang ito ng PhilHealth sa pagpapagamot o pagpapaospital ng milyun-milyong Pilipino,” dagdag niya.


Sa kanyang liham na isinulat para kay PhilHealth President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma, Jr. at sa kanyang inihain na House Resolution No. 1407, iginiit ni Lee sa pamunuan ng PhilHealth na ipatupad ang 30% na pagtaas sa lahat ng benepisyo at saklaw nito.


“Dahil sa inflation, nagtaasan na lahat ng presyo—pagkain, tubig, petrolyo, gamot, pati mga bayad sa serbisyo, kasama ang pagpapaospital. Kaya dapat lang na mag-adjust na ang PhilHealth sa sinasagot nitong mga bayarin para mas makatulong sa mga miyembro,” aniya.


Binigyang-diin pa niya na, “kapag nagkasakit, marami ang hindi nakakapagtrabaho, walang kita, nagagalaw ang budget para sa ibang pangangailangan, nauubos ang ipon at nalulubog sa utang. Kaya bukod sa sakit, lalo pang sumasama ang pakiramdam ng marami sa atin dahil sa mga dagdag na gastusin.”


Matatandaan na noong pagsusuri ng budget ng Department of Health noong Setyembre 2023, nagtagumpay si Lee na ibunyag ang P466 bilyong investible funds at P68.4 bilyong net income ng PhilHealth.


Bukod dito, ipinanawagan din niya ang epektibong implementasyon ng No Balance Billing policy upang bawasan ang "out-of-pocket expenses" para sa mga pasyente at kanilang mga pamilya.

 
 

by Info @Brand Zone | December 14, 2023




ree

 

Muling nakamit ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang ISO 9001:2015 certification para sa Quality Management System (QMS) matapos ang masusing third party audit na isinagawa sa mga tanggapan nito sa buong bansa ngayong taon.

 

Ang nasabing sertipikasyon ay isang pandaigdigang pamantayan para sa quality management ng isang organisasyon, ahensiya o kumpanya. Sumasalamin ito sa mabuti at maayos na mga sistema na siyang daan para makapagbigay ng de-kalidad na serbisyo sa kanilang mga kliyente at stakeholders.

 

Bunsod nito ay pinuri ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang mga opisyal at kawani ng PhilHealth sa masikap na pagpapatupad ng quality management system sa operasyon ng ahensiya. Aniya, “Ang sertipikasyong ito ay hindi lang isang karangalan (bagkus) patunay ng aming commitment sa mahusay na pamamalakad, pagpapabuti ng serbisyo at dedikasyon sa paggawa ”. Ipinangako niya na tuloy-tuloy ang pagsasagawa nito para sa kapakanan ng lahat ng miyembro sa buong mundo.

 

Makikita sa larawan sina Ledesma, Jr. (gitna) habang tinatanggap ang ISO 9001:2015 Certification mula sa SOCOTEC Philippines Inc. Operations Director Gilmore Rivera sa isang simpleng seremonya nitong Disyembre 2023 sa Pasig City. Kasama rin niya sina (mula kaliwa) Acting Vice President for PRO III and Concurrent Senior Manager for Organization and Systems Development Office Henry V. Almanon, Senior Vice President for Legal Atty. Jose Mari F. Tolentino, at Vice President for Arbitration Atty. Jay R. Villegas.

 
 

by Info @Brand Zone | November 21, 2023



Nakatakdang itaas ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng hanggang 30 porsiyento ang bulto ng mga benefit packages nito na inaasahang magpapababa nang malaki sa gastos ng mga pasyente sa pagpapa-ospital.

Ayon sa ahensya, nakaambang ilabas sa susunod na taon ang pinagbuting pakete sa bawat kondisyon, sakit o operasyon, bunsod na rin ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kasama na ang gastusing medikal.

Ayon kay Emmanuel R. Ledesma Jr., Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth, magpapatupad ang PhilHealth ng variable inflation adjustment kung saan mas malaki ang umento habang tumataas ang antas ng isang pasilidad.

Magpapatupad din ng cost-sharing mechanism ang ahensya kung saan magkakaroon ng fixed co-payment para sa pasyente matapos maibawas ang benepisyo ng PhilHealth. "Sa mekanismong ito ay magiging episyente ang pagbibigay ng serbisyong medikal at mapaghahandaan naman ng mga miyembro ang kanilang babayaran para sa dagdag na serbisyo at amenities na nais nilang gamitin habang naka-confine," ani Ledesma.

Idinagdag pa niya na ang malawakang umento sa mga benepisyo ay iba pa sa mga naunang hakbangin sa pagpapalawak ng mga benepisyo ngayong taon. "Ito po ang tugon ng PhilHealth sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Kongreso at mga grupo ng mga pasyente na gawing mas kapaki-pakinabang ang mga benepisyong medikal para sa mga miyembro sa buong bansa".

Matatandaan na ngayong 2023 ay ipinatupad ng PhilHealth ang dagdag na hemodialysis mula 90 patungo sa 156 sessions. Itinaas din ang bayad sa acute stroke mula P28,000 hanggang 76,000 para sa ischemic stroke at mula P38,000 hanggang P80,000 para sa hemorrhagic stroke. Bukod dito ay inilunsad din ang Outpatient Mental Health Package nito lamang Oktubre. Nakatakda ring itaas ang bayad sa high-risk pneumonia bago matapos ang taong 2023, at ang Z Benefits sa breast cancer sa susunod na taon kung saan aabot sa P1 milyon ang ilalaang benepisyo para sa kwalipikadong breast cancer patients kada taon.



Benepisyong handog ng PhilHealth!

Protektahan natin ang kalusugan ng bawat Filipino.


Para sa detalye: Maaaring bisitahin ang official website ng PhilHealth sa www.philhealth.gov.ph. CALLBACK CHANNEL: 0917-8987442 (I-text ang "PHIC callback <space> mobile number o Metro Manila landline ninyo <space> tanong o concern" at kami ang tatawag sa inyo.)


 
 
RECOMMENDED
bottom of page