top of page
Search

by Info @Brand Zone | Nov. 29, 2024



Alagang PhilHealth

Ang National Children’s Month ay ipinagdiriwang buong  Nobyembre taun-taon at  naglalayon na bigyan ang mga batang Pilipino ng access sa isang malusog na  kapaligiran, magandang edukasyon, at  pangangalaga sa kalusugan. 


At bilang suporta sa pagdiriwang na ito, ang PhilHealth ay nagbibigay impormasyon  din tungkol sa mga benepisyong PhilHealth laan para sa mga bata. Kaya alamin ang  mga benepisyo para sa mga batang may developmental at visual disabilities, at  mobility at hearing impairment sa ilalim ng  Z Benefits package. 


Ang Z Benefits ay magagamit para sa  assessment at discharge assessment para  sa developmental disabilities na aabot  hanggang P5,276.


Sagot nito ang mga  serbisyo para tulungan ang mga batang  may delay sa kanilang sensorimotor, communication, social, emotional, at  behavioral skills.


Sa ganitong paraan, matutulungan ng PhilHealth ang mga pamilya at bata na lagpasan ang mga hamon sa kundisyong ito. Bukod pa dito ang P5,000 na benepisyo para sa rehabilitation  therapy hanggang 10 sessions.


Para naman sa children with visual  disabilities, may benepisyong magagamit  hanggang P13,820 para sa optical aids, depende sa pangangailangan ng pasyente. Para masigurong tama ang kanilang  magiging gamutan may coverage naman  para sa assessment mula P7,350 hanggang  P31,920. At may yearly diagnostic benefits  na aabot sa P3,220 para sa Category 1 to 4  na pasyente, at P780 kada taon sa Category  5 patient. 


Sa mga batang hirap sa paggalaw o may  mobility problems na nangangailangan  ng wheelchair, ang Z Benefit na kanilang  magagamit ay P12,730 hanggang P29,450.  


At iyong mga mangangailangan ng iba  pang assistive devices para maigalaw nang  maayos ang kanilang siko, balakang, tuhod, at paa ay may aasahang benepisyo mula  P13,110 hanggang P163,540. Sakop nito  ang assessment, pagsukat at fitting ng mga  assistive devices, at rehabilitation services.  


Kasama rin sa sasagutin ng PhilHealth ang hearing aid ng mga batang hirap  sa pandinig o may hearing impairment,  depende sa klase at edad ng pasyente. Para sa mga batang wala pang 3 years old, may package na P45,400 sa may edad 3 to 6 years old, may P54,100 at para sa edad 6 years old to less than 18 years old ang package ay P43,880 . Kasama pa dito  ang speech therapy assessment, speech evaluation, pagpapalit ng hearing aid,  at iba pa na pwedeng umabot sa higit  P60,000 ang coverage. 


Paalala ng PhilHealth, ang mga Z Benefits na ito ay magagamit ng mga batang wala  pang 18 taon gulang. Dapat ay pumasa sila sa pre-authorization para makagamit ng  benepisyo. Kaya naman magpunta na sa Z Benefit-contracted hospital at sumailalim  na sa pre-authorization para agad malaman  kung makagagamit ng benepisyo


Para sa  listahan ng mga contracted hospitals:  

https://www.philhealth.gov.ph/partners/ providers/facilities/contracted/


Para sa detalye, tumawag sa 24/7 (02) 8662-2588

PhilHealth Your Partner in Health / BAGONG PILIPINAS

PhilHealth



 
 

by Info @Brand Zone | Nov. 26, 2024



Alagang PhilHealth

November 22, 2024 | PR 2024-0021



Nagbayad ang PhilHealth ng kabuuang P137.6 bilyon sa mahigit 12,000 accredited health care facilities nito sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Oktubre 31, 2024 sa bilis na 25 araw. 


Ang nasabing bayad ay P37.6 bilyon o 37.7 porsiyentong mas mataas kumpara sa P99.9 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Samantala, ang 25 araw processing time ay 35 araw mas mabilis kumpara sa 60 araw na itinakda sa Republic Act No. 10606. 


"Ang tuloy-tuloy na pagbabayad at mabilis na pagproseso ng claims ay bahagi ng aming pangako ng mahusay na suporta sa aming health care partners. Malaking tulong ito para mapanatili ang suplay ng mga gamot, mapasahod ang mga health worker, at patuloy na mapagbuti ang mga pasilidad," paliwanag ni PhilHealth President at CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. 


Kinilala naman ng mga malalaking organisasyon gaya ng Philippine Hospital Association (PHA) at Private Hospital Association of the Philippines, Inc. (PHAPi) ang pagbabagong ito sa PhilHealth. Ayon kay PHA President Dr. Jose P. Santiago, Jr., “Marami nang pagbabago sa mga nakaraang buwan tungkol sa pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital. Personal silang bumibisita sa mga ospital sa ibat ibang rehiyon para mag-reconcile at alamin ang mga problema. Dahil dito, nababawasan na ang negatibong issues at nagkakaroon kami ng magandang relasyon. Ramdam na namin ang pagbabago.” 


“Sa nakalipas na ilang buwan, nakita namin ang makabuluhang pagbuti sa pagproseso ng claims. Pinatutunayan at kinikilala ng mga ospital ang positibong pagbabagong ito,” pahayag naman ni PHAPi President Dr. Jose Rene De Grano sa inisyatibong ito ng ahensiya.  


Kasalukuyang tinitingnan ng PhilHealth ang posibilidad na gamitin ang Artificial Intelligence (AI) para lalong pabilisin pa ang pagproseso ng claims. Ayon kay Ledesma, katatapos lang ng kanilang pag-aaral sa posibleng maitutulong ng AI sa bahaging ito ng kanilang operasyon. “Naniniwala kami na sa suporta ng aming mga healthcare partner, ito ay malapit nang maganap.”


Umapela din ang hepe ng PhilHealth sa mga pasilidad  na mamuhunan sa kanilang mga empleyado para matiyak na mabawasan ang sinasauli o dine-deny na claims. "Mahalaga na kumpleto at maayos ang claim na isinusumite sa PhilHealth para maiwasan ang bumabalik na claims dahil sa kakulangan sa dokumento o pagkakaiba sa mga entry; hindi kumpleto, hindi pare-pareho o hindi nababasa ang mga dokumento, at hindi maayos o nakumpletong mga claims form". 


Hindi naman binabayaran ang mga claim dahil sa late filing/re-filing, hindi sakop na mga kaso, at confinement ng pasyente habang may isyu sa accreditation ng ospital. 


“Responsibilidad namin na suriing mabuti ang bawat claim dahil itinakda ito ng batas para tiyakin na ang pondong ipinagkatiwala sa amin ng mga miyembro ay nagagastos nang maingat,” diin ni Ledesma. 


Upang mabawasan ang insidente ng returned o denied na mga claim, nakikipag-ugnayan ang PhilHealth sa mga ospital sa buong bansa upang ipaalam ang mga bagong patakaran sa tamang pagproseso ng claims. Nagsasagawa din sila ng claims reconciliation. 


“Patuloy ang pagsisikap ng PhilHealth na maipaalam sa ospital ang status ng kanilang claims. Naniniwala kaming ilalagay nito sa tamang perspektibo ang isyu ng diumano’y hindi namin pagbabayad. Ang PhilHealth ay pinamamahalaan ng mga batas at mga tuntunin ng state auditing upang matiyak na ang bawat piso ay ginagastos

nang maingat at transparent,” giit ng PhilHealth Chief.



Para sa detalye, tumawag sa 24/7 (02) 8662-2588

PhilHealth Your Partner in Health / BAGONG PILIPINAS

PhilHealth



 
 

by Info @Brand Zone | Nov. 15, 2024



Alagang PhilHealth

Milyun-milyon ang apektado ng diabetes sa buong  mundo. Marami ang nakararanas ng distress o pagkabalisa dahil sa kundisyong ito, habang ang iba  naman ay nangangambang magdulot ito ng kumplikasyon, kaya’t  hirap silang maging masaya dahil sa kanilang karamdaman.


Sa Pilipinas, tinatayang higit sa 4 milyong Pilipino ang may diabetes, at maaaring umabot pa ito sa 7.5 milyon sa taong 2045. Ang ilan sa posibleng kumplikasyon ng diabetes ay pagkabulag, kidney failure, at amputation ng ilang bahagi ng katawan. Kaya naman, sino nga ba ang hindi mababalisa sa pagdating ng diabetes?


Huwag mag-alala! Maaaring agapan at i-manage ang diabetes. Una, mahalagang mapanatili ang malakas na kalusugan sa pamamagitan ng pag-iwas sa matatamis at matatabang pagkain, at regular na ehersisyo. Nariyan ang PhilHealth bilang katuwang sa pangangalaga sa kalusugan. Sa pamamagitan ng PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta), lahat tayo ay may benepisyo para sa mga laboratory test tulad ng fasting blood sugar para ma-monitor ang ating blood sugar level. Mahalaga ring magkaroon ng tamang kaalaman tungkol sa diabetes para mapangalagaan ang

kalusugan at makaiwas sa mga kumplikasyon nito.


Kabilang sa Konsulta ang librengn konsultasyon sa doktor, na makatutulong upang mabantayan ang mga sintomas ng diabetes tulad ng palaging pagkagutom, pagkauhaw, madalas na pag-ihi lalo na sa gabi, at biglaang pagbaba ng timbang. Ang inyong napiling Konsulta provider ang may kakayahang magbigay ng sapat na kaalamang pangkalusugan para sa epektibong pag-iwas o pamamahala ng diabetes.


Mayroon ding libreng gamot tulad ng metformin at gliclazide na maaaring makuha basta nirekomenda ng inyong Konsulta Provider. Kaya hanapin ang Konsulta provider na malapit sa inyo at magparehistro na para makamtan ang mga serbisyong ito.


Para sa mga pasyenteng kinakailangang ma-confine dahil sa diabetes, may benepisyong aabot sa P20,540 depende sa kundisyon. Tumaas ito ng 30% dahil sa mga adjustments na ipinatupad ng PhilHealth para sa All Case Rates packages noong Pebrero 1, 2024. Pangako ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. na

lalo pang pagbubutihin ang mga benepisyo nito para sa mga Pilipino, “Huwag matakot magpagamot dahil sagot kayo ng PhilHealth!”



Para sa detalye, tumawag sa 24/7 (02) 8662-2588

PhilHealth Your Partner in Health / BAGONG PILIPINAS

PhilHealth



 
 
RECOMMENDED
bottom of page