top of page
Search

by Info @Brand Zone | Nov. 26, 2024



Alagang PhilHealth

November 22, 2024 | PR 2024-0021



Nagbayad ang PhilHealth ng kabuuang P137.6 bilyon sa mahigit 12,000 accredited health care facilities nito sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Oktubre 31, 2024 sa bilis na 25 araw. 


Ang nasabing bayad ay P37.6 bilyon o 37.7 porsiyentong mas mataas kumpara sa P99.9 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Samantala, ang 25 araw processing time ay 35 araw mas mabilis kumpara sa 60 araw na itinakda sa Republic Act No. 10606. 


"Ang tuloy-tuloy na pagbabayad at mabilis na pagproseso ng claims ay bahagi ng aming pangako ng mahusay na suporta sa aming health care partners. Malaking tulong ito para mapanatili ang suplay ng mga gamot, mapasahod ang mga health worker, at patuloy na mapagbuti ang mga pasilidad," paliwanag ni PhilHealth President at CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. 


Kinilala naman ng mga malalaking organisasyon gaya ng Philippine Hospital Association (PHA) at Private Hospital Association of the Philippines, Inc. (PHAPi) ang pagbabagong ito sa PhilHealth. Ayon kay PHA President Dr. Jose P. Santiago, Jr., “Marami nang pagbabago sa mga nakaraang buwan tungkol sa pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital. Personal silang bumibisita sa mga ospital sa ibat ibang rehiyon para mag-reconcile at alamin ang mga problema. Dahil dito, nababawasan na ang negatibong issues at nagkakaroon kami ng magandang relasyon. Ramdam na namin ang pagbabago.” 


“Sa nakalipas na ilang buwan, nakita namin ang makabuluhang pagbuti sa pagproseso ng claims. Pinatutunayan at kinikilala ng mga ospital ang positibong pagbabagong ito,” pahayag naman ni PHAPi President Dr. Jose Rene De Grano sa inisyatibong ito ng ahensiya.  


Kasalukuyang tinitingnan ng PhilHealth ang posibilidad na gamitin ang Artificial Intelligence (AI) para lalong pabilisin pa ang pagproseso ng claims. Ayon kay Ledesma, katatapos lang ng kanilang pag-aaral sa posibleng maitutulong ng AI sa bahaging ito ng kanilang operasyon. “Naniniwala kami na sa suporta ng aming mga healthcare partner, ito ay malapit nang maganap.”


Umapela din ang hepe ng PhilHealth sa mga pasilidad  na mamuhunan sa kanilang mga empleyado para matiyak na mabawasan ang sinasauli o dine-deny na claims. "Mahalaga na kumpleto at maayos ang claim na isinusumite sa PhilHealth para maiwasan ang bumabalik na claims dahil sa kakulangan sa dokumento o pagkakaiba sa mga entry; hindi kumpleto, hindi pare-pareho o hindi nababasa ang mga dokumento, at hindi maayos o nakumpletong mga claims form". 


Hindi naman binabayaran ang mga claim dahil sa late filing/re-filing, hindi sakop na mga kaso, at confinement ng pasyente habang may isyu sa accreditation ng ospital. 


“Responsibilidad namin na suriing mabuti ang bawat claim dahil itinakda ito ng batas para tiyakin na ang pondong ipinagkatiwala sa amin ng mga miyembro ay nagagastos nang maingat,” diin ni Ledesma. 


Upang mabawasan ang insidente ng returned o denied na mga claim, nakikipag-ugnayan ang PhilHealth sa mga ospital sa buong bansa upang ipaalam ang mga bagong patakaran sa tamang pagproseso ng claims. Nagsasagawa din sila ng claims reconciliation. 


“Patuloy ang pagsisikap ng PhilHealth na maipaalam sa ospital ang status ng kanilang claims. Naniniwala kaming ilalagay nito sa tamang perspektibo ang isyu ng diumano’y hindi namin pagbabayad. Ang PhilHealth ay pinamamahalaan ng mga batas at mga tuntunin ng state auditing upang matiyak na ang bawat piso ay ginagastos

nang maingat at transparent,” giit ng PhilHealth Chief.



Para sa detalye, tumawag sa 24/7 (02) 8662-2588

PhilHealth Your Partner in Health / BAGONG PILIPINAS

PhilHealth



 
 

by Info @Brand Zone | Nov. 15, 2024



Alagang PhilHealth

Milyun-milyon ang apektado ng diabetes sa buong  mundo. Marami ang nakararanas ng distress o pagkabalisa dahil sa kundisyong ito, habang ang iba  naman ay nangangambang magdulot ito ng kumplikasyon, kaya’t  hirap silang maging masaya dahil sa kanilang karamdaman.


Sa Pilipinas, tinatayang higit sa 4 milyong Pilipino ang may diabetes, at maaaring umabot pa ito sa 7.5 milyon sa taong 2045. Ang ilan sa posibleng kumplikasyon ng diabetes ay pagkabulag, kidney failure, at amputation ng ilang bahagi ng katawan. Kaya naman, sino nga ba ang hindi mababalisa sa pagdating ng diabetes?


Huwag mag-alala! Maaaring agapan at i-manage ang diabetes. Una, mahalagang mapanatili ang malakas na kalusugan sa pamamagitan ng pag-iwas sa matatamis at matatabang pagkain, at regular na ehersisyo. Nariyan ang PhilHealth bilang katuwang sa pangangalaga sa kalusugan. Sa pamamagitan ng PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta), lahat tayo ay may benepisyo para sa mga laboratory test tulad ng fasting blood sugar para ma-monitor ang ating blood sugar level. Mahalaga ring magkaroon ng tamang kaalaman tungkol sa diabetes para mapangalagaan ang

kalusugan at makaiwas sa mga kumplikasyon nito.


Kabilang sa Konsulta ang librengn konsultasyon sa doktor, na makatutulong upang mabantayan ang mga sintomas ng diabetes tulad ng palaging pagkagutom, pagkauhaw, madalas na pag-ihi lalo na sa gabi, at biglaang pagbaba ng timbang. Ang inyong napiling Konsulta provider ang may kakayahang magbigay ng sapat na kaalamang pangkalusugan para sa epektibong pag-iwas o pamamahala ng diabetes.


Mayroon ding libreng gamot tulad ng metformin at gliclazide na maaaring makuha basta nirekomenda ng inyong Konsulta Provider. Kaya hanapin ang Konsulta provider na malapit sa inyo at magparehistro na para makamtan ang mga serbisyong ito.


Para sa mga pasyenteng kinakailangang ma-confine dahil sa diabetes, may benepisyong aabot sa P20,540 depende sa kundisyon. Tumaas ito ng 30% dahil sa mga adjustments na ipinatupad ng PhilHealth para sa All Case Rates packages noong Pebrero 1, 2024. Pangako ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. na

lalo pang pagbubutihin ang mga benepisyo nito para sa mga Pilipino, “Huwag matakot magpagamot dahil sagot kayo ng PhilHealth!”



Para sa detalye, tumawag sa 24/7 (02) 8662-2588

PhilHealth Your Partner in Health / BAGONG PILIPINAS

PhilHealth



 
 

by Info @Brand Zone | Nov. 12, 2024



Nobyembre 8, 2024 | PR 2024-0020


Upang lubos na pagaanin ang gastos sa gamutan, itinaas kamakailan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pakete nito sa severe o malubhang dengue sa P47,000 mula sa dating P16,000 simula Nobyembre 1, 2024.


Kasunod ito ng naunang pagtataas sa benepisyo para sa dengue na mayroon o walang sintomas sa P13,000 mula sa dating P10,000 noong Pebrero 14, 2024.


"Patuloy na nakasuporta ang PhilHealth sa mga Pilipino lalo na sa mga panahong laganap ang pagkakasakit. Sa halos dobleng pagtaas ng benepisyo para sa malulubhang kaso ng dengue, umaasa kaming mababawasan nang malaki ang pasanin ng mga pasyente at kanilang pamilya,” pahayag ni PhilHealth President at CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr.


“Kapag may mga sintomas na ng dengue, huwag na po kayong magdalawang-isip. Huwag matakot sa pagpapagamot, sagot kayo ng PhilHealth.", dagdag pa niya.


“Kapag may mga sintomas na ng dengue, huwag na po kayong magdalawang-isip. Huwag matakot sa pagpapagamot, sagot kayo ng PhilHealth.", dagdag pa niya.


Ayon sa Department of Health noong Oktubre 4, 2024, umabot na sa 269,467 ang mga kaso ng dengue sa buong bansa, kung saan ang National Capital Region ay dineklara na sa alert level dahil sa naitalang 24,232 mga kaso.


Nagpaalala naman ang PhilHealth na sa mga serbisyong nakapaloob sa minimum standards of care, dapat ay walang co-payment o dagdag-bayad ang pasyente kung na-admit sa ward accommodation. Kung ang pasyente naman ay kumuha ng upgraded services, pumili ng duktor, o gumamit ng amenities gaya ng private, executive, o suite rooms na may refrigerators, microwave ovens, at Wi-Fi, may karagdagang bayarin na o co-payment. Ayon sa PhilHealth, dapat na ipaliwanag itong mabuti ng doktor o pasilidad para sa kinakailangang informed consent ng pasyente. 


Para sa karagdagang mga katanungan tungkol sa severe dengue package at iba pang mga benepisyo, tumawag sa 24/7 Hotline ng PhilHealth sa (02) 866-225-88 o sa mga mobile numbers na sumusunod (Smart) 0998-857-2957, 0968-865-4670, (Globe) 0917-127-5987, o 0917-110-9812.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page