top of page
Search
  • BULGAR
  • Aug 22, 2021

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 22, 2021



Naaalala pa natin ang mga pangyayari noong ika-21 ng Agosto, 1983. Nang makaraan ang tatlong taon mula ng kanyang operasyon sa puso sa isang ospital sa Dallas, Texas ay nagpasyang umuwi ng Pilipinas si dating Sen. Benigno Aquino. Ayon kay ex-Sen. Salonga, “Umuwi si Ninoy dahil sa inip at pagnanasang lumahok sa mahahalagang nangyayari sa ating bansa.”


Maaalala natin kung paano nagdusa ang dating senador mula ika-21 ng Setyembre, 1972 nang ipakulong ito kasama ng iba pang lider ng oposisyon. Nanatili siya nang walong taon sa kulungan. Halos kakukulong pa lang niya, sinimulan niya noong ika-4 ng Abril, 1972 ang isang 40-araw “hunger strike” laban sa pagdeklara ni ex-P-Marcos ng Martial Law. Sa mga sumunod na taon, nagtiis si Ninoy ng pagkakakulong hanggang sa humina ang puso nito at kinailangang ma-operahan. Hindi siya pumayag magpaopera sa anumag ospital sa Maynila dahil sa takot nitong masabotahe ang operasyon. Alam din ni Marcos ang malalim na implikasyon ng anumang hindi magandang mangyari kay Ninoy kung ito ay ooperahan sa Pilipinas. Kaya’t pinayagan na lang ito magpa-opera sa Estados Unidos.


Matagumpay ang operasyon ni Ninoy at naging tahimik at ligtas ang buhay niya at ng kanyang pamilya sa Estados Unidos sa sumunod na tatlong taon. Maaaring nanatiling tahimik at ligtas ang buhay ni Ninoy sa Estados Unidos, ngunit hindi matamik si Ninoy sa mga nangyayari sa kanyang bansa sa mga oras na iyon. Alam ni Ninoy na hindi na maganda ang kalusugan ni Marcos, ngunit tila nagbabakasakali siyang makikinig ang dating pangulo sa kanya kung pakikiusapan niyang wakasan na ang Martial Law at ibalik ang demokrasya.


Kaya nang lumanding ang sinasakyan niyang eroplano sa ganap na alas-1:04 ng hapon, iba na ang pakiramdam ni Ninoy. Nagro-rosaryo ito. At sinabihan niya ang kanyang bayaw na reporter na si Ken Kashiwara, “Ligtas ako rito. Ngunit kung babarilin nila ako sa ulo, tapos ako.” Nagsuot ng “bullet proof vest si Ninoy at naghandang bumaba ng eroplano. Paglapag ng eroplano, sinundo siya ng ilang miyembro ng AVSECOM. Sinabihan ang lahat na manatiling umupo habang sinasamahan si Ninoy lumabas ng eroplano. At ilang minute pa lang nakalalabas ng eroplano si Ninoy nang narinig ang ilang putok ng baril. Nakita na lang ng mga nasa eroplanong nakahandusay sa tarmac si Ninoy.


Mabilis kumalat ang balitang binaril si Ninoy. Sa mga sumunod na araw, dinagsa ang burol ni Ninoy sa kanyang bahal sa Times Street at Santo Domingo Church. Nang ilibing si Ninoy noong ika-31 ng Agosto 1983, halos dalawang milyong mamamayan ang naglakad at naghintay dumaan ang truck na lulan ang labi ni Ninoy.


Milyong Pilipino ang dumagsa sa libing ni Ninoy. Si Ninoy ba ang hanap nila o hanap nila ang kanilang sarili na tila nawala at natabunan ng lumipas na 21-taon ng pang-aabuso ng diktador, ng kanyang pamilya at alipores. Naroroon ako. Naglakad ako mula Santo Domingo Church hanggang Magallanes, Makati. Hindi natin maalala kung ilang oras ako naglakad. Hindi mo talaga pansin ang layo at ang pagod dahil marami, napakaraming naglalakad. Hanap ba nila si Ninoy o hanap nila ang nawawala nilang sarili?


Napakahalagang balikan ang mga aral ng mga araw na iyon. Tiyak na maraming aral. Ngunit, isa sa pinakamahalagang aral ay ang milyun-milyong naglakad at patuloy na naglakad hanggang Pegrero 1986. Si Ninoy ang kanilang nais makita, nais ihatid at samahan. Ngunit, hindi lang si Ninoy ang kanilang hinahanap… Hindi lang si Ninoy ang namatay na bayani. Napakaraming buhay na naglalakad. Napakaraming nabuhay na bayani. Salamat, salamat Ninoy sa pag-alay ng sarili.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 15, 2021



Unti-unting lumalala at kumakalat ang Delta variant kaya't maraming bansa ang nababahala. Matindi ang paghihigpit na nagaganap ngayon sa Australia dahil sa natuklasang pagpasok ng ilang kaso ng Delta variant. Gaano ba ka-seryoso ang banta nito? Madaling sagutin ito sa pamamagitan ng datos sa India kung saan daan-daang libo na ang namamatay. Maraming nakapangingilabot na larawan ng mga sinusunog na bangkay sa mga daan at parking lot ng mga ospital. Sabay-sabay namamatay at wala nang panahong dalhin sa karaniwang lugar ng pagsunog ng mga bangkay. Marami sa mga namatay ay hindi na nakapasok sa ospital. Namatay ang mga ito sa mga sasakyan o sa mga higaang inilagay na lang sa ilalim ng mga puno sa mga paradahan ng mga ospital.


Madalas tayong umikot at dumalaw sa mga pamayanan sa paligid ng parokya. Madalas nating mapansin at pagsabihan ang napakaraming bata at ang kanilang mga magulang o nakatatandang kapatid na hindi nakasuot ng facemask.


Napakalinaw na ang problema ay hindi lang ang bumibilis at lumalalang pagkalat ng Delta variant. Pinalala pa ito ng kakulangan ng malalim at epektibong edukasyong pang-kalusugan sa mamamayan.


Madalas nating makita ang mensahe sa mga construction sites: SAFETY FIRST! At hindi lang minsan nating makikita sa mga lugar na ito ang mga hindi nakasuot sa helmet, safety boots at harnest. Dumarami rin ang mga construction sites na maingat at ligtas sa mga aksidente at ibang kaugnay na kapahamakan. Sa mga kalye merong mababasa sa mga ilan lugar ang babalang, “Meron nang namatay sa aksidente ng pagmamaneho sa lugar na ito. Mag-ingat sa pagmamaneho!” Subalit, sa kabila ng nasabing babala, bigla na lang haharurot ang kotse o motor na tila walang takot o kung kumilos ay pawang walang kamatayan. Kung ang tao ay walang pag-iingat sa sarili, lalong wala siyang pag-iingat para sa kapwa.


Baka kasabay ng mga babala hinggil sa matinding panganib na dulot ng Delta variant, kailangan ding ituro ang positibo at kongkretong pangangalaga sa kapakanan ng iba at ng buong pamayanan? Oo, kailangang mag-ingat, mag-stay at home at mag-lockdown na dati na nating ginagawa.


Magdadalawang linggo na ang paghingi ng tulong, materyal at pinansiyal para magluto at magbahagi ng pagkain sa mga nangangailangan. Lockdown = Pag-iingat at pag-iwas sa impeksiyon, Yes! Ngunit hindi sapat. Paglilingkod, pagtulong sa kapwa sa gitna ng pandemya = Yes na yes!

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 08, 2021



Pista ng Transfiguration of Our Lord noong Biyernes. Pinagdiriwang ang pistang ito ng ilang parokya sa linggong kasunod ng ika-6 ng Agosto. Kaya’t pista ng pagbabagong-anyo ng Panginoon sa maraming parokya sa buong mundo. Tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbabagong-anyo ng Panginoon: “Pagkaraan ng anim na araw, umakyat si Jesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila’y naroroon, nakita nilang nagbabagong-anyo si Jesus, nagningning ang kanyang kasuotan na naging puting-puti, anupa’t walang sinumang makapagpapaputi nang gayun. At nakita ng tatlong alagad sina Moises at Elias, na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama. At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mgaalagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Jesus.” (Marcos 9: 2ff)


Ang napakahalagang elemento ng pagbabagong-anyo ngayong pandemya ay ang pagpapa-dalisay ng ating isip, salita at gawa. At muli na namang kumalat ang kung anu-anong pahayag mula sa Malacañang: “Kung hindi kayo magppabakuna, huwag na lang kayo lumabas ng bahay.” “Kung lalabas kaya ipasusundo ko kayo para ibalik sa inyong mga bahay.” “Pahuhuli ko kayong mga lumalabas na hindi pa nababakunahan.” “Paiiniksiyunan ko kay ng iniksiyon para sa baboy.”


Wala pang social media at mainstream media noong panahon ni HesuKristo at ng kanyang mga alagad. Tanging isip at bibig lang ng kanyang mga alagad ang gumagana kapag may nangyayaring kakaiba sa kanilang kapaligiran. Subalit ganun na lang makahawa ang takot at pagkalito. At napakadaling ikalat din ito ng simpleng palitan ng salita. Subalit, dagdag pa sa COVID-19 pandemic ay ang pandemya ng bibig at daliri. Ano ang dapat gawin upang hindi maapektuhan, higit na matakot o malito dahil sa mapanlinlang na salita na lumalabas sa commercial o government media o sa iba’t ibang social media platforms?


Kung may pagbabagong-anyo na dapat mangyari ngayon, dapat ito mangyari sa mga bibig at daliri na sa halip na bawasan ang takot, kalituhan, ang mga ito pa ang mismong nag-uudyok ng pagkalat ng virus.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page