top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 03, 2021



Napaka-gandang inspirasyon… Dalawang banal na sinilang sa magkaibang panahon, ngunit malaki ang pagkakahawig nina Santa Teresita ng Batang si Hesus at San Francisco ng Assisi.


Hindi naging mahirap ang magsulat ng pagninilay sa Pista ni Santa Teresita kaugnay ng papalapit nang pista ni San Francisco ng Assisi noong ika-4 ng Oktubre 2021. Kinailangan nating magbigay ng omeliya sa ika-7 araw ng nobenaryo para sa pista ni San Francisco noong Biyernes, ika-1 ng Oktubre 2021. Habang sinusulat ang omeliya, naiisip ko ang mga nangyayari kaugnay ng simula ng pagdedeklara sa Commission on Elections o COMELEC ng filing ng COC o Certificate of Candidacy. Naunang mag-file si Manny Pacquiao, na kakandidato sa pagka-pangulo ng basa. Alam nating nagdeklara na si Isko, ngunit hindi pa siya nagpa-file. Gayundin sina Vicente "Tito" Sotto at Panfilo "Ping" Lacson. Samantala, hindi pa rin nagpa-file ng kandidatura si Bongbong. Uurong pa kaya at magbabago ng isip ang mga ito? Malamang ay hindi na dahil kapansin-pansin sa karamihan ng mga kandidato sa pagka-Pangulo ay siguradung-sigurado at kampanteng-kampante na mananalo sila.


Nakilala sina San Teresita at San Francisco sa kanilang pagiging mapagkumbaba. Ang tawag kay Santa Teresita ng Batang si Hesus ay ang Munting Bulaklak, o “Little Flower” dahil itinuturo niya ang “maliit na pamamaraan”. Nakilala rin si San Francisco bilang ang “Poverello” na ang ibig sabihin ay ang maliit na lalaki. Ano ang ibig sabihin ng kaliitan sa buhay ng dalawang santo? Kapwa sila mapagkumbaba at walang bahid ng kayabangan sa anumang sinasabi o ginagawa ng mga ito. Oo, kung tutuusin, walang santo na hindi mapagkumbaba. Napakalinaw na tanda ng kabanalan ang kapakumbabaan dahil mahirap isipin at tanggapin ang imahe ng santong nakikipagtalo at nakikipag-away sa Diyos.


Ang pangalawang ituturo ng mga santo ay ang Kabanalan ng Kalooban ng Diyos. Hangga’t hindi malinaw sa atin ang kalooban ng Diyos, hindi rin magiging malinaw kung ano ang dapat nating gawin. At kung ipipilit natin ang ating nakikita, naiisip at napipiling pasya, malinaw na hindi mahalaga sa atin na alamin ang kalooban ng Diyos. Maselan at masalimuot ang kalooban ng Diyos, kailangan itong maingat na kilatisin. Kailangan ng panahon, pag-iingat at tiyaga na kilatisin, alamin at sundin ang kalooban ng Diyos.


Hindi kaya ito ang dahilan ng mabagal na pasya ni VP Leni Robredo? Kaya’t madalas natin siyang marinig na nagsasabing, kailangan ko ng panahong kumilatis at piliin ang kalooban ng Diyos.


Halos lahat ng makakalaban niya na buong-buo na ang desisyong tumakbo. Huwag nating tanungin kung bakit at paano ang mga ito nagpasya. Napakahalagang unawain kung bakit hanggang ngayon ay wala pa siyang malinaw na pasya? Siya ba ay bumibuwelo o tumitiyempo lang at sigurado na siyang tatakbo o totoong nag-iingat, nagdadasal at kumikilatis ito ng kalooban ng Diyos?


Isang malinaw na ugali ng mga banal ay ang kanilang kakayahang maghirap o magdusa ng tahimik. Ganito sina Santa Teresita na matagal at tahimik na nagtiis ng kanyang sakit na Tuberculosis. Ganito rin si San Francisco, na tiniis ang kanyang Tracoma o sakit sa mata na ginawa siyang labis na maselan sa ilaw. Nakalulungkot tingnan na bihirang ipakita at ipadama ng maraming kandidato ang kakayahang maghirap, magdusa, magdasal at maingat na kilatisin ang kalooban ng Diyos.


Kung ganito rin ang kandidato, na hindi siya nagmamadali at sinisikap na pakinggan at pakiramdaman hindi lang ang pulso ng taumbayan, kundi ang pulso ng Diyos, higit na mahalaga sa kanyang malaman ang kalooban ng Diyos na kung kalooban nitong kumandidato siya, tiyak na gagamitin siya ng Diyos at dadaan sa kanya ang banal na liwanag, lakas, karunungan at tapang ng Diyos.


Nawa’y palalimin at patiningin pa ang kaliitan ng mga banal sa iyo VP Leni at tulungan ka sa lalong madaling panahon na magpasya. Amen.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 26, 2021



Noong 1996 ang unang taon ng tatlong taong pagdiriwang ng sentenaryo ng rebolusyon laban sa mga Kastila. Ito rin ang simula ng Gomburza, KKK at Trans-Pilipinas Run.


Dahil sa mga nagaganap na gulo at karahasan sa ilang bahagi ng Mindanao, isinagawa natin ang "Takbo para sa Kapayapaan" mula sa Cotabato City hanggang Cagayan de Oro. Sa sumunod na taon, 1997 ay naganap ang "Takbo para sa Kalikasan sa Kabisayaan". At nahati sa dalawa ang 1998 sa "Takbo para sa Malinis at Mapayapang eleksyon" at "Takbo para sa Kalayaan".


25-taon na ang nakararaan mula nang patakbo nating nilakbay ang buong kapuluan. Napakaraming nangyari mula kay dating Pangulong Fidel V. Ramos hanggang kina ex-P-Erap, ex-P-GMA, ex-P-Noy at lalung-lalo na sa administrasyon ng kasalukuyang Pangulo. Bagama’t napakaraming mabibigat na isyu ang hinarap ng taumbayan mula naunang mga lider ng bansa, kakaiba ang mga pinagdaraanan natin sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.


Hindi nawawala ang korapsiyon at karahasan at dumagdag pa ang pandaigdigang krisis ng COVID-19.


Madilim, sobrang dilim ang kapaligiran ng ating bansa. Napakaraming namatay dahil sa pandemya. Mahigit nang 37, 405 ang namatay. At ang pinakamataas na impeksiyon sa isang araw ay umabot na ng mahigit 26,000. Mula noong isang taon umabot na ng 2,453,328 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan o nahawa. Kung anu-anong eksperimento na ang isinagawa ng pamahalaan -- kaliwa't kanan ang quarantine. Kung anu-ano ang announcement na nanggagaling sa Department of Health at Malacañang.


Noong Miyerkules, samantalang binabakunahan ang humigit-kumulang 300 residente ng Barangay Toro, nakausap natin ang isang Counselor na naiimbitahan ng mga Obispo sa kani-kanilang diyosesis upang magbigay ng panayam sa Mental Health o kalusugan ng isipan. Paliwanag ng Counselor na napakaraming tinatamaan ng depresyon, panic-attack at kung anu-ano pang mga hindi nakatutulong, bagkus ay nakakasamang kondisyon sa utak o kaisipan. Hindi nga lumalabas ang marami at naghahangad na manatiling ligtas sa impeksiyon, ngunit maraming nagkakasakit sa kaiisip at pag-aalala dahil parami nang parami ang mga kaso.


Lumalabo at dumidilim, hindi lang ang katawan kundi ang kaisipan ng marami. At kapag ang isipan ay humina at nagkasakit, hindi malayong magkasakit din ang katawan. At sa gitna ng panganib ng pandemya, ganun na lang ang bangayan ng mga pulitiko. Kaya’t patuloy lang ang paghahanap buhay at araw-araw na pakikibaka ng mga maralitang taga-nayon at lungsod. At kahanga-hanga ang maraming nagsisikap mabuhay at maghanap-buhay sa gitna ng isang katerbang batas na nagbabawal ng iba’t ibang gawain.


At dahil damang-dama ang pait at bigat ng kahirapang dulot ng pandemya, maraming pinaghihinaan ng loob at meron ding tuluyan nang nawawalan ng pag-asa’t kinikitil ang sariling buhay. Maraming natuto ng magkulong sa kani-kanilang tahanan at tawagin itong normal. Oo, kailangang mag-ingat, ngunit hindi sa puntong tuluyan nang mawalan ng sigla, kulay, kabuluhan at direksiyon ang buhay.


Kailangan nating muling lumabas sa kulungan ng ating mga sarili at ipagtanggol ang katinuan at kalayaan ng ating isipan at kalooban. Kailangang ibalik hindi lang ang pagtitiwala sa sarili kundi ang pananampalataya sa Diyos na buhay -- sa Diyos ng buhay.


Kaya’t muling magsisimula ang mahabaang paglalakbay mula sa dilim tungo sa liwanag. Tuluyan na nating itatanim ang Krus ng Paglalakbay at Misyon para sa Paghihilom at Proteksiyon (Pilgrim Mission Cross of Healing and Protection) mula sa Pampanga hanggang Bulacan at Metro Manila. Maglalakad tayo mula ika-8 hanggang ika-28 ng Setyembre 2021 mula simbahan ng Santiago Apostol, Betis, Pampanga hanggang Immaculate Conception Cathedral, Malolos Bulacan at magtatapos sa Parokya ng Santa Clara sa Dagat-dagatan, Navotas.


Iaalay natin ang mahabang paglalakad bilang panalangin at sakripisyo upang manumbalik ang sigla, tapang at katatagan ng pananampalatayang Kristiyano na pinahina ng pandemya at ng kapaligirang tigib sa takot at kalituhan.


Tara na, maglakad, maglakbay, sindihan ang kandila o sulo ng pananampalataya, bagtasin ang mahabang landas na balot sa dilim at magtiwalang sasalubungin tayo ng maluwalhating liwanag ng bukang liwayway.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 05, 2021



Kahapon, ika-4 ng Setyembre, 2021 ay ang unang anibersaryo ng pagkamatay ni Allan Sumayao ng NIA Road, Barangay Pinyahan, Quezon City. Si Allan ang pang-11 na biktima ng EJK sa barangay. Hindi natin inabutan ang kanyang bangkay, tulad ng iba pang biktima, ngunit kasama ng halos 50 residente ng NIA Road, dinasalan at binasbasan namin ang mismong lugar kung saan siya pinaslang.


Buhay na buhay na pula pa rin ang kulay ng mantiya ng dugo ni Allan na naiwanan sa kalye. May malansang amoy pa rin ito kaya’t napansin nating nagtatakip ng ilong na natatakpan na rin ng facemask ang marami sa mga naroroon. Tulad ng naunang 10 na biktima ng EJK, tinatapos natin ang panalangin sa panawagang, “Sana po Panginoon, ito na ang huli, ito na sana po ang huli.”


Ngunit pawang hindi ito dininig ng Panginoon. Tila, merong ibang mensahe ang Panginoon. Isang buwan lamang ang nakararaan, walang pinapatay sa Barangay Pinyahan nang nabalitaan natin ang tunay na pangyayari kay Melchor Umadhay noong ika-11 ng Oktubre 2020.


Ilang linggo ng nawawala si Melchor nang dumalaw sa kanyang mga magulang ang mga pulis ng Baras, Rizal. Natagpuan ng mga ito ang bangkay ng isang lalaki na inaakala nilang kamag-anak ng kanilang dinalaw na pamilya. Pinapunta ang mga magulang ni Allan sa punerarya sa Antipolo at doon nila nakita ang kalunus-lunos na kalagayan ng bangkay ng kanilang anak. Binigyan natin ng larawan ng bangkay ni Melchor na kuha ng mga pulis ng natagpuan nila ito. Hindi natin maaari kung ano’ng ating nararamdaman.


Noong isang linggo, nahatulan na ng 40-taong pagkakakulong si Jonel Nuezca, ang pulis na pumatay sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio. Maraming humanga sa mabilis na paglilitis ng kaso ni Nuezca na humantong sa malinaw na desisyon sa loob ng walong buwan lamang. Salamat at hindi natakot si Judge Stela Marie Q. Gandia-Asuncion ng Paniqui, Tarlac Regional Trial Court. Salamat at ganundin ang nangyari sa mga pulis na sangkot sa pagpatay sa 17-taong Kian delos Santos. Sinentensiyahan ni Judge Rodolfo Azucena sina Police Officer 3 Arnel Oares, Po1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz ng apat na pung taong pagkakakulong na walang parole.


Nitong nagdaang mga araw, paulit-ulit na ipinahayag ni PNP Chief Eleazar ang kanyang galit sa sari-saring krimen na kinasasangkutan ng mga pulis. Nais ni Eleazar linisin ang ahensiyang pinamumunuan niya. Kakayanin kaya niya? Gaano kalalim ang dumi, ang kasamaang kumain sa mismong kaluluwa ng napakahalagang ahensiya?


Iilang pulis lang ang nahuli, nalitis at nahatulan. Salamat sa video ng cellphone ng batang buong tapang kinunan ang palitan ng salita nina Nuezca at Sonia na humantong sa mabilis na pagbunot ng baril at pagkalabit ng gatilyo na pumatay sa mag-ina. Salamat sa CCTV ng barangay na kinabibilangan ni Kian at nakunan itong kinakaladkad ng tatlong pulis. Mabigat na ebidensiya na hindi maaaring paglaruan, balewalain, pagtawanan at basta na lang ibasura ng korte — suwerte. Napakasuwerte ng napakaraming pulis na totoong sangkot sa EJK. Walang nakakuha ng video ng madugong kabanata sa buhay ng kapulisan. Gayunman, napakaraming kumausap sa atin upang ikuwento ang kanilang nakita, ngunit dahil sa takot ay hindi nila masasabi sa anumang korte.


Oo malilinis, maiaahon pa ang dangal at mababalik pa ang tiwala sa kapulisan. Ngunit, kailangan munang umamin, humingi ng tawad at maging handang pagbayaran ang kanilang krimen. Hindi ang mga taga-labas ang mauunang maglilinis sa bakuran ng may bakuran. Alam na ng marami kung gaano karumi ang inyong bakuran. Tiyak na mas marami kayong alam kung ano at nasaan ang mga dumi. Simulan ninyo ang paglilinis at hindi tayo mag-aatubiling tumulong sa inyo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page