top of page
Search

ni Mai Ancheta | June 16, 2023






Sugatan ang 18 katao dahil sa insidente ng sunog na may kasamang pagsabog ng mga paputok sa Bgy. Bundukan, Bocaue, Bulacan, kahapon ng madaling-araw.


Batay sa inisyal na report ni Fire Marshal Inspector Carlo Mariano, ng Bocaue Bureau of Fire Protection, nagtamo ng bahagyang pinsala ang mga biktima at dinala sa pagamutan dahil ang iba sa kanila ay inatake ng hypertension.


Ang mga biktima ay mga residente malapit sa isang warehouse na kinalalagyan umano ng mga paputok.


Bago naganap ang pagsabog, nakita umano ng mga residente na nagkaroon ng pagsiklab ng kable ng kuryente sa labas ng isang bahay at inabot ang warehouse na pinaniniwalaang pinagtaguan ng mga paputok.


Ayon kay Bulacan Police Director Colonel Relly Arnedo, ang sumabog na warehouse ay ilegal na itinayo sa nabanggit na lugar.


 
 

ni Thea Janica Teh | December 8, 2020




Nagbabala na si Pangulong Rodrigo Duterte na maaari na nitong ipagbawal ang paggamit ng mga paputok at pyrotechnics sa Pilipinas tuwing Kapaskuhan at Bagong Taon.


Sa public briefing nitong Lunes, sinabi ni P-Duterte na delikado ang paggamit ng mga paputok at ito na rin umano ang paraan upang mapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng publiko.


Aniya, “By mid-year, I may issue the necessary documents banning totally, totally banning paputok.” Ibinahagi rin ni P-Duterte na noong mayor pa lamang siya sa Davao City ay ipinagbawal na rin nito ang paggamit ng paputok.


"Kagaya sa amin, sa amin maganda man. New Year, Pasko, we celebrate it with the family. May music, lahat na. Gaiety and all. Walang nasusugatan, walang namamatay," dagdag niya.


Samantala, binalaan din ni P-Duterte ang mga pulis, militar at civilian, may lisensiya man o wala, na huwag gumamit ng baril bilang paputok. "Kapag nahuli ka dito sa pagpaputok mo...papahirapan kita.


Kung sa New Year ka magpapaputok... papahirapan kita. Sabihin ko sa mga pulis, 'wag n'yong linisin mga kubeta n'yo sa preso...' wag n'yo linisin sa Pasko pati New Year.' Kasi diyan ko ipasok 'yung mga 'yan. That's an order. Do not clean," sabi ni P-Duterte.


Noong nakaraang taon, ibinahagi ng Department of Health na bumaba ng 35% ang mga nadisgrasya dahil sa paputok.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page