ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 16, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dolores ng Parañaque.
Dear Maestra,
Nakaugalian ko nang uminom ng kape araw-araw, lalo na sa umaga, tanghali, hapon at gabi dahil nanlalata ako kapag hindi nakakapagkape. Pero sa sandaling magkape ako, napakasigla ko at alert na alert ang isipan ko.
Dahil d’yan, madalas akong managinip na umiinom ng iba’t ibang klase ng kape. Tuwang-tuwa ako sa pag-inom, lalo na kung napakainit at halos mapaso na ang dila ko. Napanaginipan ko rin na kasama ko ang mga kaibigan ko at enjoy na enjoy kami sa pagku-kuwentuhan habang umiinom ng mainit na kape. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Dolores
Sa iyo, Dolores,
Napakaganda ng ipinahihiwatig ng panaginip mo na umiinom ka ng kapeng mainit at halos mapaso na ang dila mo. Ito ay nangangahulugan na sa lalong madaling panahon, may darating sa iyo na magandang kapalaran kung saan labis kang masisiyahan. Ibig sabihin, matatapos na ang kalungkutan mo sa kasalukuyan.
Gayunman, pag-ingatan mo lamang ang iyong mga kilos at panananalita dahil may babala na makakagawa ka ng isang bagay na ikapapahamak mo. ‘Yan ang ibig sabihin na masaya kayong umiinom ng kape ng mga kaibigan mo. Nangangahulugan din ito na makapagbibitiw ka ng masasakit na salita na ikagagalit ng mga kaibigan mo.
Gayundin, mag-ingat ka sa mga susunod na hakbang at huwag magpadalos-dalos. Kumbaga, mag-isip-isip ka muna bago kumilos at magpasya. Huwag ka ring pabigla-bigla sa pagsasalita at maging mahinahon ka sa bawat sandali. Maging matalino sa isip, salita at gawa upang magtuloy-tuloy na ang magandang kapalaran mo at huwag nang makawala ang sunod-sunod na grasya na nakalaan sa iyo sa taong ito.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna