- BULGAR
- Apr 2, 2025
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 2, 2025

MARAMING ‘KURAKOT’ SA MARCOS ADMIN KAYA MARAMING PAMILYANG PINOY ANG NAGUGUTOM -- Ipinagtataka raw ng Malacanang kung bakit marami pa ring nakakaranas ng gutom gayong ang dami na raw programang pangmahirap ang Marcos administration.
Sus, hindi na dapat ipagtaka iyan dahil sa rami ng mga ‘kurakot’ sa Marcos admin ay marami talagang mga mahihirap na pamilyang Pinoy ang makakaranas ng gutom, period!
XXX
KARAMIHAN SA MGA PROGRAMANG PANGMAHIRAP HINDI NAIPAPATUPAD DAHIL INAASIKASO NI PAPA SEC. GADON PAG-ATAKE SA PAMILYA DUTERTE -- Sabi ng Malacanang, marami na raw programang pangmahirap ang Marcos admin.
Ipagpalagay na nating totoo, pero malamang hindi naipapatupad nang husto ang mga pro-poor program kasi nga ang appointee ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na si Presidential Adviser for Poverty Alleviation (PAPA) Sec. Larry Gadon, ang inaatupag ay pag-atake sa pamilya Duterte at hindi ang iangat ang buhay ng mga maralitang Pinoy, boom!
XXX
BUMABA ANG PRESYO NG BIGAS SA WORLD MARKET, SANA MAN LANG GINAWANG P20 PER KILO AT HINDI P45 PRESYO NG BIGAS -- Sinabi ng Dept. of Agriculture (DA) na bumaba raw ang presyo ng bigas sa world market kaya ang ilang uri ng imported rice ay ibinaba nila sa presyong P45 per kilo.
Pambihira naman, DA na ang nagsabi na bumaba ang presyo ng bigas sa world market, tapos binawasan nga nila ang presyo ng bigas pero para sa mga mahihirap ay malaki pa rin ang halagang P45 per kilo.
Tutal DA naman ang nagbida na bumaba ang presyo ng bigas sa world market, sana man lang isinagad na nila sa P20 per kilo ang presyo ng bigas para naman maramdaman ng mamamayan ang campaign promise ni PBBM noon na gagawin niyang P20/kilo presyo ng bigas kapag naging presidente siya ng ‘Pinas, period!
XXX
TILA ANG AGANG INUBOS NG MGA ‘KURAKOT’ ANG KABAN NG BAYAN KAYA NASABI NI SEC. PANGANDAMAN NA MAGKAKARANAS NG KAKAPUSAN SA BUDGET SA MGA SUSUNOD NA BUWAN -- Inanunsyo ni Sec. Amenah Pangandaman ng Dept. of Budget and Management (DBM) na maaaring makaranas daw ng kakapusan sa budget ang pamahalaan sa mga susunod na buwan.
Ganu’n? Aba’y ang aga naman yatang inubos ng mga ‘kurakot’ ang kaban ng bayan kaya inanunsyo na ni Sec. Pangandaman na magkakaroon ng kakapusan sa budget ang pamahalaan sa mga susunod na buwan, buset!




