- BULGAR
- May 4, 2025
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 4, 2025

TALAGANG DESIDIDO SI SEN. IMEE NA MAKASUHAN ANG MGA TAUHAN NI PBBM -- Isinumite na ni Sen. Imee Marcos sa Office of the Ombudsman ang mga ebidensyang nilalaman ng Senate Committee Report kaugnay sa kasong isasampa laban kina Justice Sec. Boying Remulla, Dept. of the Interior and Local Gov’t. (DILG) Sec. Jonvic Remulla, Special Envoy on Transnational Ambassador Markus Lacanilao, Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Marbil at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director, Maj. Gen. Nicolas Torre tungkol sa pag-aresto at pagpapakulong kay ex-P-Duterte sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands.
Talagang desidido si Sen. Imee na makasuhan ang mga tauhan ng kanyang kapatid na si Pres. Bongbong Marcos (PBBM), boom!
XXX
HINDI RAMDAM NG MGA MANGGAGAWA ANG MAUNLAD NA EKONOMIYA DAW NG ‘PINAS -- Dahil madalas ibida ng Marcos administration na maunlad na ang ekonomiya ng bansa, sinabi ni Sen. Loren Legarda na dapat iparamdam ng gobyerno sa mga manggagawa ang sinasabing economic growth ng Pilipinas.
Kumbaga parang sinabi na rin ni Sen. Loren na ang ibinibida ng Malacanang na maunlad na ekonomiya ng ‘Pinas ay hindi ramdam ng mga manggagawa, period!
XXX
SHOW-CAUSE ORDER NG COMELEC SA MGA LUMALABAG SA ELECTION CODE, ‘NINGAS-KUGON’ LANG? -- Sandamakmak na kandidato na ang pinadalhan ng Comelec ng show cause order kaugnay sa iba’t ibang uri ng mga paglabag sa halalan, pero halos walong araw na lang eleksyon na ay wala pa ring napapadiskuwalipika ang komisyon.
Kapag walang napadiskuwalipika ang Comelec, ibig sabihin niyan, “ningas-kugon” lang ang show cause order ng komisyon sa mga kandidatong lumabag sa election code, boom!
XXX
GOV. GWEN GARCIA, MALAPIT NANG BITBITIN PALABAS NG KAPITOLYO -- Sabi ni Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro ay hindi raw makikialam si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa ipinataw na 6 months preventive suspension ng Ombudsman kay Cebu Gov. Gwen Garcia.
Dahil sa sinabing iyan ng Malacanang, puwede na palang utusan ng Ombudsman ang Dept. of the Interior and Local Gov’t. para bitbitin palabas ng kapitolyo ang gobernadora, abangan!




