top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 7, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SENATE MINORITY LEADER SI SEN. PIMENTEL PERO ANG IKINAKAMPANYA ANG MGA ‘MANOK’ SA PAGKA-SENADOR NG MARCOS ADMIN -- Pinuputakti ngayon ng batikos ng netizens sa social media si Senate Minority Leader Sen. Koko Pimentel dahil sa pag-endorso nito sa mga senatorial candidates ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM).


Mababatikos talaga siya kasi bilang Senate Minority Leader ay siya ang umaaktong lider-oposisyon sa Senado, tapos ang iniendorso niya ay mga “manok” ni PBBM sa pagka-senador, period!


XXX


NAGPABIDA NA NAMAN ANG COMELEC, ILANG ARAW NA LANG ELEKSYON NA KAYA MALABO NANG MAIPADISKUWALIPIKA ANG MGA LUMABAG SA CAMPAIGN MATERIALS -- Ayon sa Comelec, higit 30 kandidato raw ang nahaharap sa disqualification cases dahil sa illegal campaign materials.


Hay naku, nagpabida na naman ang Comelec, eh kasi imposibleng mapadiskuwalipika pa ng komisyon ang mga lumabag na iyan dahil nga ilang araw na lang ay eleksyon na, boom!


XXX


PARANG SINABI NI SEN. PADILLA NA PABAYA ANG MARCOS ADMIN -- Sa pamamagitan ng Facebook post ay humingi ng paumanhin si Sen. Robin Padilla sa publiko kaugnay sa malaking pagkukulang ng gobyerno sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan.


Kumbaga, parang sinabi na rin ni Sen. Padilla na pabaya ang gobyernong Marcos kaya hindi makapaghatid ng tamang serbisyo sa publiko, period!


XXX


WA’ NA RAW ‘PORK BARREL’ MERON PA PALA AT PAGKALAKI-LAKI PA -- Hiniling ni Bayan Muna partylist former Rep. Neri Colmenares sa Supreme Court (SC) na ideklarang unconstitutional ang P449.5 billion “unprogrammed funds” na nakapaloob sa 2025 national budget dahil aniya ito ay isang uri ng pork barrel.


Sabi noon ng mga senador at kongresista ay wala na raw pork barrel, pero meron pa pala, at pagkalaki-laki pa, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 6, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DOBLE DUSA ANG AABUTIN NG MAMAMAYAN SA DOBLENG UTANG NG MARCOS ADMIN -- Higit doble ang halaga ng inutang ng Marcos administration ngayong first quarter ng 2025, kasi noong first quarter ng year 2024 ang inutang ng kanyang administrasyon ay $2.87 billion, pero ngayong taon ay $6.29 billion.


Ang inutang na iyan ng Marcos admin ay may malaking interest, at dahil diyan ay asahang dobleng hirap ang dadanasin ng mamamayan sa pagbabayad sa mga utang na iyan ng gobyernong Marcos, tsk!


XXX


GINAWA NG DUTERTE ADMIN SA HEALTH CARE, PAGLIKHA NG TRABAHO AT SEGURIDAD SA PAGKAIN, GAGAWIN NI SEN. BONG GO SA SENADO -- Bukod sa health care ay tututukan na rin umano ni Sen. Bong Go ang paglikha ng trabaho at seguridad sa pagkain ng mga maralita.


Sa panahon ng Duterte admin, naging prayoridad ni ex-President Rodrigo Duterte ang health care, paglikha ng trabaho at seguridad sa pagkain, at dahil idol ni Sen. Bong Go ang dating presidente, kaya ang ginawa ng ex-president ay gagawin din ng senador sa Senado, period!


XXX


AANGAT ANG RATING NG IBA PANG SENATORIAL CANDIDATES NI EX-PDU30 DAHIL SA PAG-JOIN NINA HONEYLET AT KITTY SA PDP CAMPAIGN RALLY --Dumalo na ang mag-inang Honeylet Avancena at Kitty Duterte sa campaign rally ng PDP sa Quezon City at nanawagan na iboto ang lahat ng kandidato sa pagka-senador ni ex-P-Duterte na sa kasalukuyan ay nakakulong sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands.


Ang pag-join na ito nina Honeylet at Kitty sa PDP campaign rally ay malaking bagay para umangat ang rating sa survey ng iba pang kandidato sa pagka-senador ni ex-P-Duterte, abangan!


XXX


HINDI JOKE ANG WARNING NI GEN. MARBIL SA MGA TIWALING PULIS -- Binalaan ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil ang mga tiwaling pulis na magpakatino na dahil desididong kapag may nalaman siyang gumagawa ng katiwalian ay isasailalim niya ang mga ito sa lifestyle check at saka sasampahan ng mga kasong kriminal at administratibo para makulong at  matanggal sa serbisyo.


Hindi joke ang warning na iyan ni Gen. Marbil, kaya dapat talagang tigilan na ng mga scalawag na parak ang kanilang mga gawaing bad para hindi sila masampulan sa gagawing paglaban ng PNP chief sa mga tiwaling pulis, period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 5, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SABI NI PBBM MALAGO RAW ANG EKONOMIYA NG ‘PINAS PERO AYON SA MOODY’S AT WORLD BANK, HINDI! -- Sa pagbisita ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa Lucena City ay ibinida niya na mabilis daw ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.


Si PBBM lang at kanyang mga alipores ang nagsasabi niyan na lumago ang ekonomiya ng ‘Pinas dahil sa totoo lang, taliwas ito sa data ng economic researcher na Moody’s Analytics na humina ang ekonomiya ng ‘Pinas sa ikatlong quarter ng year 2024 at sa data ng World Bank (WB) last December 2024 ay lumagapak ang ekonomiya ng ‘Pinas, boom!


XXX


P20/KILONG BIGAS DAPAT SA MGA PALENGKE ILAGAY HINDI SA MGA KADIWA STORE -- Inanunsyo ng Dept. of Agriculture (DA) na may mabibili na rin daw na P20 per kilong bigas sa 32 Kadiwa Stores sa Luzon.


Pambihira naman, bakit sa mga Kadiwa Store lang?


Sana ang P20 per kilong bigas na iyan na ibebenta ng DA ay sa mga palengke ilagay dahil sa totoo lang, ang hirap hanapin at kung matagpuan man, napakalayo ang sinasabing 32 Kadiwa Stores na nakakalat daw sa Luzon, period!


XXX


DAPAT LANG KASUHAN ANG MGA VLOGGER NA NAGPAKALAT NG FAKE NEWS NA NI-RAID DAW ANG BAHAY NI EX-P-DUTERTE -- Sasampahan ng kaso ng Philippine National Police (PNP) ang mga vlogger na nagpakalat ng fake news na ni-raid daw ang bahay ni ex-President Rodrigo Duterte sa Davao City.


Sa totoo lang, wala namang naganap na raid sa bahay ng dating presidente at dahil sa fake news na pagsalakay daw ng kapulisan sa tahanan ni ex-P-Duterte ay na-bash ng netizens ang PNP.


Kaya tama ang desisyon ng PNP na sampahan ng kaso ang mga fake news vlogger na wala nang inatupag sa social media kundi magpakalat ng mga maling impormasyon, boom!


XXX 


PANININDIGAN NI MARCOLETA ANG P200 DAGDAG-SAHOD SA MANGGAGAWA TULAD NG GINAWA NIYA NOON LABAN SA PRANGKISA NG ABS-CBN -- Sakaling palarin, sinabi ni senatorial candidate, Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na isusulong niya ang P200 dagdag-suweldo sa mga manggagawa.

Totoo ang sinabing iyan ni Marcoleta dahil may isang salita iyan at paninindigan.


Kita niyo ang nangyari sa ABS-CBN, nanindigan si Marcoleta na haharangin niya ang prangkisa ng Kapamilya network dahil sa maraming paglabag ng network, pinanindigan niya ang sinabi niyang ito kaya hanggang ngayon ay hindi makakuha ng prangkisa ang ABS-CBN, period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page