top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 28, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

TIYAK NA MAY KIKITA NA NAMAN SA OVERPRICED NA FACE MASK KAPAG DUMAMI ANG MABIKTIMA NG COVID-19 SA ‘PINAS -- Dumarami na naman daw ang nabibiktima ng COVID-19 sa China, Hong Kong, Singapore at Thailand.


Naku po, huwag naman sanang dumami ang magkaka-COVID-19 sa ‘Pinas kasi siguradong may mga kurakot na naman na kikita ng limpak-limpak na salapi sa pag-aangkat ng mga overpriced na face mask, boom!


XXX


PATONG-PATONG NA KASONG KRIMINAL ISASAMPA NI SEC. CACDAC KAY ARNELL IGNACIO -- Kinontra ni Sec. Hans Cacdac ng Dept. of Migrant Workers (DMW) ang sinabi ni former Overseas Workers Welfare Administration  (OWWA) Administrator Arnell Ignacio na may permiso raw ng OWWA-Board of Trustees ang pagbili ng ahensya ng P1.4 billion lupa para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).


Sinabi ni Cacdac, binili raw muna ni Ignacio ang lupa at saka in-inform ang OWWA-Board of Trustees, na ang dapat daw ginawa nito (Ignacio) ay hiningi muna ang approval ng OWWA-Board of Trustees bago bilhin ang lupa para sa mga OFWs.


Kitam, palusot lang talaga ni Ignacio na may approval ng OWWA-Board of Trustees ang pagbili niya ng lupa, at dahil illegal ang ginawa niya, sabi ni Cacdac ay sasampahan nila ito (Ignacio) ng patong-patong na kasong kriminal, period!


XXX


MAGKAKAMPI NA ANG MGA DILAWANG PULITIKO AT MGA LOYALIST POLITICIANS -- Sabi ni Quezon Rep. David Suarez ay sumuporta na rin daw sa speakership ni Leyte Rep. Martin Romualdez ang mga kongresistang kasapi ng Liberal Party (LP).


Patunay iyan na ang mga pulitikong dilawan at mga loyalistang politicians ay mga magkakampi na, boom!


XXX


KAPAG PALPAK ANG HEAD NG AGENCY, DAPAT SIBAKIN NI PBBM, HUWAG NA ILILIPAT LANG SA IBANG DEPARTAMENTO -- Sinabi ni Executive Sec. Lucas Bersamin na marami raw tatamaan sa balasahang isasagawa ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa mga Cabinet members.


Aba teka, bakit babalasahin o ililipat lang ng puwesto?


Dapat kasi, kung palpak ang pamumuno sa isang ahensya ng pamahalaan, ang dapat gawin ni PBBM ay sibakin ito sa puwesto at hindi para ilipat lang sa ibang departamento ng pamahalaan, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 27, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MALAMANG KAKABA-KABA NA SI HARRY ROQUE DAHIL ANG CO-ACCUSED NIYA SA KASONG POGO, ARESTADO NA NG PNP-CIDG -- Isang nagngangalang “Marlon” na isa sa mga co-accused ni former presidential spokesman Harry Roque sa kasong no bail na qualified trafficking in person ang naaresto na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pinamumunuan ni Maj. Gen. Nicolas Torre.


Hindi man aminin ay siguradong kahit nasa The Netherlands si Roque ay tiyak kakaba-kaba na siya kasi nga desidido si Gen. Torre na dakpin at ikulong ang lahat ng sangkot sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na kinasasangkutan ng dating presidential spokesman, boom!


XXX


MAG-RESIGN MAN SI EX-P-DUTERTE SA PAGKA-MAYOR, MGA DUTERTE PA RIN ANG MAGIGING MAYOR AT VICE MAYOR NG DAVAO CITY -- Kapag nagpasya si former President Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) jail na mag-resign o hindi maupo bilang nanalong alkalde ng Davao City, ang anak niyang si incumbent mayor, at nanalong vice mayor na si Baste Duterte ang magiging city mayor uli, at ang anak ni Davao City Rep. Pulong Duterte na number 1 na nanalong konsehal na si Rigo Duterte ang siyang magiging vice mayor.


Ibig sabihin, mag-resign man si ex-P-Duterte dahil walang katiyakan kung kailan siya makakalaya sa ICC jail ay walang tapon, mga Duterte pa rin ang magiging mayor at vice mayor ng Davao City, period!


XXX


PARA NAMANG SINABI NI SEN. DELA ROSA NA NAGPAPADIKTA SA MALACAÑANG SI SP CHIZ ESCUDERO -- Ayon kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, ang dapat daw maging Senate president ay hindi sunud-sunuran sa Malacañang.


Kumbaga, parang sinabi na rin ni Sen. Bato na sunud-sunuran si Senate Pres. Chiz Escudero sa Malacañang, boom!


XXX


LIYAMADO MAN SI SP CHIZ HABANG SABI NAMAN NI SEN. SOTTO MARAMING SENADOR NA SUSUPORTA SA KANYA, ‘DARK HORSE' PA RIN SI SEN. IMEE SA PAGKA-SENATE PRESIDENT -- Tatlo ang posibleng maglaban-laban sa pagka-Senate president, sila ay sina SP Chiz Escudero, Senator-elect Tito Sotto at presidential sister, Sen. Imee Marcos.


Bagama’t liyamado pa rin sa laban sa Senate presidency si SP Chiz at sinasabi naman ni Sen. Sotto na maraming kumukumbinse sa kanya para maging Senate president uli, ay masasabing dark horse dito si Sen. Imee dahil nga maraming pro-Duterte senators ang maaaring magkaisa na siya ang iluklok na pangulo ng Senado dahil kahit kapatid siya ni Pres. Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) ay nakita naman ng publiko na hindi ito nagpapadikta sa Malacañang, period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 26, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

HINDI LANG CABINET MEMBERS ANG DAPAT MAG-RESIGN, KAILANGAN DAW PATI PRESIDENTE MAG-RESIGN -- Mali ang akala ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na hahangaan siya ng publiko sa panawagan niya sa mga miyembro ng kanyang gabinete na magsipag-resign.


Inaalaska kasi siya ng mga netizens na hindi lang daw mga cabinet members ng Marcos administration ang dapat mag-resign, dahil dapat mismo ang pangulo ng ‘Pinas na si PBBM ay dapat din daw mag-resign, boom!


XXX


AFTER ELECTION, SEN. BONG GO TRABAHO AGAD, LAHAT NG PINOY PINABIBIGYAN NG PHILHEALTH IDs -- Nagsulong si Senator-elect Bong Go ng panukalang pagkalooban ng PhilHealth ID (identification card) ang lahat ng mga Pilipino, na ang magpapamigay nito ay mga local government units (LGUs) dahil marami pa rin daw mga Pinoy ang hindi nakakaalam na sila ay miyembro na ng PhilHealth.


Deserve talagang mag-top sa nakaraang senatorial election si Sen. Bong Go kasi kung ang ibang reelectionist senator na nagwagi rin sa nakaraang halalan ay nilalasap pa ang pagkapanalo, ay iba siya (Bong Go), kasi after election, trabaho agad para sa kapakanan ng sambayanang Pinoy, period!


XXX


MAY MGA POLITICAL DYNASTY ANG NATALO SA 2025 ELECTION, AT SANA SA 2028 ELECTION, MAS DUMAMI PANG POLITICAL DYNASTY ANG MATALO -- Nitong nakalipas na halalan ay may mga kandidato sa local level na mula sa political dynasty ang tinalo ng mga bagitong pulitiko.


Magandang senyales iyan, na ibig sabihin ay may mga kababayan tayo sa mga probinsya, lungsod at municipality na ayaw na nila sa political dynasty, at sana sa darating na 2028 election, mas dumami pa ang matalong mga pulitikong mula sa “Kamag-anak Inc,” boom!


XXX


DAPAT LANG PAPANAGUTIN SA BATAS ANG MGA NASA LIKOD NG ONLINE SABONG, ONLINE SAKLA AT ONLINE SCATTER -- Inanunsyo ni Asst. Sec. Renato Paraiso ng Dept. of Information and Technology (DICT) na magsasanib-puwersa sila ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) para lansagin at papanagutin sa batas ang mga nasa likod ng mga online illegal activities, partikular ang illegal online gambling.


Sana sa pamamagitan ng joint task force na iyan ay makasuhan at mapakulong na ang mga nasa likod ng mga online sabong, online sakla at online scatter kasi sa totoo lang, marami na sa ating mga kababayan ang masyado nang nalululong sa mga online gambling na iyan, period!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page