top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 2, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

DAPAT TULUYANG NANG SUSPENDIHIN ANG EDSA REHAB DAHIL PERHUWISYO ITO SA MAMAMAYAN -- Sinuspinde ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang rehabilitasyon ng EDSA upang magkaroon daw ng sapat na panahon ang pamahalaan na makaisip ng mas magandang plano na hindi makakaperhuwisyo nang husto sa mga motorista.


Pambihira naman, dapat ay tuluyan na itong ipa-stop kasi kapag ipinatupad na iyan, laking perhuwisyo talaga iyan sa mamamayan, lalo na sa mga motorista, boom!


XXX


HINDI DAPAT GAWING KATATAWANAN NG MGA VLOGGERS ANG PAGTULONG NI DSWD SEC. REX GATCHALIAN SA MGA MAHIHIRAP -- Sa kagustuhang makapagparami ng views ay ginawang katatawanan ng mga vloggers sa social media ang ginawang pagtulong ni Sec. Rex Gatchalian ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) sa isang palaboy na babaeng lumabas sa imburnal sa Makati City.


Mahirap lang ang babae at sa kagustuhan ni Sec. Gatchalian na maiahon sa kahirapan ay pinagkalooban ito ng financial assistance na P80K para makapagpatayo ng sari-sari store sa lugar nila sa Makati City.


Sa totoo lang, mainam na si Sec. Gatchalian ang naging head ng DSWD kasi makamahirap siya, kaya ang pagtulong niya sa pobre ay hindi dapat gawing katatawanan ng mga vloggers na ang hangarin lang naman ay makapagparami ng views para kumita ng pera sa social media, period!


XXX


DAPAT GUMAWA NG EXECUTIVE ORDER SI PBBM NA MAGPAPABABA SA SAHOD NG MGA HEAD NG MGA GOCCs -- Pinagri-resign din ni PBBM ang mga head ng mga government-owned and controlled corporations (GOCCs).


Sana, after magsipagsumite ng resignation ng mga head ng mga GOCCs ay gumawa agad ng executive order ang Pangulo na nagpapababa sa sahod ng mga opisyales nito, dahil sa totoo lang nakakalula ang suweldo ng mga ito, na mayroon sa kanila na sumusuweldo ng pinakamababa sa P1 milyon isang buwan, boom!


XXX


KAPAG NAGING SPOKESPERSON NA NG OVP SI ROWENA GUANZON MAGKAKAROON NA NG KATAPAT ANG TAKLESANG SI PCO USEC. CLAIRE CASTRO -- May mga kumukumbinse kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na kuning spokesperson ng Office of the Vice President (OVP) si former Comelec Comm. Rowena Guanzon.


Sakaling si Guanzon ang maging spokesperson ng OVP, magkakaroon na ng katapat si Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro na umaakto ngayong spokesperson ng Malacanang kasi pareho silang taklesa, at baka mangyari ay araw-araw magbardagulan silang dalawa, abangan!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 1, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MARCOS ADMIN GUMEGEWANG NA KAYA SI SP ESCUDERO NAGPAPALAKAS KAY VP SARA? --Bukas (June 2) na sana ang pagbasa ng mga sakdal na may kaugnayan sa impeachment cases na isinampa ng Kamara sa Senado, pero ito ay ipinagpaliban ni Senate President Chiz Escudero at inilipat ito sa June 11, 2025, at dahil diyan ay binatikos siya ng mga kongresista dahil malinaw daw na ang ginawang ito ng Senado ay delaying tactic.


Tila nakakaramdam si SP Escudero na gumegewang na ang Marcos administration kaya “nagpapalakas” kay VP Sara, period!


XXX


ATAT NA ATAT SI SEN. KOKO PIMENTEL NA MA-IMPEACH NA SI VP SARA -- Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel ay mali daw ang ginawang pagpapaliban ni SP Escudero sa pagbasa ng impeachment cases laban kay VP Sara, na mula sa dating June 2, ay ginawa itong June 11, 2025 kung kaya’t kukuwestiyunin daw niya ang ginawang ito ng Senate President.


Pagpapakita iyan na sukdulan ang galit ni Sen. Pimentel sa pamilya Duterte mula nang iitsapuwera siya ni ex-P-Duterte sa partidong PDP kung kaya atat na atat ang outgoing senator na ma-impeach na si VP Sara, boom!


XXX


HINDI LANG SI FORMER COMELEC COMM. GUANZON ANG GALIT KAY PBBM SA GINAWANG PAGBAON SA UTANG SA ‘PINAS, GALIT DIN ANG MAJORITY PINOY -- Umuusok sa galit na binatikos ni former Comelec Commissioner Rowena Guanzon si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) dahil ang dami na raw inutang nito sa mga financial institution sa mundo, pero kahit isang mega project daw ay wala pang naipapagawa ang Marcos administration.


Sa totoo lang, hindi lang naman si Guanzon ang nagagalit sa Marcos admin kundi pati majority Pinoy, kasi nga nabaon na nang husto sa utang ang ‘Pinas pero ang trilyung-trilyong inutang ng Marcos admin ay hindi ramdam ng sambayanang Pinoy at ‘di alam kung saan dinala ng pamahalaan ang mga inutang na ito sa mga financial institution sa mundo, period!


XXX


FAKE NEWS ANG IBINIDA NI REP. SUAREZ NA SUPORTADO NG LP CONGRESSMEN SI REP. ROMUALDEZ SA PAGKA-HOUSE SPEAKER -- Pinabulaanan ni Liberal Party (LP) President Erin Tanada na sumanib na sa pro-Marcos congressmen ang mga kongresistang kasapi ng LP.


Kumbaga, parang sinabi na rin ni Tanada na fake news ang ibinida ni Quezon Rep. Danilo Suarez na suportado ng LP congressmen ang muling kandidatura ni Leyte Rep. Martin Romualdez sa pagka-House Speaker, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 31, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MAGKASALUNGAT NA NAMAN ANG RESULTA NG SURVEY NG PULSE ASIA AT SWS -- Magkasalungat na naman ang inilabas na survey ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) patungkol kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.


Sa Pulse Asia survey kasi ay 50% daw ng mga Pinoy ang ayaw matuloy ang impeachment kay VP Sara, pero sa survey naman ng SWS ay 9 sa 10 Pilipino raw ang nais na sagutin ng bise presidente ang mga alegasyong katiwalian sa kanya na kabilang sa isang kaso ng impeachment na isinampa sa kanya.


Madalas mangyari ‘yan na magkasalungat ang survey ng Pulse Asia at SWS. Alin kaya sa dalawang survey na ito ang totoo? Boom!


XXX


KAPAG SA IMPEACHMENT TRIAL NASAGOT NANG TAMA NI VP SARA ANG MGA ALEGASYON NG CORRUPTION SA KANYA, SURE WIN NA SIYA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Nang iakyat ng Kamara sa Senado ang mga kasong impeachment kay VP Sara, ang sabi ng bise presidente noon ay dito sa Senado na siyang tatayong impeachment court niya haharapin lahat ng alegasyon sa kanya, kabilang ang sinasabing anomalya sa kanyang P650 million confidential funds.


Kaya kung si VP Sara ay kakandidatong presidente sa 2028 election at sa impeachment trial ay masagot niya nang tama ang samu’t saring alegasyon ng corruption sa kanyang confidential funds at nakapaglabas siya ng mga ebidensyang hindi siya nangurakot sa kaban ng bayan, sure win na siya sa 2028 presidential election, period!


XXX


BRGY. CERTIFICATE HINDI NA TATANGGAPIN NG COMELEC SA VOTERS REGISTRATION KAYA TAPOS NA ANG HAPPY DAYS NG MGA MANGRARAKET NA FLYING VOTERS -- Inanunsyo ni Comelec Chairman George Garcia na hindi na nila tatanggapin ang mga barangay certificate na ginagamit ng mga taong nais magparehistro para maging botante sa anumang lugar dahil sa hinala ng komisyon na nagagamit ito (barangay certificate) para sa mga flying voters.

Dahil diyan, tapos na ang happy days ng mga mangraraket na flying voters, boom!


XXX


NA-DEPORT NA SI TEVES, NAKAKULONG NA, NEXT NA KAYA SI HARRY ROQUE? -- Matapos kanselahin ng Philippine government ang pasaporte ni former Negros Oriental Rep. Arnie Teves, ay idineport na siya ng Timor-Leste authorities pabalik ng ‘Pinas at sa ngayon ay nakakulong na siya sa mga no bail na kasong kinasasangkutan niya tulad ng multiple murder, frustrated murders, etc.


Dahil sa pangyayaring iyan, hindi man aminin ay tiyak kinabahan si former presidential spokesman Harry Roque kasi kapag na-deny ang kanyang hirit na asylum, at nasundan ito ng pagkansela sa kanyang pasaporte ay tiyak idi-deport din siya ng The Netherland authorities at pagdating sa ‘Pinas siguradong kulong din siya sa kasong no bail na qualified trafficking in person, abangan!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page