ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 20, 2025

DAPAT MAS INUNANG ILIGTAS ANG OFWs SA ISRAEL NA GUSTO NANG UMUWI NG ‘PINAS KAYSA SA GOV’T. OFFICIALS -- Ligtas na mula sa sigalot ng Israel at Iran ang 21 opisyal ng Philippine gov’t. na kinabibilangan ng mga pulitiko at Dept. of Agriculture (DA) officials matapos na i-rescue sila ng Dept. of Foreign Affairs (DFA) sa Israel at dalhin sa Jordan.
Ibang klase rin itong Marcos administration dahil mas inuna pang iligtas ang mga opisyal ng gobyerno kaysa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel na matagal nang nagmamakaawa na iligtas sila sa digmaang Israel vs. Iran, tsk!
XXX
SABLAY ANG MGA PULITIKONG ABOGADONG SENATE PRESIDENT AT SENADOR -- Lahat ng mga retired chief justice, mga retired associate justice, mga constitutionalists, law experts, law professors ay iisa ang sinasabi, walang remand o return sa bahagi ng impeachment na nakalagay sa Konstitusyon.
So malinaw, sablay ang pag-apruba ng pulitikong abogadong si Senate President Chiz Escudero sa isinulong ng kapwa niya pulitikong abogado na si Sen. Alan Cayetano na pag-remand o pag-return sa Kamara ng articles of impeachment laban kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, boom!
XXX
NOON SABI NI PCO USEC. CASTRO HINDI RAW MAKIKIALAM ANG MALACAÑANG SA IMPEACHMENT KAY VP SARA, PERO NGAYON NAKIKIALAM NA -- Sinabi ni Presidential Communication Officer (PCO) Usec. Claire Castro na dapat pakinggan ng Senado ang panawagan ng business community na umpisahan na at bilisan ang impeachment trial kay VP Sara.
Aba, teka! Ang linaw naman ng sinabi noon ni Usec. Castro na hindi makikialam ang Malacañang sa isyung impeachment kay VP Sara, pero ngayon nakikialam na, pinabibilisan ang impeachment trial sa bise presidente, period!
XXX
BUKOD SA PAGKANSELA SA REGISTRATION NG DUTERTE YOUTH PARTYLIST, DAPAT KASUHAN DIN ANG MAGHIPAG NA RONALD CARDEMA AT DRIXIE MAE SUAREZ -- Kinansela na ng Comelec ang registration ng Duterte Youth Partylist na ibig sabihin out na ito sa pagiging partylist, na ‘ika nga, tuluyan nang walang ipoproklama na representante ng partylist na ito sa Kamara.
Ayos ‘yan, at sana hindi lang sa pagbasura sa registration ng Duterte Youth Partylist ang maging aksyon ng Comelec, na ang nais nating ipunto rito ay dapat sampahan din ng criminal case na perjury at falsification of public documents ang maghipag na Ronald Cardema, chairperson ng Duterte Youth at 1st nominee Drixie Mae Suarez dahil sa pinirmahan ni Ronald sa Certification of Nomination and Acceptance (CONA) ni Drixie Mae na "Cardema" ang apelyido nito gayong Suarez pala ang tunay na apelyido, boom!




