top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 26, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

TOTOO YATA ANG SABI NI EX-P-DUTERTE NOON NA ‘WEAK LEADER’ SI PBBM DAHIL WALA SIYANG MAGAWA SA ARAW-ARAW NA PAMBUBUWISIT SA KANYA NI ROQUE -- Halos araw-araw ay inaalaska ni former presidential spokesman Harry Roque sa social media si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa pagsasabing ‘bangag’ at ngiwi raw ang Presidente.


Si Roque ay may warrant of arrest na sa kasong qualified trafficking in person, mabigat na kaso ito dahil "no bail" at puwede namang gamitin ni PBBM ang kanyang power bilang presidente ng Pilipinas na hilingin sa gobyerno ng The Netherlands na i-reject ang inihihirit nitong (Roque) asylum at ipa-deport pabalik sa ‘Pinas kasi nga may criminal case ito, pero hindi magawa ng Pangulo.


Dahil diyan, lumalabas tuloy na totoo ang sinabi ni ex-P-Duterte noon na itong si PBBM ay “weak leader,” boom!


XXX


SABLAY ANG DIREKTIBA NI PBBM NA PAGPAPALIKAS SA MGA OFW SA ISRAEL AT IRAN, NAG-CEASEFIRE NA ANG 2 BANSANG ITO -- Sablay ang direktiba ni PBBM sa Dept. of Foreign Affairs (DFA) at Dept. of Migrant Workers (DMW) na ilikas na ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel at Iran para raw matiyak ang kaligtasan ng mga ito sa digmaan ng dalawang bansa.


Nasabi nating sablay kasi noong nagbobombahan ang Israel at Iran ay “nganga” lang si PBBM, pero kung kailan pumagitna na si United States (US) Pres. Donald Trump at pinag-ceasefire ang dalawang bansang ito ay saka inatasan ni PBBM ang DFA at DMW na ilikas ang mga OFW sa Israel at Iran, tsk!


XXX


MADALAS MABOLDIYAK NI PCO USEC. CASTRO SI VP SARA DAHIL SA MGA PALPAK NA ADVISERS NITO -- Kung sinuman ang mga adviser ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay dapat sibakin na niya ang mga iyan dahil palpak ang mga ina-advise sa kanya.

Dalawang beses na kasing naboldiyak ni Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro si VP Sara sa mga binitiwan nitong statement sa publiko.


Nang sabihin ni VP Sara na nabaon na nang husto sa utang ang ‘Pinas, ang resbak dito ni Usec. Castro ay ang malaking utang ng bansa ay minana lang ng Marcos administration sa iniwang utang ni ex-P-Duterte, at nang punahin din ng bise presidente ang mga missiles na ibinigay ng Amerika sa Pilipinas ay rumesbak uli ang spokesperson ng Malacañang at sinabing ang pagpuna ng vice president dito (mga missiles) ay pagpapatunay daw na pro-China ang mga Duterte, period!


XXX


HINDI LANG AGRI-SMUGGLING ANG TALAMAK, KUNDI PATI OIL SMUGGLING -- Kung talamak ang agri-smuggling nina "Leah C." at "Gerry T." sa Customs ay talamak din ang oil smuggling nina "Don" sa mga karagatan na sakop ng Navotas; "Dondon Alahas" sa Batangas; "Jacky," "Lindon," Aron" at "Sonny" sa Quezon; "Alex," "Bogs" at "Jong" sa Bataan.


Noong State of the Nation Address (SONA) ni PBBM last July 22, 2024, sinabi niya na tapos na raw ang happy days ng mga smuggler sa ‘Pinas, ‘yun pala pabida lang ito kasi hanggang ngayon talamak pa rin ang agri-smuggling at oil smuggling sa bansa, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 25, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

KAPAG NA-DISMISS AGAD ANG IMPEACHMENT NI VP SARA, TIYAK MAGNGANGANGAWA SA INIS ANG MGA ANTI-DUTERTE SENATOR -- Sinagot na ng mga defense lawyer ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ang mga nakasaad sa "articles of impeachment" na ipinadala sa kanya ng Senado na tumatayong impeachment court, at ayon sa kampo ng bise presidente ay marami itong (impeachment) paglabag sa Konstitusyon kaya ang hirit ni VP Sara, i-dismiss agad ang mga kasong impeachment na isinampa sa kanya.


Sa rami ng mga pro-Duterte senator-judges ay malamang i-dismiss agad nila ang mga kasong impeachment kay VP Sara at kapag nangyari iyan ay asahan nang magngangangawa sa inis ang mga anti-Duterte senator, abangan!


XXX


VP SARA HINDI DADALO, DAHIL PARA SA KANYA WA’ ‘WENTA ANG SONA NI PBBM -- Kinumpirma ni VP Sara na hindi siya dadalo sa ika-4 na State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) sa July 28, 2025 dahil sa tingin umano niya ay wala naman daw itong (PBBM) sasabihing mahalaga sa publiko.


Kumbaga, parang sinabi na rin ni VP Sara na wa’ ‘wenta ang SONA ni PBBM, period!


XXX


NATURINGANG SENADOR SI SEN. PADILLA PERO HINDI PA PALA NIYA ALAM ANG MGA PATAKARAN SA SENADO KAPAG ADJOURNED -- Nag-file nitong Lunes, June 23, ng Senate resolution si Sen. Robin Padilla na humihikayat sa gobyerno na gumawa ng aksyon para maiuwi sa Pilipinas o “bring back (home)” si ex-P-Duterte na nakakulong sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands, kaya lang walang tumanggap sa kadahilanang adjourned pa ang Senado.


Mantakin n’yo, naturingang senador si Sen. Padilla, eh hindi pala niya alam ang patakaran na kapag adjourned ang Senado ay walang tatanggap sa mga isusulong na resolusyon ng mga senador, boom!


XXX


RESO NI SEN. PADILLA PARA SA GOV’T. NA ‘BRING BACK HOME’ SI EX-P-DUTERTE, BAKA TAPATAN DIN NI SEN. RISA NG ‘BRING BACK HOME SI HARRY ROQUE’ -- Dahil nga walang tumanggap sa Senado sa resolusyon ni Sen. Padilla na “bring back home” si ex-P-Duterte, sabi niya ay sa pagbubukas ng 20th Congress na lang niya ito ipa-file sa Senate of the Philippines.


Ito ngayon ang siste, hindi naman kaya tapatan ni Sen. Risa Hontiveros ang reso na ito ni Sen. Padilla, na baka gumawa rin ng Senate resolution ang senadora na nananawagan din sa gobyerno ng "bring back home" si former presidential spokesman Harry Roque na nasa The Netherlands din para ito ay maikulong na kaugnay sa kaso nitong qualified trafficking in person, isang kaso na "no bail," abangan!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 24, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

KAPAG NAG-FILE NG ‘MR’ SA SC ANG COMELEC, MAY PAG-ASA PANG MAPAIRAL ANG KANILANG 2ND PLACER RULE -- Sa desisyon ng Supreme Court (SC) na pinonente o isinulat ni Associate Justice Samuel Gaerlan na hindi puwedeng pumalit ang 2nd placer sa nanalo pero nadiskuwalipikang kandidato sa local election, ay hindi naman pala lahat ng 15 mahistrado ng Korte Suprema ang pumabor dito kasi walo lang sa kanila ang bumoto ng "yes" at lima ang nag-"no" o sumalungat at dalawa ang nag-abstain.


Sabi ni Justice Gaerlan na talo raw sa eleksyon ang 2nd placer sa local election kaya’t hindi raw dapat ito ang pumalit sa nadiskuwalipika na nagwaging kandidato sa pagka-governor o pagka-mayor, na ang dapat daw pumalit dito ay ang nagwagi sa pagka-vice governor o pagka-mayor. Pero sinalungat siya ni Associate Justice Marvic Leonen na nagsabing tama ang Comelec sa kanilang 2nd placer rule kasi gobernador o mayor naman daw tinakbuhan ng 2nd placer kaya’t dapat na siya ang pumalit at hindi ang nagwagi sa pagka-vice governor o pagka-vice mayor dahil nga raw vice governor o vice mayor ang kinandidatuhan nito at hindi naman for governor o mayor.


May punto rito si Justice Leonen, kaya sakaling mag-file ng motion for reconsideration ang Comelec, dahil dikitan naman ang nangyaring botohan sa SC, ay maaaring baguhin ng mga mahistradong pumanig kay Justice Gaerlan ang kanilang boto, na maaaring kay Justice Leonen na sila pumanig pabor sa 2nd placer rule ng komisyon, period!


XXX


NAGALINGAN NA SI SEN. JINGGOY KAY PNP CHIEF GEN. TORRE -- Kung dati ay kontra si Sen. Jinggoy Estrada sa pagtalaga ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, ngayon ay pabor na ang senador dahil nakita raw niya ang mga repormang ginagawa ng bagong hepe ng pulisya sa police organization.


Ibig sabihin, nagalingan si Sen. Estrada sa pamumuno ngayon ni Gen. Torre sa PNP, palakpakan naman diyan!


XXX


DAPAT IPAGBAWAL DIN ANG ONLINE SABONG AT ONLINE SAKLA -- Ipinag-utos ni PBBM ang pagbabawal sa mga online gambling na scatter slots sa social media dahil masyadong maraming Pinoy na raw ang nalululong sa sugal na ito.


Teka, bakit online scatter slots lang ipagbabawal? Sana ipagbawal na rin ang online sabong at online sakla kasi ang dami ring nalululong sa dalawang online gambling na ito, period!


XXX


DAPAT PANGALANAN NA NI ALYAS ‘TOTOY’ ANG UTAK SA PAGPATAY SA MGA MISSING SABUNGERO -- Mali ang ginagawa ng isang alyas "Totoy" na inuunti-unti niya ang pagsisiwalat sa ‘utak’ sa pagpatay sa mga missing sabungero.


Dapat ay pangalanan na niya ang ‘utak’ sa krimeng ito, kasi kapag siya ay pinapatay, back to zero na naman ang kasong ito, na baka tuluyan nang hindi mabigyan ng hustisya ang mga pinatay umanong missing sabungero, tsk!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page