top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 29, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

SI PBBM ANG ‘NASA LIKOD NG PAGPAPAKULONG’ KAY EX-P-DUTERTE SA ICC JAIL DAHIL ANG MGA ICC WITNESS AASISTIHAN NG MARCOS ADMIN -- Inanunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) Usec. Spokesperson Claire Castro na aasistihan daw ng Dept. of Justice (DOJ) ang mga witness na nasa Pilipinas na makarating at tumestigo sa International Criminal Court (ICC) sa The Netherlands laban kay ex-P-Duterte.


Ang statement na iyan ni Castro ang patunay na mismong si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang ‘nasa likod ng pagpapaaresto at pagpapakulong’ kay ex-P-Duterte sa ICC jail, period!


XXX


KAPAG ANG SC PUMANIG SA HOUSE PROSECUTION PANEL, VP SARA WALA PA RING LUSOT SA IMPEACHMENT TRIAL -- Dahil sa magkakasunod na statement nina Senate impeachment court spokesman Reginald Tongol, Senate President Chiz Escudero at Sen. Alan Cayetano na kahit walang trial ay maaaring i-dismiss agad umano ng Senado na tatayong impeachment court ang mga kasong impeachment ni Vice President Sara Duterte-Carpio sa pamamagitan ng majority votes ng mga senator-judges, sinabi ni House prosecution spokesperson Atty. Antonio Bucoy na kapag nangyari iyang unconstitutional na "dismissal without trial" ay iaakyat nila ang isyung ito sa Supreme Court (SC) para utusan ang Senado na magpairal ng impeachment trial laban sa bise presidente.


Kaya kapag kinatigan ng SC ang hirit ng House prosecution panel, wala pa ring lusot si VP Sara sa impeachment trial, boom!


XXX


SINOPLA NI PING LACSON ANG PAGMAMAANG-MAANGAN NI SP ESCUDERO NA WALA SIYANG ALAM SA P150B PORK BARREL -- Sinopla ni Senator-elect Ping Lacson ang pagmamaang-maangan ni Senate President Chiz Escudero patungkol sa nabulgar noon na P150 billion pork barrel na isiningit noong November 2024 Bicameral closed-door hearing para sa year 2025 national budget.


May punto naman talaga si Lacson na supalpalin ang statement ni Escudero kasi bilang Senate president ay imposible talaga na wala itong (SP Escudero) alam na naisingit na P150B pork barrel para sa mga senador na kung tagurian ay mga pork barrel politicians, period!


XXX


MGA BOBOTO KAY ESCUDERO SA PAGKA-SENATE PRESIDENT SA 20TH CONGRESS, MGA PORK BARREL POLITICIANS NA SENADOR? -- Sa 20th Congress ay kakandidato na naman si Escudero para sa pagka-Senate president.


Sa laki ng pork barrel na naisingit ng mga senador sa year 2025 national budget ay hindi maiaalis sa isipan ng publiko na mga pork barrel politician ang mga senador na boboto uli kay Escudero sa pagka-Senate president, boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 28, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

HINDI LANG SI VP SARA ANG TATAMAAN SA PEOPLE POWER, TIYAK DAMAY DIN SI PBBM -- Nagbabala ang mga law expert, iba’t ibang civil society groups at cause-oriented groups na posibleng mag-People Power uli sa EDSA kapag dinismis ng Senado na tumatayong impeachment court nang walang naganap na impeachment trial ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.


Aba teka, hindi ba madadamay diyan sa People Power si Pres. Bongbong Marcos (PBBM)?


Kapag nag-People Power ang mamamayan, hindi lang si VP Sara ang tatamaan diyan dahil automatic damay din si PBBM dahil sa anumang pag-aalsa ng taumbayan, ang pinatatalsik ay ang mga namamahala sa gobyerno, at sa ngayon, ang nagpapatakbo ng pamahalaan ay Marcos government, period!


XXX


KAPAG DINISMIS NG MAJORITY SENATOR-JUDGES ANG IMPEACHMENT KAY VP SARA PARANG SINABIHAN NINA CAYETANO AT ESCUDERO ANG MGA PRO-IMPEACHMENT NA MAGHABOL NA LANG SA ‘TAMBOL MAYOR’ -- Sinegundahan ni Sen. Alan Cayetano ang sinabi ni Senate President Chiz Escudero na posible nga raw na ma-dismiss agad ang impeachment cases ni VP Sara nang walang magaganap na impeachment trial kapag majority ng mga senator-judges ay bumoto na ibasura agad ang mga "articles of impeachment" laban sa bise presidente. At iyong mga tutol sa magiging desisyon ng Senado na tatayong impeachment court sa pag-dismiss sa mga kasong impeachment kay VP Sara ay puwede namang magpetisyon sa Supreme Court (SC).


Kumbaga, parang sinabi na rin nina Cayetano at Escudero na iyong mga pro-impeachment, maghabol na lang sa “tambol mayor,” boom!


XXX


TAMA ANG SINABI NI SEC. BOYING REMULLA NA POWERFUL ANG MASTERMIND SA ‘MISSING SABUNGEROS’ DAHIL ANG ONLINE SABONG PINA-STOP NA NI PBBM PERO TULOY PA RIN ANG OPERASYON -- Tama ang sinabi ni Sec. Boying Remulla ng Dept. of Justice (DOJ) na masyadong powerful ang inakusahan ni alyas "Totoy" na pasimuno ng online sabong sa ‘Pinas na siyang mastermind umano sa pagpatay sa mga "missing sabungeros."


Napaka-powerful talaga, kasi mantakin n'yo, Presidente na ng ‘Pinas na si PBBM ang nag-utos noong Dec. 29, 2022 nang pagbabawal sa online sabong pero hanggang ngayon ay talamak pa rin ang operasyon ng online sabong sa social media, tsk!


XXX


ITINALAGA LANG YATA NI PBBM SI SEC. DIZON SA DOTr PARA IBENTA ANG MGA ARI-ARIANG PANG-TRANSPORTASYON NG PAMAHALAAN -- Plano raw ni Sec. Vince Dizon ng Dept. of Transportation (DOTr) na isapribado ang LRT 2.


Naku kapag nangyari iyan, tiyak na sunud-sunod na magtataas ng pasahe sa LRT 2 ang kapitalistang makakabili nito dahil tiyak ang gagawin niyan ay makabawi agad sa

ginasta sa pagbili ng LRT 2.


Hay naku, itinalaga lang yata ni PBBM si Sec. Dizon sa DOTr para ibenta ang mga ari-ariang pang-transportasyon ng pamahalaan, buset! 

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 27, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

SPEAKER ROMUALDEZ TAGILID SA PUWESTO DAHIL SA 20TH CONGRESS MAY UGONG NA BABANGGAIN SIYA NINA BENITEZ AT TIANGCO SA SPEAKERSHIP -- Sa pag-uumpisa ng 19th Congress noon ay unopposed o walang kalaban si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez sa pagiging Speaker of the House, pero sa pagpasok ng 20th Congress ay dalawa ang umugong na lalabanan siya sa pagka-speakership, at sila ay sina Bacolod City Rep. Albee Benitez at Navotas City Rep. Toby Tiangco.


Ibig sabihin niyan na kaya may dalawang babangga kay Speaker Romualdez sa speakership ng Kamara ay dahil may mga kongresistang hindi happy sa kanyang liderato, kaya’t hindi siya nakakasiguro na siya pa rin ang magiging House speaker sa 20th Congress, abangan!


XXX


MABABATIKOS TALAGA SI SP ESCUDERO DAHIL NAGBIGAY SIYA NG ‘HINT’ SA KAMPO NI VP SARA NA PUWEDENG MA-DISMISS AGAD ANG MGA KASONG IMPEACHMENT KAHIT WALANG IMPEACHMENT TRIAL -- Pinutakti na naman ng batikos si Senate President, impeachment Presiding Judge Chiz Escudero sa kanyang statement na may posibilidad daw na kahit walang trial ay ma-dismiss sa pamamagitan ng botohan ng mga senator-judges ang mga articles of impeachment na isinampa kay Vice President Sara Duterte-Carpio. 


Mababatikos talaga siya kasi malinaw na binigyan na niya ng “hint” ang defense lawyers ni VP Sara na sa pagbubukas ng impeachment court sa 20th Congress ay magmosyon agad ng dismiss para pagbotohan agad ito ng senator-judges at dahil lamang sa bilang ang mga pro-Duterte senators ay sigurado nang madi-dismiss ang mga kasong impeachment sa bise presidente nang walang magaganap na impeachment trial, tsk!


XXX


KAPAG WALANG NAGANAP NA IMPEACHMENT TRIAL BAKA IKATALO ITO NI VP SARA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Kung alam ni VP Sara sa kanyang sarili na wala naman siyang kinurakot sa kanyang confidential funds, dapat sabihan niya ang kanyang mga defense lawyer na huwag munang mag-motion to dismiss at manawagan siya sa mga senator-judges na hayaang magkaroon ng impeachment trial para makita ng publiko na wala siyang ginawang katiwalian sa pera ng bayan na nasa Office of the Vice President (OVP), gayundin sa public funds sa Dept. of Education (DepEd) noong siya pa ang namumuno sa departamentong ito.


Kasi sa totoo lang, kung walang magaganap na impeachment trial ay baka ikatalo niya ito sa 2028 presidential election, period!


XXX


DAHIL SA KAHAMBUGAN, OUT NA SI FITNESS VLOGGER RENDON LABADOR SA ‘WEIGHT LOSS PROGRAM’ NG PNP -- Tinabla na o tuluyan nang nawalan ng papel si fitness vlogger Rendon Labador sa PNP “weight loss program”.


Sa totoo lang, sa mga pulis na nakatalaga lang sa Police Community Affairs and Development Group (PCADG) dapat magtuturo si Rendon para bumaba ang timbang nila, pero ang ginawa niya ay nagyabang sa social media, na kesyo siya na raw ang itinalagang fitness coach ng PNP, gayong PCADG lang naman pala ang kumuha sa kanyang serbisyo, at dahil sa kanyang kahambugan, wala na siyang papel, out na siya sa “weight loss program” sa PNP, boom!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page