top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 2, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

PABIDA LANG PALA NG KAMARA ANG P200 AT SENADO ANG P100 DAGDAG-SUWELDO SA MGA MANGGAGAWA -- Ang nais ng Kamara ay P200 ang idagdag sa daily suweldo ng mga manggagawa, at sa parte ng Senado ay P100 ang gusto nilang increase sa arawang sahod ng mga worker, pero ang inaprub lang ng National Capital Region Wage Board ay P50.


Dahil diyan, lumalabas na pabida lang ng Kamara at Senado ang inaprub nilang P200 at P100 daily suweldo sa mga manggagawa, boom!


XXX


MULA NANG MAGING HEAD NG DSWD SI SEC. REX GATCHALIAN WA’ NA PULITIKO NA NAKAPORMA SA MGA AYUDA PROGRAM NG KAGAWARAN, KAHIT NGA PAMAMAHAGI NG AYUDA, NI-ANINO NG POLITICIANS ‘DI MAKIKITA -- Pinabulaanan ni DSWD-Crisis Intervention Unit, Director Edwin Morata ang alegasyong nagamit ng mga pulitiko noong panahon ng election period, lalo na sa kampanya ang mga ayuda program ng kagawaran.


Totoo naman ang sinabing iyan ni Morata kasi mula nang italaga ni Pres. Bongbong Marcos sa puwesto bilang kalihim ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) si Sec. Rex Gatchalian ay wala na talagang nakapormang mga pulitiko sa mga ayuda program ng kagawaran, kahit nga sa mga payouts ng ayuda, at ni-anino ng mga politician hindi makikita sa pamamahagi ng mga ayuda, period! 


XXX


‘SUNTOK SA BUWAN’ NA MAKABALIK ULI BILANG MEMBER SA ICC ANG ‘PINAS DAHIL ANG DAMING PRO-DUTERTE SENATORS -- Matapos ianunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) Usec. Spokesperson Claire Castro na plano ni PBBM na bumalik o magpasakop uli sa International Criminal Court (ICC), ay naglabas naman ng survey ang OCTA Research Firm na 57% o majority ng mga Pinoy ay nais na maging member uli ng ICC ang ‘Pinas.


Ang problema rito ni PBBM at ng majority Pinoy ay ang Senado, dahil sa dami ng mga pro-Duterte senators ay "suntok sa buwan" na makabalik ang ‘Pinas bilang member uli ng ICC, kasi siguradong ibabasura ito ng mga senador na kaalyado ng pamilya Duterte, boom!


XXX


MAGAWA KAYA NI NEWLY APPOINTED COMM. NEPOMUCENO NA BANGGAIN ANG MGA SMUGGLER AT MGA ‘BUWAYA’ SA CUSTOMS? -- Sinibak ni PBBM si Customs Commissioner Bienvenido Rubio at ang ipinalit dito ay si Office of Civil Defense (OCD) Usec. Ariel Nepomuceno.


Hindi man sinabi ni PBBM ang dahilan ng kanyang pagsibak kay Rubio, ito ay maaaring may kinalaman sa mahinang performance nito laban sa mga smuggler at mga kurakot sa Customs.


Ngayon si Nepomuceno na ang bagong commissioner ng Customs, tingnan natin kung magawa niyang ipahuli at ipakulong ang mga smuggler at mga ‘buwaya’ sa Adwana, abangan!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 1, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

DAPAT ANG ITALAGA NI PBBM NA BAGONG OMBUDSMAN, MAY ‘BALLS’ LABAN SA MGA KURAKOT AT HINDI ‘TUTA’ NG MGA POLITICIAN -- Sa July 27, 2025 ay tapos na ang termino at bababa na sa kanyang puwesto si Ombudsman Samuel Martires.

Sana ang italaga ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na papalit kay Martires ay Ombudsman na may "balls" na banggain ang mga kurakot sa pamahalaan, at hindi Ombudsman na "tuta" ng mga politician, period!


XXX


KAPAG TINUTOO NINA ESCUDERO AT CAYETANO ANG TARGET NILANG ‘DISMISSAL WITHOUT TRIAL’ SA KASO NI VP SARA, BAKA DISBAR ANG ABUTIN NILA -- Sa mga abogado sa ‘Pinas, dalawang lawyers lang, sina Senate President Chiz Escudero at Sen. Alan Cayetano, ang nagsasabing kahit walang maganap na impeachment trial ay puwede raw i-dismiss agad sa pamamagitan ng majority votes ng mga senator-judges ang mga kasong impeachment ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.


Halos lahat kasi ng abogado sa bansa ay nagsabing wala sa Konstitusyon ang binabanggit nina Escudero at Cayetano na “dismissal without trial”.

Kapag tinutoo nina Escudero at Cayetano ang target nilang "dismissal without trial", malamang disbar ang abutin nilang dalawa dahil nilabag nila ang Konstitusyon, boom!


XXX


MGA DDS HAPPY NA ULI, INDIKASYONG MAKAKAUWI PA RIN SA DAVAO SI EX-P-DUTERTE DAHIL KARATULANG FOR SALE SA BAHAY, TINANGGAL NA -- Ikinalungkot ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ang napabalitang ibinebenta na ang bahay ni ex-P-Duterte sa Davao City kaya puro sad ang reactions nila sa social media dahil nga tila indikasyon ito na hindi na makakauwi ng lungsod ang dating presidente.


Pero kamakalawa ay nagbalik-saya ang mga DDS kasi tinanggal na ang karatulang for sale sa tahanan ng ex-president na indikasyon ngayong makakauwi pa rin ito sa Davao City, kaya ang sad reactions nila (mga DDS) noong una ay pinalitan na nila ng love reactions, period! 


XXX


MAGAWA KAYA NG GOBYERNO NI YORME ISKO SA MANILA NA HULIHIN ANG SANGKATUTAK NA MGA MANGRARAKET? – Kamakailan (June 29, 2025) sinabi ni Mayor-elect Isko Moreno na sa umpisa ng kanyang panunungkulan bilang alkalde uli ay mababalik na raw ang gobyernong pang-Maynila.


Sa totoo lang, sa panahon ng panunungkulan ni former Manila Mayor Honey Lacuna ay parang walang gobyernong nanghuhuli sa mga mangraraket sa lungsod na sina alyas "Boy Abang," "Lorna," "Paknoy,"  "Dani Bukol," "Anna," "Prades," "Tonton," "Tata Ber", at "Lando."


Ngayong balik-alkalde na si Yorme Isko, tingnan nga natin kung may gobyerno ang Manila na huhuli sa sangkatutak na mga mangraraket sa lungsod, abangan!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 30, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

BAHAY NI EX-P-DUTERTE FOR SALE NA, MASAMANG PANGITAIN ITO NA WARING HINDI NA MAKAKAUWI SA DAVAO CITY ANG DATING PRESIDENTE -- Nang kumpirmahin ni Honeylet Avancena, longtime partner ni ex-P-Duterte na for sale na ang bahay nila ng dating presidente sa Davao City ay puro sad reactions ang naging tugon dito ng netizens sa social media.


Malulungkot talaga ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS) kasi ang pagbebenta sa bahay ng dating pangulo ay masamang pangitain, dahil parang indikasyon ito na hindi na makakalaya at makakauwi sa kanilang tahanan si ex-P-Duterte na nakapiit ngayon sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands, tsk !


XXX


KAPAG NA-IMPEACH SI VP SARA, MALI ANG AKALA NG MARCOS ADMIN NA WALA NANG MABIGAT NA KALABAN ANG 'MANOK' NI PBBM DAHIL MAY SEN. BONG GO PA SI EX-P-DUTERTE SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Kung inaakala ng Marcos administration na wala nang mabigat na makakalaban ang magiging "manok" ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa 2028 presidential election kapag na-impeach o napatalsik sa puwesto si Vice President Sara Duterte-Carpio ay nagkakamali sila.


May Sen. Bong Go pa si ex-P-Duterte na "maglalampaso" sa "manok" ni PBBM sa eleksyon.


Nasabi nating ilalampaso lang ni Sen. Bong Go ang presidential candidate ni PBBM dahil sa presidential survey ng Tangere Firm ay rank number 1 si VP Sara sa rating na 35%, rank number 2 si Naga City Mayor-elect, former VP Leni Robredo sa rating na 19% at nakadikit dito ang senador (Bong Go) na rank number 3 sa rating na 13%.


Ang nais nating ipunto rito ay kapag nagtagumpay ang Marcos admin na ipa-impeach si VP Sara, tiyak na ang rating niya na 35% ay mapupunta kay Sen. Bong Go at kapag in-add ang rating ng bise presidente na 35% sa rating ng senador na 13%, ang total nito ay 48%, na ibig sabihin, sure win ito sa pagka-presidente sa 2028 election, period!


XXX


WARING RAMDAM NA NI HARRY ROQUE NA MADI-DEPORT SIYA PABALIK NG ‘PINAS PARA MAKULONG SA KASONG NO BAIL -- Kapag nag-vlog si former presidential spokesman Harry Roque ay dalawa laging salita ang lumalabas sa bunganga nito, na kundi dapat mag-resign na raw si PBBM at ipasa na kay VP Sara ang pamamahala sa ‘Pinas ay nananawagan siya sa mamamayan na patalsikin na sa puwesto ang Pangulo para ang bise presidente (VP Sara) na ang maging presidente.


Sa tema ng mga pinagsasabing ito ni Roque ay waring ramdam na niya na ibabasura ng The Netherlands ang kanyang asylum, na ramdam na niyang malapit na siyang ma-deport pabalik ng ‘Pinas para makulong sa no bail na kasong qualified trafficking in person, boom!


XXX


SA LAKI NG BUDGET SA YEAR 2026, TIBA-TIBA NA NAMAN ANG MGA BUWAYA SA PAMAHALAAN -- Kinumpirma ni Dept. of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na papalo sa P6.793 trillion ang magiging national budget ng Marcos administration sa year 2026.


Sa laki niyan, tiba-tiba na naman ang mga ‘buwaya’ sa pamahalaan, buset!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page