ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 19, 2025

DAPAT IHANDA NA NI SEN. DELA ROSA ANG SARILI, BAKA NGA MAGLABAS NA NG WARRANT OF ARREST SA KANYA ANG ICC – “Go ahead!”, iyan ang tugon ni Sen. Ronald Dela Rosa bilang reaksyon sa sinabi ni Executive Sec. Lucas Bersamin na kapag may warrant of arrest na kaugnay sa kasong crimes against humanity ay agad daw ipapahuli ng Marcos administration ang senador at itu-turnover ito sa Interpol para ikulong sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands.
Dapat na talagang ihanda ni Sen. Dela Rosa ang kanyang sarili sa mga susunod na araw dahil hindi naman magpapalabas ng statement si ES Bersamin tungkol sa pagpapaaresto sa senador kung walang natanggap na impormasyon ang Malacanang na malapit nang maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya (Dela Rosa) ang ICC boom!
XXX
TAKLESA AT LAGING NAKIKIPAGBARDAGULAN SI CLAIRE CASTRO SA MGA KRITIKO NI PBBM KAYA MALAMANG HINDI SIYA MASIBAK SA PCO -- Normal lang ang ginawa ni newly appointed Presidential Communications Office (PCO) Sec. Dave Gomez na pinagku-courtesy resignation ang mga dinatnan niyang mga opisyal sa PCO na in-appoint ni former PCO Sec. Jay Ruiz dahil may bitbit siyang (Gomez) mga sarili niyang tao.
At bagama’t kabilang si PCO Usec. Claire Castro sa nagsumite ng courtesy resignation, maaring hindi siya makabilang sa sisibakin ni Sec. Gomez, na ‘ika nga mananatili siyang (Castro) spokesperson ng Malacanang.
Sa totoo lang kasi, kailangan ng Palasyo ang tulad ni Castro na taklesa at laging nakikipagbardagulan sa mga kritiko ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), period!
XXX
MALAMANG MAUSO ULI ANG ALKANSYA DAHIL NABUWISIT ANG MGA DEPOSITOR SA POLISIYA NG MARCOS ADMIN NA PATAWAN NG 20% TAX ANG MGA TUBO O INTERES SA SAVINGS SA BANGKO -- Baka mauso na naman ang alkansya.
Nasabi natin ito kasi mantakin n’yo, ang interest sa savings sa bangko ng mamamayan ay pinakakaltasan o pinapapatawan ni Finance Sec. Ralph Recto ng 20% tax.
Bagama’t hindi naman mismo ang savings ang papatawan ng 20% tax kundi ang interest o tubo lang, sa social media ay mababasa ang comments ng netizens na umuusok sa galit sa polisiyang ito ng Marcos admin.
Ang nais nating ipunto rito ay baka sa buwisit, i-withdraw ng mga mamamayan ang mga savings nila sa bangko at ilagay na lang ito sa alkansya, boom!
XXX
MAGAGALIT TALAGA ANG DEPOSITORS NG BANGKO, KAYA SILA NAG-IMPOK PARA SAVINGS NILA KUMITA O TUMUBO TAPOS ANG INTEREST, PINAG-IINTERESAN NG MARCOS ADMIN – Bagama’t nilinaw ni Sec. Recto na tanging interest lang sa savings ng mga Pinoy depositor ang papatawan ng 20% tax at hindi mismo ang savings ang kakaltasan, ay galit pa rin siyempre ang mamamayang may savings sa mga bangko.
Kasi naman, kaya nga sila (depositors) nag-impok sa bangko para tumubo o magka-interest ang kanilang mga savings, tapos ang ginawa ng Marcos admin, pinag-interesan ang tubo, pinatawan ng 20% tax, mga buset!




