ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Abril 4, 2024
MAS MAY ‘K’ PALANG MAGING PRESIDENTE SI SEN. IMEE KAYSA KAY PBBM -- Kinontra ni Sen. Imee Marcos ang direktiba ng kanyang kapatid na si Pres. Bongbong Marcos na palakasin ang maritime security sa West Philippine Sea (WPS), kasi ayon sa senadora dapat daw ang ginagawa ng gobyerno ay nakikipag-usap nang maayos sa China at sa iba pang bansang claimants sa Spratly Islands, at huwag naghahanap ng basag-ulo alang-alang sa kapakanan ng mamamayan.
Sa totoo lang, kung foreign policy ang pag-uusapan ay makikitang mas may “K” maging presidente si Sen. Imee kaysa utol niyang si PBBM, period!
◘◘◘
RAFFY TULFO, TOP AT VP SARA PANGALAWA LANG, IBIG SABIHIN MAS MARAMI NA ANG TDS KAYSA DDS -- Sa inilabas na survey ng Pulse Asia ay si Sen. Raffy Tulfo ang top at pumangalawa lang si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio para sa napakatagal pang 2028 presidential election.
Kung totoo ang survey na ‘yan, aba’y ibig sabihin n’yan ay mas marami na ang TDS (Tulfo Diehard Supporters) kaysa DDS (Duterte Diehard Supporters), boom!
◘◘◘
DAHIL WALANG ‘ONE-STRIKE POLICY’, TIYAK PARANG KABUTENG MAGSUSULPUTAN SA BANSA ANG MGA ILLEGAL GAMBLING -- Ayon kay newly appointed PNP Chief Gen. Rommel Marbil ay hindi raw siya magpapairal ng one-strike policy sa mga hepe, provincial director, district director at regional director ng PNP.
Dahil sa sinabing ‘yan ni Gen. Marbil ay parang mga kabuteng magsusulputan na sa iba’t ibang bansa ang raket na illegal gambling ng mga gambling lords, abangan!
◘◘◘
MGA TULAK NG DROGA AT MGA ADIK, LUNDAGAN SA TUWA KASI BAGONG PNP CHIEF WALANG DRUG WAR -- Wala rin daw ilulunsad na drug war si Gen. Marbil.
At dahil d’yan, tiyak naglulundag sa tuwa ang mga tulak ng droga at mga adik, boom!