top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 25, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TANGGALAN NG PORK BARREL ANG MGA SENADOR PARA PROBLEMA SA BAHA MASOLUSYUNAN -- Halos hindi na malaman ng pamahalaan ang gagawin kung paano sosolusyunan ang baha sa Metro Manila at sa mga mabababang lugar sa mga probinsya.


Sa totoo lang, simple lang naman ang solusyon, huwag lang hayaan ng gobyerno na makapagsingit ng pork barrel ang mga senador sa national budget, solve na ang problema ng ‘Pinas sa baha.


Ihalimbawa natin ‘yung ibinulgar ni Sen. Ping Lacson na P150 billion pork barrel na isiningit ng grupo ni Senate President Chiz Escudero sa 2025 national budget, na kung ang perang ‘yan (P150B) ng bayan ay inilaan ng gobyerno sa mga flood control project, kahit paano maiibsan ang baha sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa, period!


XXX


DAPAT MAGTATAG ANG GOBYERNO NG DEPARTMENT OF FLOOD CONTROL NA HINDI UNDER NG DPWH -- Dapat magtatag ang pamahalaan ng isang tanggapan na tatawaging Department of Flood Control na hindi under sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH), at ang mga itatalagang opisyal dito (Dept. of Flood Control) ay dapat mga walang bahid ng corruption.


Hindi naman sa nilalahat natin, pero may ilan talagang opisyal sa DPWH ang mga kurakot, kasi mantakin n’yo yearly ay may inilalaan naman ang pamahalaan na pondo rito (DPWH) para sa mga flood control project pero hanggang ngayon ay hindi masolusyunan ang problema ng ‘Pinas sa baha, tsk!


XXX


INIATRAS NA ANG MGA KASO SA KANYA, GUSTO PA NI DE LIMA PROSECUTORS NA NAG-ATRAS NG KASO NIYA, PAIMBESTIGAHAN -- Sa utos ni Justice Sec. Boying Remulla ay pormal nang iniatras ng prosecutor panel ang mosyon nila sa korte na buhayin ang mga kaso ni ML Partylist Rep. Leila De Lima na may kaugnayan sa droga, dahil ayon sa DOJ secretary ay absuwelto na sa kanyang mga kaso ang congresswoman.


Dahil diyan ay nagpasalamat si De Lima kay Sec. Remulla, pero may hirit pa ang congresswoman, dapat daw imbestigahan ang mga DOJ prosecutor na nagtangkang buhayin ang mga dati niyang kaso na may kinalaman sa droga.


Pambihira naman si De Lima, iniatras na nga ng prosecutor panel ang hirit sa korte na buhayin ang mga kaso niya, tapos iyong mga nag-atras ng mga kaso sa kanya, gusto pa niyang paimbestigahan, tsk!


XXX


SI GEN. TORRE SIGURADONG MAGPAPA-DRUG TEST, PERO KUNG TATANGGI SI MAYOR BASTE SA DRUG TEST, HINDI MATUTULOY ANG BAKBAKANG ‘PNP CHIEF AT DAVAO CITY MAYOR’ -- Hinamon ni Davao City acting Mayor Baste Duterte si PNP Chief, Gen. Nicolas Torre ng suntukan, at ang hamon ng alkalde ay kinasahan ng PNP chief, 12 rounds daw silang magbabakbakan sa Araneta Coliseum at ang kikitain daw sa laban nila ay pang-charity o tulong sa mga nabiktima ng bagyo.


Kabilang sa ipinatutupad sa larangan ng boksing ay drug test. Si Gen. Torre ay siguradong magpapa-drug test iyan pero ang tanong: pumayag kaya si Baste na magpa-drug test?


Ang nais nating ipunto rito, kapag pumayag si Mayor Baste na magpa-drug test, tuloy ang boksing pero kapag hindi pumayag, 100% hindi matutuloy ang pinakakaabang-abang na Gen. Torre vs. Mayor Baste, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 24, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PUPURIHIN TALAGA NI TRUMP SI PBBM PARA MGA US MILITARY BASES SA ‘PINAS HINDI MATANGGAL -- Tuwang-tuwa ang mga loyalista kasi pinuri raw ni United States (US) Pres. Donald Trump si Pres. Bongbong Marcos (PBBM).


Sa totoo lang, lahat naman ng lider ng mga bansang kaalyado ng Amerika ay pinupuri ng sinumang nagiging presidente ng Estados Unidos, tulad ni PBBM na pinuri ni Trump dahil mayroong interes ang super power country na ito sa ‘Pinas, tulad ng mga inilagay na US military bases sa Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Benito Ebuen Sir Base sa Cebu, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija at Lumba Airport sa Cagayan De Oro City.


‘Ika nga, obligado talagang purihin ni Trump si PBBM para mapanatili ang mga US military bases sa ‘Pinas dahil kung hindi ay baka mainis ang Philippine president at ipatanggal ang mga puwersang militar ng Amerika sa bansa, period!


XXX


MGA DRAINAGE AT BASURA ANG SINISISI NINA DPWH SEC. BONOAN AT MMDA CHAIRMAN ARTES SA KAPALPAKAN NILA SA BAHA -- Sinisi ni Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan ang mga lumang drainage kaya raw bumaha sa National Capital Region (NCR), at mga basura naman ang sinisisi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes kaya raw lumubog sa baha ang Metro Manila.


Pambira naman itong dalawang “bata” ni PBBM, ang kanilang kapalpakan sa trabaho na dapat sana ay noong panahon ng tag-araw ay sinolusyunan na ang problema sa baha, eh ang palusot, sisihin ang mga lumang drainage at mga basura kaya binaha ang Metro Manila, mga buset!


XXX


DAPAT LANG BURAHIN NG META ANG FB PAGE NG MGA VLOGGER NA ENDORSER NG MGA ONLINE GAMBLING DAHIL FOLLOWERS NILA, NIRARAKET -- Nanghihinayang ang mga vlogger na endorsers ng mga online gambling sa ginawang pagbura ng Meta Platforms, Inc. sa kanilang mga Facebook page kasi milyun-milyon na raw ang followers nila at dahil burado o wala na ito sa FB, back to zero raw sila.


Aba’y dapat lang burahin o tanggalin ng Meta ang kanilang mga Facebook page kasi iyong milyun-milyon nilang followers ang niraraket nila sa mga walang panalong online gambling, mga pwe!


XXX


MGA RESIDENTE NG MUNTINLUPA CITY, APEKTADO NA NG BAHA, BIKTIMA PA NG RAKET NA JUETENG NINA ‘TOUCHE’ AT ‘JOJO’ -- Isa ang Muntinlupa City sa labis na sinalanta ng Bagyong Crising, ang daming residenteng binaha at dinala sa mga evacuation center.


Ito na ang siste, sa mga evacuation center ay may nagpasukan ditong mga kubrador ng sindikatong jueteng nina “Touche” at “Jojo” at pinataya ang evacuees, at dahil nga raket ang ganitong uri ng sugal ay siyempre walang tatama o mananalo.


Dapat umaksyon dito si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon dahil kaawa-awa naman ang kanyang mga kababayan, apektado na nga ng baha, nabiktima pa sa raket na jueteng nina "Touche" at "Jojo," tsk!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 23, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG WALANG KINURAKOT, DAPAT IPAMUKHA ITO NI VP SARA SA IMPEACHMENT TRIAL KINA SPEAKER ROMUALDEZ AT IBA PANG CONG. -- Kung walang corruption na ginawa si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa kanyang P650 million confidential funds ay dapat ipamukha niya ito sa mga kongresistang nagsampa sa kanya ng mga kasong impeachment sa Senado.


Ang nais nating ipunto rito ay dapat harapin niya ang mga kasong impeachment na isinampa sa kanya ng Kamara at kapag naipakita niya ang mga ebidensyang ni-singko ay wala siyang kinurakot, siguradong mapapahiya ang mga congressman at tiyak na puputaktihin ng netizens ng pamba-bash sina Speaker Martin Romualdez at mga kaalyado niyang kongresista, boom!


XXX


KUNG MAY MALASAKIT SI PBBM SA MAMAMAYAN NA LAGING BINABAHA, DAPAT SIBAKIN NA NIYA SI DPWH SEC. MANUEL BONOAN -- Dumaan ang tag-araw nang hindi man lang nagawa ni Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na solusyunan ang problema ng ‘Pinas sa baha, kaya ang resulta nang pumasok na ang panahon ng tag-ulan at bagyo, nilubog na naman ng baha ang iba’t ibang lugar sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.


Dapat ipakita ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang pagmamalasakit niya sa mamamayan na laging nakakaranas ng baha, dapat sibakin na niya agad si DPWH Sec. Manuel Bonoan, period! 


XXX


KAYA PALA HINDI MAKAPAGPAGAWA NG MGA BAGONG SCHOOL AT OSPITAL DAHIL BUDGET NG DEPED AT DOH TINAPYASAN, AT ANG NABAWAS NAPUNTA SA PORK BARREL NG GRUPO NI SP ESCUDERO -- Hindi lang si Sen. Ping Lacson ang nakadiskubre sa P150 billion pork barrel na isiningit ng grupo ni Senate Pres. Chiz Escudero sa 2025 national budget, kundi pati si Sen. Tito Sotto na nagsabi na base sa kanyang natuklasan ay sobra-sobrang scandalous umano ang ginawang ito ng Senado dahil raw ang bilyun-bilyong pork barrel na ito na pinagparte-partehan ng majority senators ay tinapyas sa budget ng Dept. of Education (DepEd) at Dept. of Health (DOH).


Kaya naman pala hindi magawa ng DepEd na makapagpagawa ng maraming school buildings at hindi rin ang DOH na makapagpatayo ng mga karagdagang public hospital dahil ang mga budget pala rito ay ginagawang pork barrel ng grupo ni SP Escudero, buset!


XXX


DAPAT PANGALANAN NI NAPOLCOM VICE CHAIRMAN CALINISAN ANG MGA TAONG NAGTANGKANG AREGLUHIN ANG KASO NG MGA PULIS NA SANGKOT SA MGA MISSING SABUNGERO -- Ibinulgar ni National Police Commission (Napolcom) Vice Chairman Rafael Calinisan na may dalawang grupo raw ang nagtangkang aregluhin siya para ilusot sa kaso ang 12 pulis na nasasangkot sa pagpatay sa mga missing sabungero.


Sana hubaran ni Calinisan ng maskara ang dalawang grupong ito, dapat ibulgar niya ang mga pangalan nito para malaman ng publiko kung sinu-sino ang mga personalidad na sinasabi niyang nagtangkang aregluhin siya sa kaso ng mga missing sabungero, period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page