top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 28, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

BUKOD SA SC, DAPAT MAG-THANK YOU RIN SI VP SARA KAY SEN. BONG GO, KUNG HINDI NIYA PINA-REMAND BAKA NATULOY ANG IMPEACHMENT SA KANYA -- Sa desisyon ng Supreme Court (SC) na nagpa-stop sa impeachment proceedings kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ngayong taon, hindi lang sa SC dapat magpasalamat ang bise presidente kundi pati kay Senator-Judge Bong Go, na sa pag-convene ng Senado noong June 10, 2025 bilang impeachment court ay siyang nagmungkahi at nanguna na i-remand o ibalik muna sa Kamara ang articles of impeachment dahil sa timetable nito ay kinakitaan niya ito ng mga paglabag sa Konstitusyon, tulad ng violation sa 1-year ban sa pagsasampa ng kaso at hindi rin binigyan ng due process ang bise presidente, kaya majority votes ng senator-judges ay ibalik sa House of Representatives o HoR. 


Kung hindi dahil sa mungkahing remand ni Sen.-Judge Bong Go ay baka nagtuloy ang impeachment proceedings laban kay VP Sara, period! 


XXX


HINDI KAYA MAGKAUTAL-UTAL SI PBBM SA KANYANG SONA DAHIL SI VP SARA NA KALABAN NIYA SA PULITIKA, HINDI PINA-IMPEACH NG SC -- Tatlong araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) nang ilabas ng SC ang desisyong stop na ang impeachment ngayong taon kay VP Sara dahil sa timetable sa pagsasagawa ng mga impeachment complaints ay may mga nilabag sa Konstitusyon ang Kamara.


Hindi kaya magkautal-utal si PBBM sa kanyang SONA ngayong araw? Dahil ang numero unong kalaban niya sa pulitika, si VP Sara ay hindi na mai-impeach ngayong taon, na pinanigan ito ng SC, boom!


XXX


HAPPY DAYS PA RIN ANG MGA SMUGGLER SA CUSTOMS KAYA HINDI PUWEDENG IBIDA NI PBBM SA KANYANG SONA NA WALA NANG SMUGGLING SA ‘PINAS -- Ngayong SONA ni PBBM ay hindi puwedeng ibida nito na tinapos na ng kanyang administrasyon ang happy days ng mga smuggler.


Noong 2023 SONA ni PBBM ay sinabi niyang bilang na ang araw ng mga smuggler, at noong Sept. 2024 ay nilagdaan niya ang mas pinatinding batas na economic sabotage laban sa mga smuggler, eh ang masaklap hanggang ngayon ay wala pang nahuhuli ang tropa ni Customs Comm. Ariel Nepomuceno sa Adwana, na ‘ika nga, tuloy pa rin ang happy days ng mga smuggler na sina “Gerry T.,” “Leah C.,” “Tina U.,” “Big Mama,” “Kimberly Gang” at iba pang sindikato ng smuggling sa Customs, tsk!


XXX


PAGHUPA NG BAHA LUMANTAD ANG MGA LUBAK-LUBAK NA KALSADA, PATUNAY NA TINITIPID NG DPWH OFFICIALS ANG PONDO SA INFRASTRUCTURE PARA MAY MAKURAKOT -- Nang matapos ang mga malalakas na buhos ng ulan na nagdulot ng pagbaha na dala ng mga bagyo at habagat, at sa paghupa ng baha ay nakita ng publiko na karamihan sa mga lugar at kalsadang ginawa ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ay lubak-lubak na naman.


Patunay iyan na tinitipid ng mga ‘buwaya’ sa DPWH ang nakalaang mga materyales sa pagpapagawa ng mga kalsada, para ang natipid ay kurakutin, mga buset!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 27, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

KAHIT PINABORAN NG SC, VP SARA HINDI PA RIN LUSOT SA IMPEACHMENT? -- Kahit pumabor kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ang desisyon ng Supreme Court (SC) na nag-uutos sa Senado na huwag nang litisin ang bise presidente sa kinakaharap nitong mga kasong impeachment dahil unconstitutional daw ang ginawa ng Kamara nang labagin ang 1-year rule sa pagsasampa ng articles of impeachment at hindi pagbibigay ng due process sa kanya, ay may mga senador ang nagsabi na dapat ituloy pa rin ang impeachment trial dahil co-equal daw ang mandato ng SC at Kongreso (Senado at Kamara), at wala raw nakasaad sa Konstitusyon na saklaw ng kapangyarihan ng Korte Suprema ang impeachment court.


Kaya kapag tuluyang hindi kinilala ng Kamara at Senado ang desisyon ng SC at itinuloy pa rin ang impeachment proceedings laban sa bise presidente, ibig sabihin niyan, hindi pa rin pala lusot sa kaso si VP Sara, boom!


XXX


DAPAT RESPETUHIN NG MGA PRO-IMPEACHMENT ANG PAGPABOR NG SC KAY VP SARA PARA WALANG CONSTITUTIONAL CRISIS, WALANG GULO -- Kapag itinuloy ng Senado ang pagbuo ng impeachment court para litisin si VP Sara sa kabila na may desisyon ang SC na pumabor sa bise presidente ay may mga law expert ang nagsabi na posibleng pagmulan iyan ng constitutional crisis sa Pilipinas. 


Kabilang sa mga posibleng mangyari kapag nagkaroon ng constitutional crisis sa bansa ay pagtatatag ng bagong Konstitusyon, maparalisa o tuluyang bumagsak ang gobyerno, humantong sa civil war at makialam ang miliitar bilang tagapagtanggol ng Konstitusyon at isailalim sa military takeover ang ‘Pinas.


Kaya para walang gulo, respetuhin na lang ng mga pro-impeachment ang desisyon ng SC, tutal ang sabi naman ng Korte Suprema ay hindi naman nila inaabsuwelto si VP Sara sa mga kaso nitong impeachment, teknikalidad sa kaso ang naging pasya nila, at puwede pa naman daw isampa uli ang articles of impeachment makalipas ang isang taon basta’t naaayon sa Konstitusyon ang gagawin ng Kamara, period!


XXX


HINDI NA NGA MAGIGISA SI VP SARA SA IMPEACHMENT PERO SI SP ESCUDERO MALAMANG MAGISA SA ISKANDALOSONG P142.7B PORK BARREL -- Kapag majority senators ang pumabor sa desisyon ng SC na huwag nang litisin ngayong taon ang mga kasong impeachment ni VP Sara ay masusunod na ang kagustuhan ni Senate Pres. Chiz Escudero na hindi magisa ng mga pro-impeachment senator at House prosecution panel ang bise presidente.


Happy na si SP Escudero diyan, pero may problem siya, dahil hindi na nga magigisa sa impeachment trial si VP Sara pero tila siya (SP Chiz) naman ang magigisa kasi sabi ni Sen. Tito Sotto, dapat daw imbestigahan ang iskandalosong P142.7 billion pork barrel na isiningit ng grupo ni SP Escudero sa 2025 national budget, boom!


XXX


HUWAG MAGHAHAMON NG SUNTUKAN KUNG HINDI KAYANG PANINDIGAN PARA HINDI NABA-BASH NG NETIZENS -- Dapat may magpayo kay acting Davao City Mayor Baste Duterte na huwag muna siyang tumunghay sa social media.


Mas lalo kasi siyang pinuputakti ng pamba-bash ngayon ng mga netizens dahil tuluyan na siyang umatras sa nakatakdang laban ngayong araw (July 27) sa boksing ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre nang magtungo ang alkalde sa Singapore.


Next time, huwag maghahamon ng suntukan kung hindi naman kaya itong panindigan para hindi naba-bash ng netizens, period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 26, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

LALONG MABA-BASH SI MAYOR  BASTE KAPAG ‘DI SUMIPOT SA BOKSING NILA NI GEN. TORRE SA JULY 27 -- Pinutakti ng batikos ng netizens sa social media si Davao City acting Mayor Baste Duterte nang magpahiwatig siya ng pag-aatras sa hamon niyang suntukan kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre, nang sabihin ng alkalde na matutuloy lang daw ang bugbugan nila ng PNP chief kung sasabihan ni Gen. Torre si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na magpalabas ng direktiba na lahat ng elected officials ay magpa-hair follicle drug test.


May dahilan talaga ang netizens na batikusin si Mayor Baste dahil siya ang unang naghamon tapos tila umaatras na siya sa kanyang hamon.


Tutal sa July 27, pa naman ang nakatakda nilang laban ni Gen. Torre na idaraos sa Rizal Memorial Coliseum sa Maynila, kaya’t sana sumipot dito si Mayor Baste dahil kung hindi ay asahan na niyang lalo siyang puputaktihin ng pamba-bash ng netizens sa socmed, boom!


XXX


TINABLA NG SC KAYA IMPEACHMENT TRIAL NI VP SARA SA AUG. 4, HINDI NA TULOY -- Hindi na matutuloy ang promise ni Senate Pres. Chiz Escudero na mag-start ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa August 4, 2025.


Kasi ang idinahilan ng Supreme Court (SC) ay unconstitutional daw dahil nilabag ang 1 year bar rule, at hindi rin binigyan ng Kamara ng due process si VP Sara para maipagtanggol ang sarili niya sa mga isinampang articles of impeachment laban sa kanya, boom!


XXX


‘SUNTOK SA BUWAN’ ANG NAIS NI ATTY. KAUFMAN NA PAYAGAN NI PBBM NA MAKABALIK SA ‘PINAS SI FPRRD -- Nais ni Atty. Nicholas Kaufman, abogado ni former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) sa International Criminal Court (ICC) na makausap si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) para sabihin dito na “walang anumang mangyayari” kung papayagan nitong makabalik sa Pilipinas ang ex-president, na kung pakasusuriin ang tinuran ng lawyer ni FPRRD ay tila ang gustong mangyari ay makipagtulungan ang Philippine gov’t. para makalaya sa ICC jail at maiuwi na sa ‘Pinas ang dating pangulo.


Sa totoo lang, “suntok sa buwan” ang nais mangyari ni Atty. Kaufman dahil nga Marcos admin ang ‘nagpahuli’ at makulong sa ICC jail sa The Netherlands si FPRRD para mawala ito sa ‘Pinas, tapos ang gusto niya (Atty. Kaufman) ibalik sa bansa  ang ex-president, boom!


XXX


MANDATO NG MMDA PAUNLARIN ANG METRO MANILA AT HINDI POST NANG POST KUNG SAAN MAY BAHA -- Panay ang post ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lugar na may baha sa Metro Manila.


Kapag Tinagalog ang Metropolitan Manila Development Authority, ito ay Pangasiwaan sa Pagpapaunlad ng Kalakhang Maynila.


‘Ika nga, ang mandato ng MMDA ay paunlarin ang capital region, solusyunan ang mga problema sa baha para umunlad ang Kalakhang Maynila at hindi iyong ginagawa lang ay post nang post kung saan may mga baha sa National Capital Region (NCR), period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page