- BULGAR
- Jul 31, 2025
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 31, 2025

INOKRAY NG MGA PORK BARREL SENATOR AND CONGRESSMEN SI PBBM SA KANYANG SONA -- Binatikos ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mga pork barrel politician na mga senador at kongresista na nagsipagpalakpakan at nag-standing ovation pa matapos sabihin ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na, “Mahiya naman kayo sa mga kapwa n’yo Pilipino”, patungkol sa isyu ng corruption sa flood control projects, dahil ayon sa alkalde ay ‘yung mga pumalakpak with standing ovation ay sila ‘yung mga nagsingit daw ng mga pork barrel at kumurakot umano sa flood control project funds.
Dahil sa sinabing iyan ni Mayor Magalong, lumalabas na inokray lang pala ng mga nagpalakpakang sen. at cong si PBBM sa kanyang SONA, boom!
XXX
MISTULANG IBINUKING NI USEC. CASTRO NA GUSTO NI PBBM NA MA-IMPEACH SI VP SARA DAHIL ‘DI RAW SANG-AYON ANG MALACANANG SA PAGPANIG NG SC SA BISE PRESIDENTE -- Mistulang ibinuking ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro na gusto ni PBBM na ma-impeach si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, taliwas sa mga statement noon ng Presidente na ayaw niyang matuloy ang impeachment sa bise presidente.
Sabi kasi ni Usec. Castro na bagama’t nirerespeto raw ng Malacanang ang mga nagiging desisyon ng Supreme Court (SC), ay hindi sang-ayon ang Palasyo sa ginawang ‘pagharang’ ng Korte Suprema sa mandato ng Kamara at Senado na dinggin ang mga kasong impeachment ni VP Sara, nang ipa-stop nito ang naturang impeachment proceedings dahil sa mga isyung paglabag sa 1-year bar rule at hindi pagbibigay ng due process sa bise presidente, period!
XXX
HINDI NA NGA MAGIGISA SI VP SARA SA IMPEACHMENT DAHIL SA UTOS NG SC, PERO TILA ‘DI MAKAKALUSOT SA PANGGIGISA ULI NG QUADCOM NG KAMARA AT MINORITY SENATORS -- Nakalusot man si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ngayong taon sa gagawin sanang paggisa sa kanya ng House prosecutors panel matapos katigan ng Supreme Court (SC) ang petisyon niya na lumabag sa 1-year bar rule sa pagsasampa ng mga kasong impeachment sa kanya ang Kamara at hindi pagbibigay sa kanya ng due process, ay tila hindi naman siya makakalusot sa gagawing paggisa sa kanya ng mga kongresista at minority senators.
Pinagpaplanuhan na kasi ng mga cong. na buhayin uli nila ang QuadCom ngayong 20th Congress, at balak din ni Sen. Ping Lacson, isa sa miyembro ng minority sa Senado na imbestigahan ang sinasabing anomalyang naganap sa P650 million confidential funds ni VP Sara sa Office of the Vice President (OVP) at Dept. of Education (DepEd), boom!
XXX
KAPAG NAGPATULOY ANG SMUGGLING SA CUSTOMS, IBIG SABIHIN MAY MGA TUMATANGGAP PA RIN NG 'TARA' -- Nagpalabas si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ng kautusang "no-take policy" na ibig sabihin ay walang sinuman sa taga-Customs ang tatanggap ng "tara" o payola sa mga smuggler sa Adwana.
Kaya kapag nagpatuloy pa rin ang raket na smuggling nina "Gerry T." "Leah C.," "Tina U.," "Big Mama" at "Kimberly Gang" sa Customs, ibig sabihin n’yan ay tuloy pa rin ang pagtanggap ng "tara" ng mga ‘buwaya’ sa Adwana, period!




