ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 9, 2025

PINUTAKTI NG BATIKOS NG NETIZENS AT MGA TAGA-SIMBAHAN SI PBBM DAHIL PATI BISHOPS MISTULANG GUSTONG GAWING ADVISERS SA RAKET NA ONLINE GAMBLING – Kaliwa’t kanang batikos ang inaabot ngayon ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa mga netizens sa social media at sa mga taga-simbahan sa mungkahi niyang isama ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga gagawing polisiya ng pamahalaan sa operasyon ng online gambling sa ‘Pinas.
Eh talagang puputaktihin ng batikos si PBBM dahil sablay talaga ang statement niya na iyan dahil lahat ng uri ng sugal ay kontra ang mga taga-simbahan, tapos ang nais niyang mangyari isali ang CBCP sa paggawa ng polisiya, mistulang gagawin pang advisers ang mga bishop sa mga raket na online gambling sa social media, boom!
XXX
SURE WIN NA SANA SI VP SARA KUNG NATULOY IMPEACHMENT TRIAL AT NAPATUNAYANG WALANG KASALANAN, PERO DAHIL ARCHIVED NA, MAY EPEKTO ITO SA LABAN SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Kung natuloy ang impeachment trial at napatunayan ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na wala siyang kasalanan at napatunayang mga totoong tao ang tumanggap ng ipinamahagi niyang confidential funds, sure win siya sa 2028 presidential election dahil base sa magkasunod na isinapublikong survey ng Social Weather Station (SWS) noong July 15, 2025 at OCTA Research Firm noong July 27, 2025, majority Pinoy ay nais na matuloy ang impeachment proceedings sa bise presidente.
Ang nais nating ipunto rito, impeachment trial ang magpapanalo kay VP Sara sa 2028 presidential election lalo kung sa paglilitis ay lumabas na mga paninira lang ng mga kongresista ang mga alegasyon sa kanya, dahil siguradong majority Pinoy ang boboto at magluluklok sa kanya sa halalang pampanguluhan. Pero dahil hindi na matutuloy ang impeachment proceedings matapos na ipa-stop ito ng Supreme Court (SC) at i-archive o isantabi ng Senado ang mga kasong impeachment ng bise presidente ay siguradong nadismaya rito ang mayoryang mamamayan at may posibilidad na malaki ang magiging epekto niyan sa kandidatura niya (VP Sara) sa 2028 presidential election, period!
XXX
SUPALPAL INABOT NI TRILLANES SA FAKE NEWS NIYA LABAN KAY EX-VP LENI -- Supalpal ang inabot ni former Sen. Antonio Trillanes sa statement niya na kung si former VP Leni Robredo raw ang nanalo sa pagka-presidente noong 2022 election ay hindi raw nito papayagan ang mga otoridad na hulihin at ikulong sa International Criminal Court (ICC) jail si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) dahil matalik daw na magkaibigan sina ex-VP Leni at VP Sara.
Fake news pala ang statement niyang ‘yan dahil matapos niyang sabihin iyan ay kumalat sa social media ang interbyu noon kay ex-VP Leni na kung siya ang mananalong presidente ay papayagan niyang hulihin para makulong sa ICC si FPRRD, boom!
XXX
PASAWAY NA SIDECAR DRIVER, IPINAHULI AT INIHARAP NI MAYOR ISKO SA PUBLIKO, KAILAN NAMAN KAYA GAGAWIN DIN ‘YAN NI YORME SA MGA MIYEMBRO NG ‘LOTTENG SYNDICATE’ SA MANILA? -- Nitong nakalipas na Aug. 5, 2025 ay nagpabida na naman si Mayor Isko Moreno nang ipahuli niya sa mga pulis at iharap sa publiko ang isang pasaway na sidecar driver na nag-trip nang ihambalang sa kalye ng Quezon-Herbosa, Tondo, Manila ang pinapasada niyang pedicab na nagdulot ng trapik sa lugar.
Okey ‘yan para magtino ang mga pasaway na pedicab driver, eh ang tanong: Kailan naman kaya ipapahuli, pakakasuhan at ihaharap ni Yorme Isko sa publiko ang mga miyembro ng "Lotteng Syndicate" sa Maynila na sina "Boy Abang," "Lorna," "Paknoy," "Dani Bukol," " Anna," " Prades," "Tonton," "Lando," "Tata Ber" at "Simbulan," abangan!




