top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 18, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


AYAW NG MAJORITY PINOY SA MGA NANINIRA KAYA KAPAG HINDI TUMIGIL ANG MGA LOYALISTA AT DILAWAN SA PANINIRA KINA VP SARA AT SEN. BONG GO, SURE WIN SILA SA 2028 PRESIDENTIAL & VP ELECTION -- Kung mga pro-Marcos and loyalists ang umaatake kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay mga “dilawan” supporter naman ang umaatake kay Sen. Bong Go.


Hindi rin maitatanggi na ang mga atake ng mga pro-Marcos supporter kay VP Sara, tulad ng pagkuwestiyon sa kanyang confidential funds na humantong para sampahan siya ng mga kasong impeachment, ay dahil lagi siyang top sa mga 2028 presidential survey, at sa parte naman ni Sen. Bong Go na dahil sa mga survey ay siya ang laging top sa mga 2028 vice presidential survey kaya binuhay ang mga lumang isyu sa kanya patungkol sa pagiging kontraktor ng kanyang ama at half-brother.


Sa totoo lang, ayaw ng majority Pinoy sa mga taong naninira ng kapwa, na ‘ika nga ay nakikisimpatiya pa ang mayoryang mamamayan sa mga taong sinisiraan.

Kaya kapag hindi tumigil ang mga pro-Marcos at “dilawan” supporters ng paninira kina VP Sara at Sen. Bong Go ay nasa kanila ang simpatiya ng mayoryang Pinoy, sure win na sila sa pagka-presidente at bise presidente sa 2028 elections, sigurado ‘yan!


XXX


KAY FPRRD, MALAPIT KA MAN SA KANYA PERO KAPAG NASANGKOT KA SA CORRUPTION SIBAK KA, AT DAHIL WALANG NAKIKITANG BAHID NG CORRUPTION KAY SEN. BONG GO KAYA ‘DI NIYA SINIBAK SA HALIP SINUPORTAHAN PA NANG KUMANDIDATONG SENADOR -- Sa uri ng pagkatao ni former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD), wala itong sinasanto sa paglaban sa corruption kahit mga taong malapit sa kanya ang tamaan.


Ihalimbawa natin si former National Irrigation Administration (NIA) Administrator Peter Lavina, na tulad ni Sen. Bong Go ay malapit kay FPRRD, na noong alkalde pa ng Davao City si Digong, si Lavina ang kanyang special assistant at si Bong Go naman ang executive assistant, at nang kumandidato sa siya (Digong) sa pagka-presidente, si Lavina ang presidential campaign spokesman at si Bong Go ang personal assistant.


Nang maging presidente si Digong, itinalaga niya si Bong Go na Special Assistant to the President (SAP) at si Lavina ang administrator ng NIA noong July 2016, at makalipas ang halos 8 buwan, “may umusok” na mayroong ginawang corruption si Lavina sa NIA kaya agad itong sinibak ng noo’y Pres. Duterte.


‘Ika nga, noon pa man ay walang nakikitang bahid ng corruption si Sen. Bong Go (SBG), fake news na kumukuha siya ng kontrata para sa kanyang ama at half-brother kaya hindi nito naranasan na masibak ‘di tulad ng nangyari kay Lavina, at sa halip nang kumandidato si SBG sa pagka-senador, sinuportahan pa siya ni FPRRD, period!


XXX


SA LAKI NG 2026 NATIONAL BUDGET, TIYAK MALAKI RIN UUTANGIN NG MARCOS ADMIN -- Ubod nang laki ang national budget next year na P6.793 trillion.

Sa laki n’yan ay asahan nang lalong lulubog sa utang ang ‘Pinas dahil tiyak na malaki rin ang uutangin ng Marcos administration para mabuo ang 2026 national budget, boom!


XXX


SURVEY NG SWS NA BUMABA ANG BILANG NG MGA PAMILYANG NAGUGUTOM, ‘DI RAMDAM NG MGA MARALITANG PINOY -- Mula sa 20% ay bumaba raw sa 16.1% ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na nakakaranas ng gutom.


Sa totoo lang, hindi ramdam ng mga mahihirap ang survey na iyan ng SWS kasi sa panahon ng Marcos admin, maraming maralita pa rin ang nakakaranas ng gutom, period


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 17, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


GSIS, LUGI NG P1B SA IN-INVEST SA ONLINE GAMBLING, PERA NG GSIS MEMBERS ‘YAN PERO SI PBBM WALA PANG AKSYON, 'NGANGA' LANG! -- Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro na wala pa raw maitutugon ang Malacanang sa ibinulgar ni Sen. Risa Hontiveros na nalugi raw ang P1 billion investment ng Government Service Insurance System (GSIS) sa online gambling ng DigiPlus Interactive Corporation.


Pambihira naman, ambag ng mga government workers sa GSIS ang ipinangsugal at natalo sa online gambling na iyan, tapos “nganga” lang ang Malacanang dahil wala pa palang aksyon dito si Pres. Bongbong Marcos (PBBM).


Kung may malasakit si PBBM sa perang iniaambag ng mga gov’t. worker sa GSIS, dapat agad-agad o “forthwith,” sinibak na ng presidente ang mga top GSIS official na nagsabwatan para i-invest sa online gambling ang P1B pera ng mga GSIS members, period!


XXX


SP ESCUDERO TILA TUTULUYAN NG COMELEC SA PAGLABAG SA OMNIBUS ELECTION CODE DAHIL SA PAGTANGGAP NG CAMPAIGN FUND SA KONTRAKTOR -- Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, noong 2022 election ang pagtanggap ni Senate Pres. Chiz Escudero ng P30 million campaign fund mula sa kontraktor na si Lawrence Lubiano, may-ari ng Centerways Construction and Development Inc., at dahil pasok pa ito sa 5 years prescription period ng Comelec Omnibus Code ay tiniyak niya sa publiko na aaksyunan nila ito.


Hala, lagot si SP Escudero, dahil sa tema ng statement ni Comelec Chairman Garcia ay tila tutuluyan siyang sampahan ng kaso, abangan!


XXX


DRUG TEST SA LAHAT NG TAGA-SENADO IMINUNGKAHI NI SEN. SOTTO KAYA SINUMANG TATANGGI MALAMANG SUGAPA SA DROGA -- Matapos maglabas ng report ang Senate Sergeant-at-Arms na may gumamit umano ng marijuana sa comfort room ng Senado na ang tinutukoy ay si former actress Nadia Montenegro na staff ni Sen. Robin Padilla, ay nais ni Sen. Tito Sotto na magpa-drug test ang lahat ng senador, mga staff ng mga senador at mga kawani ng Senado.


Okey ang mungkahing iyan ni Sen. Sotto, at kung sinuman na tatangging magpa-drug test ay malamang sugapa iyan sa droga, boom!


XXX


SANA ALL NG MGA POLITICIAN NA MAY GHOST EMPLOYEES, MAKULONG NG MORE THAN 100 YEARS SA BILANGGUAN -- Hinatulan ng Sandiganbayan ng 128-taong pagkakabilanggo si former Quezon City Councilor Dante De Guzman matapos mapatunayan ng korte na ang sangkatutak na pangalang itinala niya na mga empleyado raw sa kanyang tanggapan noong year 2009 ay mga “ghost employees”, dahil hindi pala nagtatrabaho ang mga ito sa city hall, at ang suweldo ng mga ito (ghost employees) ay sa bulsa ng dating konsehal napupunta.


Sa totoo lang, napakaraming "ghost employees" ang mga pulitiko, at sana all ng mga politician na may pinasusuweldong "ghost employees" ay makasuhan din ng multiple graft cases at multiple malversation of public funds para mahatulan din ng korte ng more than 100 years na pagkabilanggo, period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 16, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


COMELEC DAPAT UMAKSYON NA 'FORTHWITH' O AGAD-AGAD KASUHAN NA SI SP ESCUDERO AT FRIEND NIYANG KONTRAKTOR SA PAGLABAG SA OMNIBUS ELECTION CODE -- Sa Omnibus Election Code ng Batas Pambansa 881 ay mahigpit na ipinagbabawal sa mga kandidato na tumanggap ng financial contribution sa mga kontraktor na may construction contract sa gobyerno at ang sinumang lalabag sa batas na ito ay may parusang 1 hanggang 6 na taong pagkabilanggo.


At dahil may ebidensya, base sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Senate President Chiz Escudero sa Comelec na P30 million campaign fund ang tinanggap niya kay Lawrence R. Lubiano, may-ari ng Centerways Construction and Development Inc. noong kumandidato siya uli sa pagka-senador noong 2022 election, ay dapat “forthwith” o agad-agad sampahan na ni Comelec Chairman George Garcia ng kaso ang senador (SP Escudero) at ang kontratistang si Mr. Lubiano, dali!


XXX


KAPAG HINDI KINASUHAN NG COMELEC SI SP ESCUDERO AT KAIBIGANG KONTRAKTOR, ASAHAN NANG SA 2028 ELECTION SANGKATUTAK NA KONTRATISTA MAGBIBIGAY NG PONDO SA MGA WINNABLE CANDIDATES -- Kapag hindi sinampahan ni Chairman Garcia ng kaso sina SP Escudero at Mr. Lubiano ay asahan nang sa 2028 election ay sangkatutak na kontraktor ang pipila sa mga mansyon ng winnable candidates sa pagka-senador at kongresista para magbigay ng campaign funds.


At kapag nangyari iyan, asahan na rin ng mamamayan na wala nang magiging solusyon ang baha sa ‘Pinas dahil ang budget sa flood control projects ay pagpipiyestahan nang ‘kurakutin’ ng mga bad na kontraktor at mga pork barrel senators and congressmen, boom!


XXX


GASTOS NG DEPED AT DPWH PER CLASSROOM P2.5M-P3.5M AT 3 YEARS BAGO MATAPOS, PERO ANG GASTOS NG ANGAT BUHAY FOUNDATION PER CLASSROOM P800K LANG, 3-4 MONTHS TAPOS! -- Sa Senate hearing patungkol sa kakulangan ng mga classroom sa mga public school ay natuklasan ni Sen. Bam Aquino, chairman ng Senate Committee on Basic Education, at dito ay nadiskubre na kapag ang Dept. of Education (DepEd) at Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ang nagpagawa silid-aralan, ang gastos per classroom ay pumapalo ng P2.5 million hanggang P3.5 million, at inaabot ng halos 3 taon bago matapos ang isang silid-aralan.


Ang gastos at timetable ng DepEd at DPWH sa pagpapagawa ng isang classroom ay ikinumpara ni Sen. Aquino sa proyektong classroom ng Angat Buhay Foundation ni former Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo, na ang gastos sa kada isang classroom ay higit P800K lang at 3 months to 4 months tapos na itong gawin.

Lupit din naman ng mga "buwaya" sa DepEd at DPWH, pati pagpapagawa ng classroom ng mga batang mag-aaral, ini-scam pa, mga buset!


XXX


KAPAG NAGING PRESIDENTE NA ANG ANAK NI DIGONG, MGA KUMALABAN SA PAMILYA DUTERTE LAGOT! -- Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro na hindi raw apektado ang Malacanang o ang Marcos administration sa pangunguna ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa 2028 presidential survey.


Sa ngayon hindi pa sila apektado kasi si PBBM pa ang Pangulo, pero kapag naging presidente na si VP Sara sa 2028, sigurado na ‘yung mga nasa Marcos admin na kumalaban sa pamilya Duterte maapektuhan, lagot sila sa resbak ng anak ni Digong, abangan!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page