top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 7, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


LALONG IDINIIN NI ENGR. CALALO ANG SARILI SA KASO NANG AMINING MULA SA MGA KONTRAKTOR ANG PERA NA IBIBIGAY SANA NIYA KAY CONG. LEVISTE -- Sablay ang palusot ni Dept. of Public Works and Highways (DPWH)-Batangas District 1 Engr. Abelardo Calalo na hindi raw maituturing na entrapment operation ang pagkakahuli sa kanya ng mga otoridad dahil hindi raw suhol ang higit P3 million ibibigay sana niya kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste para pagtakpan ang mga flood control project scam sa unang distrito ng lalawigan, kundi para raw panggastos sa mga programa ng young lawmaker sa kanyang distrito, na kesyo kaya lang daw siya ang nagdala ng pera ay dahil sa pakiusap ni Uswag Partylist Rep. Jojo Ang na kolektahan niya ng kuwarta ang mga kontraktor at ang koleksyon ay dalhin at ibigay kay Cong. Leviste.


Sa totoo lang, mas lalong ipinahamak ni Engr. Calalo ang kanyang sarili sa isyung ito dahil siya na ang umamin na nanghingi raw siya ng pera sa mga kontraktor na malinaw na labag ito sa batas, kasi nga siya ang head ng DPWH-Batangas District 1 na nagbibigay ng mga proyekto sa mga construction firm sa kanyang jurisdiction tapos manghihingi siya ng kuwarta sa mga kontratista. Kaya asahan na niya na sa pagdinig sa isinampang kaso sa kanya ni Cong. Leviste ay guilty ang magiging hatol sa kanya ng hukuman, masaswak siya sa kulungan, period!


XXX


SP ESCUDERO, HINDI TATANTANAN NI TITO SEN. SA SINGIT NA P142B PORK BARREL SA 2025 NATIONAL BUDGET -- Sinabi ni Sen. Tito Sotto na noong siya raw ang Senate president noong 18th Congress ay wala raw mambabatas na nakapagpalusot o nakasingit na pork barrel sa national budget.


Tila hindi tatantanan ni Tito Sen. sa isyu ng insertion si SP Escudero dahil ang pinasasaringan niya sa statement niyang ito ay ang incumbent Senate president, kasi nga silang dalawa ni Sen. Ping Lacson ang nagbulgar sa publiko na higit P142 billion ang isiningit nitong (SP Escudero) pork barrel sa 2025 national budget, boom!


XXX


DAPAT SI SEC. DAVE GOMEZ ANG MASIBAK HINDI ANG TV HOST MIKE ABE NA NAGBULGAR NG KATIWALIAN SA PCO -- Matapos ibulgar ni PTV 4 program host Mike Abe ang mga katiwalian daw sa Presidential Communications Office (PCO) ay “forthwith” o agad-agad siyang sinibak ni PCO Sec. Dave Gomez.


Dahil sa ginawang ito ni Sec. Gomez, dapat sibakin siya ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), kasi dapat ang nagbubulgar ng katiwalian sa isang ahensya ng pamahalaan ay pinuproteksyunan, at hindi sinisibak, period!


XXX


GUNI-GUNI LANG NG SWS ANG SURVEY NITO NA 35% MAMAMAYANG PINOY GUMANDA ANG PAMUMUHAY SA PANAHON NG MARCOS ADMIN -- Napakaimposible ang isinapublikong survey ng Social Weather Stations (SWS) na kesyo 35% daw ng mamamayang Pilipino ang gumanda ang pamumuhay sa ilalim ng Marcos administration.


Ang dami kasing nagiging biktima ng baha dahil sa flood control projects scam, tapos para sa SWS gumanda raw ang pamumuhay ng 35% mamamayang Pinoy.


Kung nasabi ni PBBM na “guni-guni” lang ang mga natuklasang ghost project ng mga ‘walanghiyang’ kontraktor, eh maituturing na “guni-guni” rin ang survey ng SWS na gumanda na ang pamumuhay ng 35% mamamayang Pinoy sa panahon ng Marcos admin, boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 6, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


2 KASONG NO BAIL, PLUNDER AT ECONOMIC SABOTAGE ANG KAKAHARAPIN NG MAG-ASAWANG DISCAYA KAPAG NAGKATAON -- Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee noong Sept. 1, 2025 patungkol sa flood control projects scam ay tinanong ni Sen. Jinggoy Estrada ang kontraktor na si Sarah Discaya kung kanino niya nabili ang kanyang mga luxury car, at nang sabihin ng kontratista na ang Frebel Enterprises and Auto Art ang kanyang supplier sa kanilang car collections ay diretsahang sinabi ni Sen. Tito Sotto na pulos smuggled daw ang mga mamahaling sasakyan ng pamilya Discaya, dahil ayon umano sa report ng Bureau of Customs itong Frebel ay makailang ulit nang nasangkot sa pagpupuslit ng mga imported luxury car sa bansa.


Kapag nagkataon ay dalawang kasong habambuhay na pagkabilanggo ang sasapitin ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, ang isa ay ang kasong plunder na no bail, swak sila riyan dahil halos lahat ng flood control projects at iba pang proyektong kanilang nakuha sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ay ‘winalanghiya’ nila, bukod sa substandard, ang iba ay iniwang nakatiwangwang; at ang pangalawa ay economic sabotage (smuggling) na no bail din, period!


XXX


SENADOR O KONGRESISTANG NAGSINGIT SA BICAM COMMITTEE NG ‘GHOST’ PROJECT SA BULACAN, DAPAT MAHUBARAN NG MASKARA -- Ibinulgar ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, chairperson ng House Public Accounts Committee na ang natuklasan ni DPWH Sec. Vince Dizon na P96 million ‘ghost’ project ng Wawao Builders Corporation sa Plaridel, Bulacan ay isiningit sa bicameral budget conference committee.


Sa bubuuin ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na independent commission na mag-iimbestiga sa mga flood control project scam, dapat ipatawag at imbestigahan ang lahat ng mga senador at kongresistang miyembro ng bicam committee para mahubaran ng maskara kung sinong sen. at cong. ang nagsingit ng P96M flood control project sa Plaridel, Bulacan na natuklasan na ‘ghost’ project pala, boom!


XXX


KUNG GINAWA NG COA ANG KANILANG MANDATO ‘DI SANA NAGING TALAMAK ANG CORRUPTION SA DPWH, MAAYOS SANA ANG PROYEKTO NG MGA KONTRAKTOR, KAYA DAPAT PAGBITIWIN NA RIN NI PBBM SI COA CHAIRMAN CORDOBA -- Kung ginawa lang ng Commission on Audit (COA) ang mandato nila, hindi magiging talamak ang corruption sa DPWH at walang kontraktor na mangangahas gumawa ng mga substandard at ‘ghost’ projects.


Sa natuklasan ngayon na sangkatutak na substandard, mga proyektong iniwang nakatengga at may mga ‘ghost’ project pa, lumalabas na sangkaterba rin ang mga ‘kuraktor’ na auditors sa COA, at lumalabas na kasabwat sila ng mga ‘kurakot’ sa DPWH.

Sibak na, wala na sa DPWH si Engr. Manuel pinag-resign na siya ni PBBM, ang pumalit sa kanya ay si economist Vince Dizon na agad pinag-courtesy resignation lahat ng opisyal ng ahensya.


Ang nais nating ipunto rito, dapat pagbitiwin na rin ni PBBM sa puwesto si COA Chairman Gamaliel Cordoba at palitan ng taong mag-uutos din sa mga opisyal ng COA na magsumite ng courtesy resignation, period!


XXX


ABOGADO SI SP ESCUDERO, HINDI NIYA ALAM BAWAL TUMANGGAP NG CAMPAIGN FUND SA KONTRAKTOR? -- Matapos aminin sa Kamara ng kontraktor ng flood control project na si Lawrence Lubiano, may-ari ng Centerways Construction and Development Corporation na nagbigay siya ng P30M campaign fund sa kaibigan niyang si Senate Pres. Chiz Escudero noong 2022 election, ang tugon dito ng Senate president ay hindi naman daw niya ito tinulungang makakuha ng mga proyekto sa gobyerno.


Ang isyu ay tungkol sa pagtanggap niya ng P30M na campaign fund sa kontraktor at wala namang nagtatanong kay SP Escudero kung tinulungan niyang makakuha ng kontrata si Lubiano sa gobyerno.


Ang gusto lang malaman ng publiko, SP Escudero ay bilang isa kang abogado, hindi mo ba alam na labag sa Omnibus Election Code ang pagtanggap ng kandidato sa kontraktor na may kontrata sa gobyerno? Sagot!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 5, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAGKAIBIGANG SP CHIZ AT CONTRACTOR LUBIANO WALANG LUSOT SA PAGLABAG SA OMNIBUS ELECTION CODE -- Binutata ni Comelec Chairman George Garcia ang palusot ng kontraktor na si Lawrence Lubiano, may-ari ng Centerways Construction and Development Corp. na sariling pera raw niya at hindi pera ng kanyang construction firm ang P30 million campaign fund na ibinigay sa kaibigan niyang si Senate President Chiz Escudero na kandidato noong 2022 election sa pagka-senador.


Sabi ni Chairman Garcia, basta kontraktor na may kontrata sa gobyerno, galing man sa sarili niyang bulsa ang kanyang ibinigay sa kandidato ay labag sa batas sa ilalim ng Comelec Omnibus Election Code.

Kumbaga, parang sinabi na rin ni Chairman Garcia na walang lusot sa kaso ang magkaibigang SP Chiz at contractor Lubiano, boom!


XXX


SABIT SA FLOOD CONTROL SCAM, KAYA KUNG MAY DELICADEZA SI CONG. CO, RESIGN NA SIYA SA KAMARA -- Inilagay ni Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co sa kahihiyan ang mga Bikolano dahil ginamit niya ang “Bicol” sa itinatag niyang partylist para lang makakuha ng sangkatutak na kontrata, kabilang ang flood control project sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH).


At ngayong nasasabit sa flood control project scam ang construction firm ng pamilya ni Cong. Elizaldy Co, itong Sunwest Construction and Development Corporation, pati ang construction firm na Hi-Tone Construction and Development Corporation na pag-aari ng kanyang kapatid na si Christopher Co, kung may delicadeza pang natitira sa sarili ay dapat mag-resign na siya bilang partylist representative sa Kamara, period!


XXX


MAG-ASAWANG DISCAYA, KUNG SABIT SA SMUGGLING DAPAT KASUHAN NG NO BAIL NA ECONOMIC SABOTAGE -- Sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na ang 8 sa 12 luxury cars ng pamilya Discaya na kanilang kinumpiska ay walang entry records sa Bureau of Customs (BOC).


Kung ganu’n, baka mga smuggled luxury car ang mga iyan, at dahil diyan ay dapat “forthwith” o agad-agad sampahan ng Customs ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ng kasong no bail na economic sabotage, dali!


XXX


VIDEO KARERA AT SAKLAAN NA PINAMUMUGARAN DAW NG MGA ADIK BALIK-OPERASYON SA PARAÑAQUE CITY -- Noong panahon ng Duterte administration, sa war on drugs ni dating Pres. Rodrigo Roa Duterte ay kabilang ang magdamagang puwesto ng mga video karera at saklaan na pinamumugaran daw ng mga adik sa shabu ang sinasalakay ng mga otoridad, at dahil dito ay itinigil ng mga video karera at sakla operators ang kanilang operasyon.


Ulitin natin, sa panahon ng Duterte admin na-stop ang operasyon ng mga video karera at sakla, pero ngayong Marcos admin, nagbabalikan na ang mga ganitong uri ng raket, walang tulugan na naman ang adik sa pagtaya sa video karera ni alyas "Vic" at pagtaya sa saklaan ni alyas "Jun Ginto" sa Parañaque City.


Dapat umaksyon agad sina Mayor Edwin Olivarez, city chief of police, Col. Nicolas Pinon at Southern Police District (SPD) B/Gen. Randy Arceo laban sa mga mangraraket na sina “Vic” at "Jun Ginto" kasi kung dededmahin lang nila ito, malamang pamugaran uli ng mga adik sa shabu ang mga puwesto ng mga video karera at saklaan sa Parañaque City, period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page