top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 19, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG ‘DI NAG-‘AMEND’ SI SEN. ESCUDERO NG P142.7B AT ‘DI RIN NAG-‘INSERT’ SI CONG. ZALDY CO NG P13.8B SA NATIONAL BUDGET SAFE SANA SILA SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Todo-depensa si former Senate President Chiz Escudero sa ibinulgar ni Antipolo City 1st District Rep. Ronnie Puno na siya (Escudero) at si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, former House chairperson on Appropriations ang mga pasimuno ng pork barrel insertions sa 2025 Dept. of Public Works and Highways (DPWH) budget, na kalaunan na ang mga isiningit umano na "pork" na ito ay ini-award ng kagawaran (DPWH) sa mga sindikatong kontratista na sangkot sa mga flood control project scam.


Depensa ni Escudero, nais lang daw ni Cong. Puno na linisin ang pangalan ni former Speaker Martin Romualdez sa flood control projects scam kung kaya’t isinasangkot siya sa pork barrel insertions at inilalaglag si Cong. Zaldy Co.


Una nang ibinulgar nina Senate President Tito Sotto at Sen. Ping Lacson na may isiningit si Sen. Chiz na P142.7 billion sa 2025 national budget, na ang naging depensa niya (Escudero) rito ay “amendments” lang umano ang ginawa niya at hindi raw ito “insertion”, at sa parte naman ni Cong. Co, garapalan itong ‘nagsingit’ ng P13.8B pork barrel para pang-flood control projects sa mga construction firm na pag-aari ng kanyang pamilya.


Kung hindi sana “nag-amend” si Sen. Chiz ng P142.7B at hindi rin nag-insert si Cong. Co ng P13.8B sa 2025 national budget, ay safe sana sila, hindi nakakaladkad ang kanilang pangalan sa flood control projects scam, at wala sanang naibabatong alegasyon sa kanila si Cong. Ronnie Puno, period!


XXX


KAPAG HINDI NA BUMALIK SI CONG. ZALDY CO, SAMPAHAN NA SIYA NG KASO PARA BITBITIN NG INTERPOL PABALIK NG BANSA -- Pinayuhan ni presidential son, House Majority Leader, Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos si Cong. Zaldy Co na bumalik na sa Pilipinas para sagutin ang alegasyon ng corruption sa kanya na may kaugnayan sa P13.8B pork barrel insertions at flood control project scam.


Kaya kapag hindi na umuwi sa ‘Pinas si Cong. Zaldy Co ay nangangahulugan ito na sangkatutak na pera ng bayan ang kanyang nakulimbat kaya’t dapat sampahan na siya ng patong-patong na kaso para hulihin ng Interpol at bitbitin pabalik ng bansa, boom!


XXX


CURLEE DISCAYA LAGING NAGSISINUNGALING SA SENATE HEARING AT HOUSE HEARING -- Sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee ay nagsinungaling na naman ang kontraktor na si Curlee Discaya nang sabihin niya na kaya raw hindi nakadalo sa Senate hearing ang misis niyang si Sarah Discaya ay dahil may sakit daw ito, pero nang basahin ni Sen. Ping Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ang liham sa kanya ni Mrs. Discaya na kaya raw siya hindi makakadalo sa Senate investigation ay dahil may meeting daw siya sa mga empleyado ng kanilang kumpanya.


Mapa-Senate hearing, mapa-House hearing, ipinakikita talaga ni Curlee sa publiko na nuknukan siya ng sinungaling, na ayon nga kina Sen. Kiko Pangilinan at Pasig City Mayor Vico Sotto na hindi talaga puwedeng maging state witness ang, “sinungaling, kapatid ng magnanakaw” at ang “sinungaling, asawa ng magnanakaw,” boom!


XXX


TAMA ANG DESISYON NG SC NA I-MARATHON HEARING ANG KASO SA MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM PARA MAKULONG AGAD SILA -- Tiniyak ng Supreme Court (SC) na magpapairal ang korte ng fast-track o marathon hearing sa mga kasong isasampa sa mga sangkot sa flood control project scam.


Dapat lang, para forthwith o agad-agad makulong ang mga nagsabwatan sa pang-scam sa kaban ng bayan at mabawi ng pamahalaan ang lahat ng pera ng bayan na kinulimbat ng mga sinasabing sindikatong kontraktor, DPWH officials at mga proponent na mga pork barrel politicians, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 18, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez



TATALUPAN PA RIN NG ICI SI ROMUALDEZ SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM KAHIT NAG-RESIGN NA BILANG HOUSE SPEAKER -- Matapos sabihin ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na walang sasantuhin ang binuo niyang Independent Commission for Infrastructure (ICI), na kahit ang pinsan niyang House Speaker na si Leyte Rep. Martin Romualdez ay tatamaan ng imbestigasyon, naobliga ito na mag-resign bilang lider ng Kamara.


Kasunod n’yan ay sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro na kahit nagbitiw na si Cong. Romualdez bilang House Speaker ay tuloy pa rin daw ang gagawing imbestigasyon sa kanya (Cong. Martin) ng ICI patungkol sa flood control projects scam.


Kumbaga, parang sinabi na rin ni PCO Usec. Castro na walang kawala sa imbestigasyon, na tatalupan talaga ng ICI si Cong. Romualdez para malaman kung saan nagmula ang sangkatutak na kuwarta umanong nadagdag sa kayamanan ng dating House Speaker, boom!


XXX


DAHIL HINDI SIYA (CONG. KIKO BARZAGA) NAGING HOUSE SPEAKER, ASAHAN NA NI HS BOJIE DY NA TITIRYAHIN SIYA NI CONG. KIKO SA SOCIAL MEDIA -- Noong hindi pa nagri-resign si Cong. Romualdez bilang House Speaker, sunud-sunod ang atake sa social media ang ginagawa laban sa kanya ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga, hanggang dumating sa punto na nag-iikot sa mga tanggapan ng mga kapwa niya kongresista si Cong. Kiko para kunin ang kanilang suporta dahil gusto raw niyang maging House Speaker, at kahit nga si presidential son, House Majority Leader Sandro Marcos ay pinuntahan niya para kunin ang suporta para patalsikin ang noo’y Speaker Martin Romualdez upang siya (Cong. Kiko) na ang maging lider ng Kamara.


Ito na ang siste, nang mag-resign si Cong. Martin, ang pumalit sa kanya na bagong House Speaker ay si House Deputy Speaker, Isabela Rep. Faustino "Bojie" Dy.

Dahil tuluyan nang naglaho ang pangarap ni Cong. Kiko na maging HS, asahan na ni newly elected House Speaker Bojie Dy na siya naman ang titiryahin nito sa social media, abangan!


XXX


FORMER SPEAKERS ALVAREZ, ARROYO, CAYETANO AT VELASCO, MALAMANG TATAMAAN DIN SA FLOOD CONTROL PROBE NG ICI -- Ang kabuuang halaga na ‘na-scam’ ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya mula year 2016 hanggang 2022 sa kaban ng bayan patungkol sa mga nakuha nilang flood control project sa DPWH ay higit P75 billion. 


At dahil ang utos ni PBBM sa ICI ay mula year 2015 hanggang 2025 ang imbestigahan, asahan na ng apat na naging House Speaker sa panahon ng Duterte administration, na sina formers HS Pantaleon Alvarez (July 25, 2016-July 23, 2018), Gloria Macapagal-Arroyo (July 23, 2018-June 30, 2019), Alan Cayetano (July 22, 2019-October 13, 2020) at Lord Allan Velasco (October 13, 2020-June 30, 2022) na tatamaan din sila sa imbestigasyon sa flood control projects, boom!


XXX


SA LAKI NG BUDGET NA P51B, TIYAK HAHANAPIN NG ICI SA DISTRITO NI CONG. PULONG SA DAVAO CITY KUNG NASAAN DITO ANG MGA FLOOD CONTROL PROJECT -- Matapos kuwestiyunin ni Sen. Ping Lacson sa plenaryo ng Senado noong August 27, 2015 ang P51B flood control project sa isang distrito, na bagama’t wala siyang pinangalanang lugar, ay tumutukoy ito sa ikinakalat sa social media ng mga Marcos loyalist vloggers na sa 1st District ito ng Davao City, na ang congressman dito ay si Rep. Paolo Duterte.


At sa pagdinig ng House Infra Committee noong September 10, 2025, ay ginisa nang todo nina Ako Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon at Manila 3rd District Rep. Joel Chua si DPWH Usec. Maria Catalina Cabral tungkol sa P51B na iniuugnay kay Cong. Pulong, at sa huli ay umamin, kinumpirma na ito ng DPWH official na nagbagsak nga sila ng ganyang halaga (P51B) sa 1st District ng Davao City, at nangyari raw ito sa panahon ng Duterte admin, year 2020 ang unang release ng P13.745B flood control project, sumunod na release noong year 2021 na P25B flood control project at ikatlong release noong year 2022 na P10B flood control project pa rin.


Dahil d’yan ay asahan na ni Cong. Pulong na iimbestigahan ng ICI kung bakit ubod nang laki ang ibinabang halaga ng flood control project sa Davao City, pero binabaha pa rin ang lungsod.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 17, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MULA YEAR 2016 HANGGANG 2022, SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN, HIGIT P75B ‘NA-SCAM’ SA KABAN NG BAYAN NG MAG-ASAWANG DISCAYA -- Sa interview nina Korina Sanchez at Julius Babao sa mag-asawang Discaya ay tinanong sila kung kailan nag-“boom” ang mga negosyo nilang construction firm, at ang tugon ni Sarah Discaya ay nang makakuha raw sila ng mga kontrata sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH).


Sa Senate Blue Ribbon Committee hearing, tinanong ni Sen. Ronald Dela Rosa si Sarah Discaya kung kailan ito nakakuha ng flood control project sa DPWH, at ang sagot niya ay 2016 onwards. Sa hearing naman ng House Infra Committee, ipinakita ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang mga kontrata (flood control projects) nang nakuha ng mga Discaya sa kagawaran (DPWH) mula year 2016 hanggang 2022, noong year 2016 ay P99.25 million pa lang pero pagsapit ng year 2017 pumalo na ito sa P1.034 billion, pagdating ng year 2018 nakakalula sa laki, P12.05B, tumaas uli noong year 2019, naging P13.55B, pagpasok ng year 2020 kahit panahon ito ng pandemic ay nakadale pa rin ng P11.58B, pagsapit ng year 2021 ay ang laki ng binawi P16.07B, at sa pagtatapos ng termino ng noo’y Pres. Rodrigo Roa Duterte, talaga naman naka-P20.52B.


Sa kuwentada, ang ‘na-scam’ ng mag-asawang Discaya sa kaban ng bayan mula year 2016 hanggang year 2022, ang total nito ay higit P75B pera ng bayan ang nakulimbat nila sa panahon ng Duterte administration, boom!


XXX


KAPAG PINAGSAMA ANG ‘NA-SCAM’ NG MAG-ASAWANG DISCAYA SA KABAN NG BAYAN SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN AT MARCOS ADMIN, P106B ANG TOTAL, TAPOS GUSTO NI MARCOLETA ‘WAG NA BAWIIN, GAWIN NA LANG DAW STATE WITNESS SA MGA CONG. NA NANGKI-KICKBACK SA PROYEKTO -- Kapag pinagsama ang ‘na-scam’ ng mag-asawang Discaya sa kaban ng bayan na P75B sa panahon ng Duterte admin, at higit P31B na nakulimbat naman nila mula year 2023 hanggang 2025 o ngayong panahon ng Marcos admin, ang total ay P106B.


Ganyan kalaki, higit P106B ang ‘na-scam’ ng mag-asawang Discaya sa kaban ng bayan sa flood control projects sa panahon ng Duterte admin at Marcos admin, tapos ang gustong mangyari ni Sen. Rodante Marcoleta, huwag nang bawiin ang pera ng bayan na kinulimbat ng pamilya Discaya, na gawin na lang silang state witness laban sa mga kongresistang nanghihingi raw ng kickback sa mga proyekto, tsk!


XXX


‘TULISAN’ PALANG TALAGA SI CONG. ZALDY CO -- Ibinulgar ni Sec. Francisco Tiu ng Dept. of Agriculture (DA) na bukod sa may mga construction firm ay may tatlong fishing firms din si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at “binabraso” raw siya na bigyan ng maraming alokasyon sa pang-i-import ng isda ang kanyang mga fishing firm na ayon sa kalihim ay hindi niya pinagbigyan.


Aba’y ‘tulisan’ palang talaga itong si Zaldy Co, ‘nakapang-scam’ na ng mga flood control project, gusto ring ‘makapang-scam’ sa importasyon ng mga isda, pwe!


XXX


KAPAG NATANGGAL SA PAGKA-CONGRESSMAN SAKA LANG MAPAGTATANTO NI REP. KIKO BARZAGA NA SABLAY ANG PABIDA NIYA SA SOCIAL MEDIA -- Sasampahan ng National Unity Party (NUP) ng reklamo sa House Ethics Committee si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga dahil sa mga pabida niyang post sa social media na sinisiraan ang Malacanang, Kamara, Senado at mga miyembro ng gabinete ng Marcos administration.


Kapag napatunayang guilty, sibak si Cong. Kiko sa pagiging congressman, at diyan niya mapagtatantong sablay ang pabida niya sa social media, abangan!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page