top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 2, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SIGURO HINDI KUSANG NAG-RESIGN SI BONOAN, MALAMANG PINAG-RESIGN NI PBBM -- Nitong nakalipas na Sabado, August 30, 2025 ay nanindigan ang noo’y Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan na hindi siya magri-resign sa puwesto kahit nabulgar na ang sangkatutak na anomalya sa flood control projects, pero kamakalawa, kahit araw ng Linggo ay nagsumite siya ng resignation na tinanggap naman agad ni Pres. Bongbong Marcos.


Dahil diyan, lumalabas na hindi siya kusang nag-resign, at malamang pinag-resign siya ni PBBM, na ‘ika nga sa maikling salita, sinibak siya, boom!


XXX


NGAYONG SI VINCE DIZON NA ANG DPWH SEC., SANA MAISUMITE KAY PBBM LAHAT NG ‘GHOST’ PROJECTS PARA MAILAGAY SA ‘SUMBONG SA PANGULO’ WEBSITE UPANG MALAMAN NG PUBLIKO ANG MGA KONTRAKTOR NA NANG-SCAM SA KABAN NG BAYAN -- Si noo’y Dept. of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon ang itinalaga ni PBBM na bagong DPWH secretary kapalit ni Bonoan.


Maaaring isa sa dahilan kung kaya’t “forthwith” o agad-agad tinanggap ni PBBM ang resignation ni Bonoan sa DPWH ay dahil “inunggoy” siya nito, kasi nang hingin ng Presidente ang mga construction firm ng mga flood control project ay 15 kontratista lang ang isinumite niya kay PBBM, at hindi isinama ang mga kontraktor ng mga flood control ‘ghost’ projects.


At ngayong si Dizon na ang secretary ng DPWH, sana alamin niya agad ang lahat ng mga ‘ghost’ project na flood control at isumite ito sa Pangulo para mailagay sa “Sumbong sa Pangulo” website upang malaman ng publiko ang mga kontraktor na nang-scam sa kaban ng bayan, period!


XXX


SANA MAY SENADOR NA NAGTANONG KAY EX-DPWH OFFICIAL HENRY ALCANTARA KUNG ANG SARILI NILANG PERA O KICKBACK SA PROYEKTO ANG IPINANGSUSUGAL SA CASINO -- Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay napaamin si former DPWH-Bulacan 1st District Engr. Henry Alcantara na nagsusugal siya at ang iba pang DPWH officials sa casino.


Sana may senador na nagtanong kay Alcantara, kung ang pera bang isinusugal nila sa casino ay sariling pera nila o kickback nila sa flood control projects ng mga kontraktor.

Tutal may next Senate hearing pa, itanong sana iyan ng mga senador kay Alcantara, abangan!


XXX


LAHAT NG SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM, DAPAT MAKULONG -- Nang mabulgar ang pork barrel scam ni Janet Napoles noong July 12, 2013 ay agad bumuo ng fact-finding commission ang noo’y Pres. Noynoy Aquino (P-Noy) at sa imbestigasyon ay lumutang ang mga pangalan ng mga senador, kongresista at government officials na kasabwat ni Napoles sa pang-i-scam sa pera ng bayan at makalipas lang ang halos isang taon, lahat ng sangkot ay nakasuhan at nakulong.


Kung totoong nilalabanan ni PBBM ang corruption sa gobyerno, dapat tularan niya ang naging aksyon ni PNoy, na sa loob ng isang taon dapat lahat ng sangkot sa flood control projects scam, makulong, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 1, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


CONSTRUCTION FIRMS NG AMA AT HALF-BROTHER NI SEN. BONG GO, WALA SA TOP 15 CONTRACTORS NA IBINULGAR NI PBBM NA NAKAKOPO NG SANGKATUTAK NA FLOOD CONTROL PROJECTS, KAYA ATAKE SA SENADOR PANINIRA LANG DAHIL FRONTRUNNER SA PAGKA-VP SA 2028 ELECTIONS -- Sa ibinulgar ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na top 15 contractors na nakakopo sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ng sangkatutak na flood control project ay wala rito ang mga construction firm na CLTG Builders na pag-aari ng ama ni Sen. Bong Go at Alfrego Builders and Supply na pag-aari naman ng half-brother ng senador.


Ibig sabihin niyan ay hindi kasama sa iniimbestigahan ng pamahalaan ang mga construction firm ng ama at half-brother ni Sen. Bong Go, na talagang pinupulitika lang ang senador sa isyu ng flood control projects dahil nga sa mga survey na naglalabasan, siya ang frontrunner o pinakamalakas na kandidato sa pagka-vice president sa 2028 elections, period!


XXX


SEC. BONOAN, SA DAMI NG NABULGAR NA KATIWALIAN SA DPWH, DAPAT LANG TALAGA NA NAG-RESIGN SIYA -- Tinanggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang resignation ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, halos araw-araw kasi ay pinuputakti siya ng pamba-bash ng netizens sa social media tungkol sa mga nabulgar na anomalya sa flood control projects ng top 15 contractors ng DPWH.


Meron din palang delicadeza si Sec. Bonoan sa kanyang sarili dahil nga may tauhan siya, si DPWH 1st District Engr. Abelardo Calalo na nahuli sa entrapment operation ng mga otoridad habang nagbibigay ng suhol kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste, may tauhan din siya, si DPWH-Bulacan 1st District Engr. Henry Alcantara na isinangkot ni Sen. Ping Lacson sa mga ‘ghost’ project at substandard na mga flood control project sa unang distrito ng Bulacan, may tauhan siya, si DPWH-Region 4-B Director Engr. Gerald Pacanan na sangkot sa mga iregularidad na proyekto sa Mindoro -- Occidental at Oriental, Marinduque, Romblon at Palawan (Mimaropa). Dahil diyan tama lang na nag-resign siya at hindi kapit-tuko sa puwesto, boom!


XXX


DAHIL REJECT NA ANG REGISTRATION NG DUTERTE YOUTH KAYA DAPAT HILINGIN NG COMELEC SA KORTE NA IPASAULI SA KABAN NG BAYAN MGA SINUWELDO SA KAMARA NG MISIS AT HIPAG NI CARDEMA -- Sa botong 5-1-1 ng Comelec en banc ay tuluyan nang ibinasura ng komisyon ang registration ng Duterte Youth Partylist dahil sa maraming paglabag sa Comelec Code, at dahil sa desisyon na iyan ay wala nang mauupong representante sa Kamara ang partylist na ito.


Dapat ang next na gawin ng Comelec ay hilingin sa korte na atasan ang misis at hipag ni Duterte Youth Chairman Ronald Cardema na ibalik sa kaban ng bayan ang tinanggap nilang suweldo bilang mga naging representante ng kanilang partylist noong 18th Congress at 19th Congress dahil mismong komisyon na ang nagdesisyon na sa simula pa lang ay labag na pala ang pagiging partylist nito, period!


XXX


MARAMING KURAKOT KAYA MARAMING MAHIRAP SA ‘PINAS -- Sa survey ng Social Weather Station (SWS) na isinapubliko nitong nakalipas na August 3, 2025 ay 49% o halos kalahati ng pamilyang Pinoy ang nakakaranas ng hirap sa Pilipinas.


Ang dahilan kaya maraming Pinoy ang nakakaranas ng hirap sa ‘Pinas, dahil marami rin ang mga kurakot sa pamahalaan, tsk!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 31, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


IKINAGULAT NI PBBM ANG NATUKLASANG ‘GHOST’ PROJECTS AT NI BONOAN NA NALUSUTAN ANG DPWH, AT NAGULAT DIN ANG PUBLIKO, PERO ‘DI PA SINISIBAK NG PRESIDENTE ANG DPWH SEC. -- Ikinagulat ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na ang construction firm na SYMS Construction na pag-aari ni Sally Nicolas Santos, sangkot sa natuklasan niyang “ghost” project na flood control sa Baliwag City, Bulacan noong Aug. 21, 2025 ay wala sa isinumite sa kanya ni  Sec. Manuel Bonoan ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na top 15 contractor ng mga flood control project sa bansa, at pagkaraan niyan ay sinabi naman ni Sec. Bonoan sa interbyu ng mga mamamahayag sa kanya noong Aug. 25, 2025 na ikinagulat daw niya na nalusutan ng mga “ghost” project ang pinamumunuan niyang DPWH.


Habang ikinagulat din ng mga mamamayan na sa dami ng mga “ghost” project sa DPWH eh, hanggang ngayon hindi pa rin sinisibak ni PBBM si Sec. Bonoan, boom!


XXX


BAKIT HINDI ISINAMA NI SEC. BONOAN SA ISINUMITE KAY PBBM ANG MGA KONTRAKTOR NG MGA “GHOST” PROJECT? -- Malinaw ang sinabi ni PBBM, na sa top 15 contractor ng mga flood control project sa bansa na isinumite sa kanya ni Sec. Bonoan ay wala rito ang SYMS Construction na pag-aari ni Sally Nicolas Santos, ang kontratistang nasa likod ng “ghost” project sa Baliwag City.


Eh ang tanong: Bakit hindi isinama ni Sec. Bonoan sa isinumite kay PBBM ang mga kontraktor na sangkot sa mga “ghost” project na flood control?


Dapat ibigay ni Sec. Bonoan kay PBBM ang listahan ng mga “ghost” project contractor para mahubaran ng maskara ang mga ‘walanghiyang’ iyan na nang-scam sa pera ng bayan, at kung hindi niya ito gagawin, iisipin talaga ng publiko na sangkot din siya sa mga flood control project scam, period! 


XXX


BAKA KALAHATI NG NA-SCAM SA KABAN NG BAYAN NASA BANK ACCOUNTS NG MGA ANAK NG MGA ‘KURAKOT’ NA POLITICIAN, GOV’T OFFICIALS AT KONTRAKTOR, KAYA’T DAPAT ISAMA SILA (MGA ANAK) NA ISAILALIM SA LIFESTYLE CHECK -- Matapos kumalat sa social media ang mararangyang pamumuhay ng mga anak ng politician, gov’t. officials at mga kontraktor, iminungkahi ni former Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na isama ang mga ito (mga anak) sa isasagawang lifestyle check ng pamahalaan.


Aba’y dapat lang baka kasi ang kalahati ng mga in-scam sa kaban ng bayan ng mga ‘kurakot’ na politicians, gov’t. officials at mga kontraktor ay inilagay nila sa mga bank accounts ng kanilang mga anak, boom!


XXX


RAMDAM NA YATA NG DOJ, MALAPIT NANG MAGLABAS NG WARRANT OF ARREST ANG KORTE KAYA ISINAILALIM NA SA IMMIGRATION LOOKOUT BULLETIN SINA ATONG ANG, GRETCHEN BARRETTO AT IBA PANG SANGKOT SA MISSING SABUNGEROS -- Isinailalim na ng Bureau of Immigration (BI) sa lookout bulletin sina gambling tycoon Atong Ang, former actress Gretchen Barretto at iba pang nasasangkot sa pagpatay sa missing sabungeros.


Ang BI lookout bulletin sa kanila ay indikasyon na ramdam na ng Dept. of Justice (DOJ) na malapit nang maglabas ng warrant of arrest ang korte laban sa kanila, abangan!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page