top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 5, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAGKAIBIGANG SP CHIZ AT CONTRACTOR LUBIANO WALANG LUSOT SA PAGLABAG SA OMNIBUS ELECTION CODE -- Binutata ni Comelec Chairman George Garcia ang palusot ng kontraktor na si Lawrence Lubiano, may-ari ng Centerways Construction and Development Corp. na sariling pera raw niya at hindi pera ng kanyang construction firm ang P30 million campaign fund na ibinigay sa kaibigan niyang si Senate President Chiz Escudero na kandidato noong 2022 election sa pagka-senador.


Sabi ni Chairman Garcia, basta kontraktor na may kontrata sa gobyerno, galing man sa sarili niyang bulsa ang kanyang ibinigay sa kandidato ay labag sa batas sa ilalim ng Comelec Omnibus Election Code.

Kumbaga, parang sinabi na rin ni Chairman Garcia na walang lusot sa kaso ang magkaibigang SP Chiz at contractor Lubiano, boom!


XXX


SABIT SA FLOOD CONTROL SCAM, KAYA KUNG MAY DELICADEZA SI CONG. CO, RESIGN NA SIYA SA KAMARA -- Inilagay ni Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co sa kahihiyan ang mga Bikolano dahil ginamit niya ang “Bicol” sa itinatag niyang partylist para lang makakuha ng sangkatutak na kontrata, kabilang ang flood control project sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH).


At ngayong nasasabit sa flood control project scam ang construction firm ng pamilya ni Cong. Elizaldy Co, itong Sunwest Construction and Development Corporation, pati ang construction firm na Hi-Tone Construction and Development Corporation na pag-aari ng kanyang kapatid na si Christopher Co, kung may delicadeza pang natitira sa sarili ay dapat mag-resign na siya bilang partylist representative sa Kamara, period!


XXX


MAG-ASAWANG DISCAYA, KUNG SABIT SA SMUGGLING DAPAT KASUHAN NG NO BAIL NA ECONOMIC SABOTAGE -- Sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na ang 8 sa 12 luxury cars ng pamilya Discaya na kanilang kinumpiska ay walang entry records sa Bureau of Customs (BOC).


Kung ganu’n, baka mga smuggled luxury car ang mga iyan, at dahil diyan ay dapat “forthwith” o agad-agad sampahan ng Customs ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ng kasong no bail na economic sabotage, dali!


XXX


VIDEO KARERA AT SAKLAAN NA PINAMUMUGARAN DAW NG MGA ADIK BALIK-OPERASYON SA PARAÑAQUE CITY -- Noong panahon ng Duterte administration, sa war on drugs ni dating Pres. Rodrigo Roa Duterte ay kabilang ang magdamagang puwesto ng mga video karera at saklaan na pinamumugaran daw ng mga adik sa shabu ang sinasalakay ng mga otoridad, at dahil dito ay itinigil ng mga video karera at sakla operators ang kanilang operasyon.


Ulitin natin, sa panahon ng Duterte admin na-stop ang operasyon ng mga video karera at sakla, pero ngayong Marcos admin, nagbabalikan na ang mga ganitong uri ng raket, walang tulugan na naman ang adik sa pagtaya sa video karera ni alyas "Vic" at pagtaya sa saklaan ni alyas "Jun Ginto" sa Parañaque City.


Dapat umaksyon agad sina Mayor Edwin Olivarez, city chief of police, Col. Nicolas Pinon at Southern Police District (SPD) B/Gen. Randy Arceo laban sa mga mangraraket na sina “Vic” at "Jun Ginto" kasi kung dededmahin lang nila ito, malamang pamugaran uli ng mga adik sa shabu ang mga puwesto ng mga video karera at saklaan sa Parañaque City, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 4, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


BUTI PA MGA CONG. SA HOUSE TRICOM GINISA SI LUBIANO NA FRIEND NI SP ESCUDERO, SA SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE, 'NGANGA' LANG MGA SEN. SA KANYA -- Sa House Tricom (Public Accounts, Public Works and Highways, Good Government and Public Accountability) hearing ay nagisa nang todo at napaamin ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno ang flood control project contractor na si Lawrence Lubiano, may-ari ng Centerways Construction and Development Inc. na nagbigay siya ng P30 million campaign fund kay Senate President Chiz Escudero noong 2022 senatorial election.


Buti pa sa House Tricom hearing nagawang gisahin si Lubiano, pero sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ay "nganga" lang sa kanya (Lubiano) ang mga senador, wala kahit isang senador na nangahas gumisa sa kaibigang kontraktor ng Senate president, boom!


XXX


MAITUTURING NA PAG-AARI NG TAUMBAYAN ANG KAYAMANAN NG PAMILYA DISCAYA KAYA DAPAT BUKOD SA LUXURY CARS, KUMPISKAHIN NA RIN ANG MANSYON AT LAMAN NG KANILANG BANK ACCOUNTS -- Kumpiskado na ng Bureau of Customs (BOC) ang 12 luxury cars ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na ilegal na naipuslit palabas ng Customs, at ayon kay Commissioner Ariel Nepomuceno ay hahanapin din nila ang iba pang mamahaling sasakyan ng mag-asawang kontraktor para alamin kung legal o ilegal din na naipasok ang mga ito sa bansa.


Ngayong hawak na ng Customs ang 12 luxury cars na ito, sana ay forthwith o agad-agad gumawa ng aksyon ang Marcos administration para kumpiskahin na rin ang mansyon at laman ng bank accounts ng pamilya Discaya dahil ang mga kayamanan nilang ito ay maituturing na pag-aari ng taumbayan dahil obvious na nagmula ang mga ito sa kaban ng bayan, mula sa higit P30 billion naraket nila sa mga flood control project ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH), period!


XXX


FLOOD CONTROL PROJECT SCAM, TULAD DIN NG PHARMALLY SCAM NOON, MGA KONTRAKTOR NA WALA PANG P1M PUHUNAN NAKAKAKOPO NG BILYUN-BILYONG PISONG KONTRATA SA GOBYERNO -- Maihahalintulad ang nabulgar na flood control project scam ngayong panahon ng Marcos administration sa nabulgar din na Pharmally scam sa panahon naman ng nakaraang Duterte administration.


Sa flood control project scam basta’t may konek sa mga ‘kurakot’ sa DPWH magkakaroon ng bilyun-bilyong pisong proyekto kahit na ang puhunan lang ng kumpanya ay wala pang P1 million, tulad ng MG Samidan Construction and Development Corp., na ang puhunan base sa record ng Securities and Exchange Commission (SEC) ay P250K lang pero nakakopo ng higit P5 billion flood control project. Ganyan din ang Pharmally Pharmaceutical Corp. na ayon sa record ng SEC ay P650K lang ang puhunan, at dahil may konek ito sa Dept. of Budget and Management (DBM) at Dept. of Health (DOH), nakakopo ng higit P11B kontrata sa mga medical supplies noong panahon ng pandemya.


Patunay iyan na sandamakmak ang mga ‘kurakot’ sa mga ahensya ng pamahalaan at mga mangraraket na kumpanya sa ‘Pinas, boom!


XXX


NGAYONG SI GEN. LUCAS NA ULI ANG RD NG PNP-REGION 4-A, MAGAWA NA KAYA NIYANG LANSAGIN ANG ‘PROTECTION RACKET SYNDICATE’ AT ‘OIL PILFERAGE SYNDICATE’ SA CALABARZON? -- Muling naitalaga sa kanyang dating puwesto bilang Regional Director (RD) ng PNP-Region 4-A si Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas.


Si Gen. Lucas ay unang naitalaga bilang RD ng PNP-Region 4-A na ang sakop ay mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (CALABARZON) at natanggal siya rito noong June 2025, naitalaga siya bilang acting deputy director for administration ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).


Sa tagal ng panunungkulan noon ni Gen. Lucas sa PNP-Region 4-A ay hindi niya nagawang lansagin ang “protection racket syndicate” nina "Tsan Parak," "Tata Obet," "Adlawan,"  “Dimapeles”, "Rico," at "Jong" sa buong CALABARZON at "oil pilferage syndicate" nina "Dondon Alahas," "Violago," "Amang" at "Aldo" sa Batangas at Cavite.

Ngayong si Gen. Lucas na uli ang RD ng CALABARZON, tingnan nga natin kung mabubuwag na niya ang mga sindikatong ito sa kanyang jurisdiction, abangan!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 3, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA PABIDA NI SEN. DELA ROSA SA SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE, NAPAHAMAK SI FPRRD, SA TANONG NIYA KAY SARAH DISCAYA NABULGAR NA SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN UNANG NAGKA-FLOOD CONTROL PROJECT ANG MAG-ASAWANG DISCAYA -- Sablay ang pabida ni Sen. Ronald Dela Rosa sa panggigisa niya kay Sarah Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa sangkatutak na flood control projects na nakuha nito sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH).


Tinanong kasi ni Sen. Dela Rosa si Discaya kung kailan ito unang nakakuha ng flood control project sa DPWH, at ang naging tugon nito (Sarah Discaya) ay year 2016 onwards.


Sablay talaga ang tanong ni Sen. Dela Rosa, napahamak tuloy sa isyung ito si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) dahil lumalabas na nagsimulang makakuha ng sangkatutak na flood control project ang mag-asawang Discaya sa panahon ng Duterte administration, boom!


XXX


TAMA YATA ANG HIRIT NI VP SARA NA PABIDA LANG NI PBBM SA UTOS NA IMBESTIGASYON SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM, MARCOS ADMIN NAGLAAN ULI NG NAPAKALAKING BUDGET SA PROYEKTONG PANGONTRA SA BAHA -- Pinuna nina Sen. Ping Lacson at Sen. Bam Aquino ang napakalaking budget na P275 billion flood control project na inilaan ng Marcos administration para sa year 2026.


Mantakin n’yo, nabulgar na nga na ini-scam lang ng mga ‘kurakot’ sa DPWH, politicians at mga kontraktor ang budget sa flood control projects, tapos naglaan pa uli ng ganyang kalaking halaga sa mga proyektong pangontra sa baha ang Marcos admin.

Dahil diyan, lumalabas na parang totoo ang sinabi ni Vice Pres. Sara Duterte na “palabas” o pabida lang ang iniutos ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na imbestigasyon sa mga katiwalian sa flood control projects, tsk!


XXX


SARAH DISCAYA, DAPAT KASUHAN NG PERJURY AT I-CONTEMPT NG SENADO DAHIL SA PAGSISINUNGALING SA SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE -- Dapat sampahan ng Senado ng kasong perjury si Sarah Discaya at i-contempt, ipakulong ito sa city jail dahil under oath ay nagsinungaling siya sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee.


Tinanong kasi ni Sen. Jinggoy Estrada si Sarah Discaya kung ang 28 luxury cars ng kanyang pamilya na ipinakita niya sa publiko sa pamamagitan ng interview sa kanya nina Korina Sanchez at Julius Babao ay kung nasa compound pa ng kanilang mansyon sa Pasig City, “oo” ang sagot dito ni Mrs. Discaya, pero nang magtungo ang mga otoridad para beripikahin ang mga papeles ng mga mamahalin nilang sasakyan dahil lumabas na wala sa record ng Customs na nakapasok sa bansa ang 12 nilang magarbong sasakyan, ay dalawang behikulo na lang ang dinatnan, at wala sa kanilang mala-palasyong tahanan ang 26 na luxury cars.


Malinaw na nagsinungaling si Sarah Discaya sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee kaya dapat ang pagsisinungaling niyang ito ay tapatan ng Senado ng kasong perjury at contempt, period! 


XXX


DAPAT SA NEXT HEARING NG SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE PADALUHIN DIN SI CURLEE DISCAYA NA MISTER NI SARAH DISCAYA -- Sa susunod na hearing ng Senado tungkol sa flood control project dapat pati si Curlee Discaya na mister ni Sarah Discaya ay padaluhin ni Sen. Rodante Marcoleta sa pinamumunuan niyang Senate Blue Ribbon Committee.


Silang mag-asawa ang may-ari ng mga construction firm na nagsagawa ng mga sinasabing substandard at mga hindi tinapos na mga flood control project na nakuha nila sa DPWH, kaya hindi lang si Mrs. Discaya, kundi pati si Mr. Discaya ay dapat managot sa ginawa nilang ‘pang-i-scam’ sa pera ng bayan, period!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page