ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 13, 2025

WA’ ‘WENTA ANG ICI KUNG HINDI ISASAPUBLIKO ANG HEARING SA MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang nagtatag ng Independent Commission for Infrastructure (ICC) na mag-iimbestiga sa flood control projects kaya’t may karapatan siyang sabihan ang mga bumubuo ng ICI na isapubliko ang kanilang imbestigasyon upang maalis sa isipan ng publiko na may nais pagtakpan o ilusot sa kaso ang mga tunay na sangkot sa pang-i-scam sa kaban ng bayan.
Kaya kung hindi uutusan ni PBBM ang ICI na isapubliko ang imbestigasyon sa mga nasasangkot na politicians, DPWH officials at mga kontraktor, ibig sabihin n’yan ay wa’ ‘wenta pala ang independent commission na itinatag ng Presidente, boom!
XXX
CLOSED-DOOR HEARING NA NGA ANG IMBESTIGASYON NG ICI, SINISIKRETO NA RIN ANG PANGALAN NG MGA MAY-ARI NG BANK ACCOUNTS AT ARI-ARIAN NA PINAPI-FREEZE NG AMLC -- Dati ay inaanunsyo ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga pangalan ng mga may-ari ng bank accounts at mga ari-arian na kanilang ipini-freeze, pero ngayon ay hindi na nila pinapangalanan.
Mantakin n’yo, closed-door hearing na ang ginagawa ng ICI, tapos ang AMLC ay sini-secret na rin nila ang pangalan ng mga politician, DPWH officials at mga kontrakor na may-ari ng bank accounts at ari-arian na kanilang pini-freeze.
Dahil diyan, talagang napapaisip na ang mamamayan na merong nais pagtakpan ang gobyerno, ICI at AMLC sa mga sangkot sa flood control projects scam, boom!
XXX
HINDI DAPAT PAYAGAN NG KORTENG MAKALAYA SA SENADO SI CURLEE DISCAYA, DAHIL SA DAMI NG PERA NILA BAKA MAG-ALA-HARRY ROQUE RIN NA KAHIT MAY LOOKOUT BULLETIN NAKALABAS NG BANSA -- Sa mga kinontempt ng Senate Blue Ribbon Committee ay ang kontraktor na si Curlee Discaya ang atat na atat na gustong makalabas sa detention cell ng Senado.
Hindi dapat payagan ng korte ang hirit ni Curlee Discaya na makalaya dahil hindi naman lahat ng kanilang ninakaw sa kaban ng bayan ay na-freeze ng AMLC.
Ang nais nating ipunto ay may pera pa ang mag-asawang Discaya, na ‘ika nga baka mag-ala-Harry Roque ang mga iyan na kahit may lookout bulletin ang immigration ay nagawa pang makalabas ng ‘Pinas sa pamamagitan ng backdoor, period!
XXX
DAPAT MAGTATAG DIN SI PBBM NG INDEPENDENT COMMISSION NA MAG-IIMBESTIGA SA MGA KURAKOT SA CUSTOMS -- Inanunsyo ng United States (US)-State Department na isa ang Bureau of Customs (BOC) sa pinaka-corrupt na ahensya ng Philippine government.
Kung ganu’n, dapat magbuo uli si PBBM ng isa pang independent commission na mag-iimbestiga sa kurakutan sa Customs, pero dapat ang imbestigasyon ay lantad sa publiko, dahil kung closed-door hearing din, ibig sabihin niyan ay may mga kurakot sa Adwana ang ilulusot sa kaso, boom!