ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 17, 2025

MULA YEAR 2016 HANGGANG 2022, SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN, HIGIT P75B ‘NA-SCAM’ SA KABAN NG BAYAN NG MAG-ASAWANG DISCAYA -- Sa interview nina Korina Sanchez at Julius Babao sa mag-asawang Discaya ay tinanong sila kung kailan nag-“boom” ang mga negosyo nilang construction firm, at ang tugon ni Sarah Discaya ay nang makakuha raw sila ng mga kontrata sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH).
Sa Senate Blue Ribbon Committee hearing, tinanong ni Sen. Ronald Dela Rosa si Sarah Discaya kung kailan ito nakakuha ng flood control project sa DPWH, at ang sagot niya ay 2016 onwards. Sa hearing naman ng House Infra Committee, ipinakita ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang mga kontrata (flood control projects) nang nakuha ng mga Discaya sa kagawaran (DPWH) mula year 2016 hanggang 2022, noong year 2016 ay P99.25 million pa lang pero pagsapit ng year 2017 pumalo na ito sa P1.034 billion, pagdating ng year 2018 nakakalula sa laki, P12.05B, tumaas uli noong year 2019, naging P13.55B, pagpasok ng year 2020 kahit panahon ito ng pandemic ay nakadale pa rin ng P11.58B, pagsapit ng year 2021 ay ang laki ng binawi P16.07B, at sa pagtatapos ng termino ng noo’y Pres. Rodrigo Roa Duterte, talaga naman naka-P20.52B.
Sa kuwentada, ang ‘na-scam’ ng mag-asawang Discaya sa kaban ng bayan mula year 2016 hanggang year 2022, ang total nito ay higit P75B pera ng bayan ang nakulimbat nila sa panahon ng Duterte administration, boom!
XXX
KAPAG PINAGSAMA ANG ‘NA-SCAM’ NG MAG-ASAWANG DISCAYA SA KABAN NG BAYAN SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN AT MARCOS ADMIN, P106B ANG TOTAL, TAPOS GUSTO NI MARCOLETA ‘WAG NA BAWIIN, GAWIN NA LANG DAW STATE WITNESS SA MGA CONG. NA NANGKI-KICKBACK SA PROYEKTO -- Kapag pinagsama ang ‘na-scam’ ng mag-asawang Discaya sa kaban ng bayan na P75B sa panahon ng Duterte admin, at higit P31B na nakulimbat naman nila mula year 2023 hanggang 2025 o ngayong panahon ng Marcos admin, ang total ay P106B.
Ganyan kalaki, higit P106B ang ‘na-scam’ ng mag-asawang Discaya sa kaban ng bayan sa flood control projects sa panahon ng Duterte admin at Marcos admin, tapos ang gustong mangyari ni Sen. Rodante Marcoleta, huwag nang bawiin ang pera ng bayan na kinulimbat ng pamilya Discaya, na gawin na lang silang state witness laban sa mga kongresistang nanghihingi raw ng kickback sa mga proyekto, tsk!
XXX
‘TULISAN’ PALANG TALAGA SI CONG. ZALDY CO -- Ibinulgar ni Sec. Francisco Tiu ng Dept. of Agriculture (DA) na bukod sa may mga construction firm ay may tatlong fishing firms din si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at “binabraso” raw siya na bigyan ng maraming alokasyon sa pang-i-import ng isda ang kanyang mga fishing firm na ayon sa kalihim ay hindi niya pinagbigyan.
Aba’y ‘tulisan’ palang talaga itong si Zaldy Co, ‘nakapang-scam’ na ng mga flood control project, gusto ring ‘makapang-scam’ sa importasyon ng mga isda, pwe!
XXX
KAPAG NATANGGAL SA PAGKA-CONGRESSMAN SAKA LANG MAPAGTATANTO NI REP. KIKO BARZAGA NA SABLAY ANG PABIDA NIYA SA SOCIAL MEDIA -- Sasampahan ng National Unity Party (NUP) ng reklamo sa House Ethics Committee si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga dahil sa mga pabida niyang post sa social media na sinisiraan ang Malacanang, Kamara, Senado at mga miyembro ng gabinete ng Marcos administration.
Kapag napatunayang guilty, sibak si Cong. Kiko sa pagiging congressman, at diyan niya mapagtatantong sablay ang pabida niya sa social media, abangan!




