top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 30, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PINALABAS NI SEN. ESCUDERO NA SIYA ANG PINAKA-‘POOR’ SA MGA SENADOR, PERO AFFORD BILHAN NG SINGSING WORTH P57M DAW ANG KANYANG MISIS -- Pinutakti nang batikos ng netizens sa social media si Sen. Chiz Escudero kaugnay sa idineklara niyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) worth P18 million na.


Mababatikos talaga siya dahil pinalalabas ni Sen. Escudero na siya ang pinaka-"poor" na senador sa Pilipinas, pero nagawa niyang magregalo ng singsing worth $1M o P57M daw sa kanyang misis na si Heart Evangelista, boom!


XXX


CONG. KIKO BARZAGA, INALASKA NI COMMODORE TARRIELA, SINABIHANG MAGPADOKTOR (SA ISIP?) -- Kung ang ibang inaatake ni Cavite 4th Rep. Kiko Barzaga ay hindi siya pinapatulan, iba si Philippine Coast Guard (PCG) spokesman Commodore Jay Tarriela dahil nang atakehin nito (Cong. Kiko) ang PCG na dapat daw buwagin na ito dahil nasasayang lang umano ang kaban ng bayan dito. May pang-aalaskang pinatulan naman ng PCG spokesman ang kongresista, na dapat daw magpakonsulta na sa doktor ang mambabatas, na bagama’t hindi diniretsa, waring ang nais tumbukin ay magpatingin na ito sa utak, dahil hindi raw katanggap-tanggap na itinataya nila ang kanilang buhay laban sa mapanakop na China tapos may isang lawmaker ang magsasalita ng against sa PCG, period!


XXX


SA ‘PINAS, NINANAKAW NA NG MGA KURAKOT ANG PERA NG BAYAN, PAHIHIRAPAN PA NG GOBYERNO ANG MAMAMAYAN SA TAAS-PRESYO NG BILIHIN -- Lumagapak ang halaga ng peso kontra dolyar, na ibig sabihin ang halaga ngayon ng P1 ay $59.2, at kaya raw nagkaganyan ay dulot iyan ng anomalya sa flood control projects.

At dahil diyan ay obligado ang gobyerno na magtaas ng presyo ng mga bilihin sa ‘Pinas.


Iyan ang nakalulungkot na nangyayari sa ‘Pinas, na matapos nakawin ng mga kurakot ang pera ng bayan, ay pahihirapan pa ang mamamayan sa taas-presyo ng mga bilihin, buset!


XXX


ANTI-POGO BATAS NA, SANA NEXT IPA-STOP ANG STL-CON JUETENG SA CALOOCAN CITY AT MUNTINLUPA CITY DAHIL SALOT DIN ANG GANITONG RAKET -- Nilagdaan na ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang batas na nagbabawal sa operasyon ng online gambling na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.


Ngayong batas na ang anti-POGO, sana next na ipagbawal ni PBBM ang operasyon naman ng Small-Town Lottery (STL)-con jueteng kasi tulad ng POGO ay salot din ito sa lipunan.


Dahil sa ngayon ay unti-unti nang nanunumbalik ang STL-con jueteng operations, meron na nito sa Caloocan City na ang mga financier ay sina alyas "Carlo" at "Oye" at walang aksyon laban dito sina Mayor Along Malapitan at chief of police Col. Joey Goforth, at may


ganyang raket na rin sa Muntinlupa City nina alyas "Jojo" at "Touche", at wala ring aksyon laban dito sina Mayor Ruffy Biazon at chief of police Col. Col. Robert Domingo.

Dapat ipa-stop na ni PBBM ang mga STL-con jueteng sa Caloocan City at Muntinlupa City para hindi na mangahas ang iba pang financiers na mag-operate din ng ganitong raket sa iba pang lungsod sa Metro Manila, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 29, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


ISA SI FORMER DPWH SEC. BONOAN SA DAPAT MANAGOT AT KASUHAN SA NAGANAP NA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Sa mga nagdaang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at House Infrastructure Committee, maging sa hearing ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay hindi masyadong nagigisa si former Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan.


Sana sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee at sa magiging live telecast na hearing ng ICI, dapat imbitahan uli at gisahin si Bonoan dahil sa panahon niya bilang DPWH sec. mula year 2022 hanggang 2025 ay nabulgar na may naganap ding garapalang pang-i-scam sa flood control projects ng DPWH.

Ang nais nating ipunto rito ay dapat isa si Bonoan sa managot. Isa siya sa dapat kasuhan sa flood control projects scam, period!


XXX


SA ISASAGAWANG LIVE TELECAST SA HEARING NG ICI, DAPAT IMBITAHAN ULI NILA SI REP. ROMUALDEZ -- Ayon sa ICI, sa gagawin na nilang live telecast ay hindi raw nila isasama sa isasapubliko ang mga nakaraang closed-door hearing ng komisyon.

Hindi puwede iyan, dapat ay isapubliko rin nila dahil ang isa sa importanteng malaman ng taumbayan ay iyong isinagawa nilang imbestigasyon kay Leyte Rep. Martin Romualdez.


At kung paninindigan nila na huwag isapubliko ang mga detalye ng imbestigasyon nila sa mga nakaraang closed-door hearing, dapat imbitahan uli nila si Romualdez sa isasagawang live telecast na imbestigasyon sa mga sangkot sa flood control projects scam, boom!


XXX


MAG-ASAWANG DISCAYA, MALAPIT NANG MARANASAN SA CITY JAIL ANG BUHAY-IMPIYERNO --Tinuldukan na ng Office of the Ombudsman, ang pinakaaasam-asam nina Curlee at Sarah Discaya na maging state witness ng pamahalaan, dahil hindi na umano ito mangyayari sa kadahilanan na ang mag-asawang ito ang lumalabas na pinakasentro ng katiwalian sa flood control projects scam, tapos mistulang mga nagmamalaki pa na ayaw na nilang tumulong sa imbestigasyon ng ICI, Ombudsman at Dept. of Justice (DOJ).


Dahil tinapos na ito ng Ombudsman ay asahan na ng mag-asawang Discaya na kung nagbuhay-hari at reyna sila noong hindi pa nabubulgar ang pang-i-scam nila sa kaban ng bayan, ay malapit na nilang maranasan sa loob ng city jail ang mala-impiyernong buhay, abangan!


XXX


KAYA PALA NAGTATAGO NA SI GUTEZA DAHIL CONFIRMED PEKE ANG PIRMA NG ABOGADO SA KANYANG AFFIDAVIT -- Sinabi ni Sen. Ping Lacson na kinumpirma na ng Manila Regional Trial Court (RTC) na pineke ang pirma ng abogado na nasa sinumpaang salaysay ni retired Marine Sgt. Orly Guteza na nagsangkot kina Leyte Rep. Martin Romualdez at former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa pagtanggap umano ng bilyun-bilyong pisong kickback sa flood control projects scam.


Iyan pala ang dahilan kaya nagtatago na at hindi na mahagilap si Guteza dahil alam niya na ang ginawa niyang pamemeke sa pirma ng abogado at panloloko sa Senado ay may katumbas na kaso at parusa, boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 28, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


ERPAT AT UTOL NI SEN. BONG GO, HINDI KASAMA SA TOP 20 CONTRACTORS SA DUTERTE ADMIN KAYA ALEGASYON NI TRILLANES, SABLAY -- Base sa report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ay lumabas na hindi kasama sa top 20 contractors sa panahon ng Duterte administration ang CLTG Builders na pag-aari ng ama ni Sen. Bong Go at Alfrego Builders and Supply na pag-aari naman ng half-brother ng senador, dahil ang number 1 contractor ay ang St. Gerrard Construction and Development Corporation ng mag-asawang Discaya at ang rank 20 ay ang Rudhil Construction Enterprises Inc. 


Ang hindi pagkakasama ng CLTG Builders at Alfrego Builders and Supply sa top 20 contractors sa panahon ng Duterte admin ay pagpapatunay na totoo ang binanggit ni Sen. Bong Go na never siyang nakialam para makakuha ng kontrata sa gobyerno ang kanyang mga kamag-anak, dahil kung totoo ang alegasyon ni Trillanes na ginamit ng senador ang kanyang power, dapat sana ay top contractor ang CLTG Builders at Alfrego Builders and Supply, eh ang katotohanan nga, ni wala sa top 20 contractors ang ama at kapatid niya (Sen. Bong Go) sa panahon ng Duterte admin, period!


XXX


PAGKAKASANGKOT NI SEN. VILLANUEVA SA PORK BARREL SCAM, KAKALKALIN NG OMBUDSMAN KAYA HINDI PA SIYA SAFE SA KASO -- Sinabi ni Ombudsman Boying Remulla na muli raw nilang pag-aaralan ang kaso ni Sen. Joel Villanueva patungkol sa pork barrel scam, na dinismis ni former Ombudsman Samuel Martires.

Kumbaga, parang sinabi ni Remulla na hindi pa safe si Sen. Villanueva sa kasong may kaugnayan sa pork barrel scam, boom!


XXX


PAGIGING TAKLESA NI PCO USEC. CLAIRE CASTRO, TINAPATAN NG PAGIGING TAKLESA NI KABATAAN PARTYLIST REP. RENEE CO -- Ang pagiging taklesa ni Presidential Communications Office (PCO) Usec. Spokesperson Claire Castro ay tinapatan din ng pagiging taklesa ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co.


Hindi kasi nagustuhan ni Rep. Renee Co ang statement ni Castro na hindi raw dapat gawing lisensya ng mga kabataan ang laging magprotesta sa lansangan sa panawagang papanagutin ang mga sangkot sa flood control projects scam, kaya ang resbak ng Kabataan Partylist representative, hindi rin daw lisensya sa mga may posisyon sa pamahalaan ang mang-abuso sa tungkulin at magnakaw sa kaban ng bayan, period!


XXX


TAAS-SINGIL SA CAVITEX, DAGDAG-SAKIT NG ULO SA MAMAMAYAN -- Ngayong araw na (Oct. 28) ang toll fee hike ng Cavitex.


Pambihira naman ‘tong Marcos admin, kasi mantakin n’yo, sakit-ulo na nga ang mamamayan sa nabulgar na aabot umano sa halos P1 trillion pera ng bayan ang na-scam ng mga kurakot sa flood control projects, tapos dinagdagan pa ang sakit-ulo ng taumbayan sa dagdag sa toll fee ng Cavitex, pwe!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page