top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 26, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG SI ESCUDERO PA RIN ANG SENATE PRESIDENT AT SI ROMUALDEZ PA RIN ANG HOUSE SPEAKER, MALAMANG TULOY PA RIN ANG ‘KURAKUTAN’ SA KABAN NG BAYAN -- Matapos ibulgar ni Dept. of Public Works and Highways (DPWH) former Usec. for Operations Roberto Bernardo na sangkot din si ex-Senate President, Sen. Chiz Escudero, ay ibinulgar din ng isang nagngangalang Orly Guteza, dating security aide ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, na ang ilang bahagi ng male-maletang pera na dinadala sa mga bahay ng partylist congressman, ay dinadala rin daw nila sa mga bahay ni ex-House Speaker, Leyte Rep. Martin Romualdez.


Buti na lang nabulgar ang flood control projects scam, at buti na lang parehong formers Senate President at House Speaker na lang ang dalawang lawmakers na ito, kasi kung si Sen. Escudero pa rin ang lider ng Senado at si Cong. Romualdez pa rin ang lider ng Kamara, naku po, baka patuloy silang ‘mangungurakot’ sa kaban ng bayan, mga pwe!


XXX


NABULGAR NA SANGKATUTAK NA SENADOR NA SANGKOT SA KATIWALIAN SA DPWH, PANG-GUINNESS WORLD RECORDS NA -- Si DPWH-Bulacan 1st Asst. District Engr. Brice Hernandez unang nagbulgar na may mga senador umano na sangkot sa flood control projects scam, pinangalanan niya sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, sumunod na nagbulgar si DPWH-Bulacan 1st District Engr. Henry Alcantara, kinumpirma niyang sangkot sa katiwalian daw sina Sen. Jinggoy at Sen. Joel, at idinagdag si ex-Sen. Bong Revilla, at sa pagbubulgar naman ni DPWH Usec. Bernardo, isinama niya sa iba’t ibang uri pa rin ng katiwalian umano sa DPWH sina Sen. Escudero, former Senator at ngayo’y Makati City Mayor Nancy Binay.


Sa mga ‘pasabog’ na iyan nina Hernandez, Alcantara at Bernardo ay puwede nang itala ito sa Guinness World Records, na onli in da ‘Pinas lang may sangkatutak na mga “buwayang” senador, boom!


XXX


PARANG DAGA NA SI CONG. ZALDY CO NA NAGHAHANAP NG LUNGGANG PAGTATAGUAN -- Si Navotas City Rep. Toby Tiangco ang unang nagbulgar na may higit P13 billion "pork barrel" insertions si Cong. Zaldy Co sa 2025 national budget, pagkaraan niyan ay idinawit na ni Alcantara sa flood control projects scam ang partylist congressman na ito, kinumpirma naman ito ni Hernandez na nagsabi pang may pagkakataon umano na nagdeliber sila ng P1B kickback kay Cong. Zaldy Co at sa pasabog ni Bernardo ay sinabi niya na ang kongresistang ito ng Ako Bicol Partylist na dating chairperson ng House Committee on Appropriations ang may sangkatutak na “komisyon” (kickback) na natanggap mula sa pondo ng DPWH.


Hindi na talaga safe si Cong. Zaldy Co sa anomalyang ito kung kaya’t ayaw na niyang umuwi ng Pilipinas, torete na, palipat-lipat na ng mga bansang pinuntahan, mistula na siyang daga na naghahanap ng lunggang pagtataguan, period!


XXX


WITHDRAWAL SA BANGKO NG SUNUD-SUNOD NA DAAN-DAANG MILYONG PISO DAW NG ‘GHOST PROJECT’ NG CONTRACTOR NA SI SALLY SANTOS, NANGYARI NA RIN NOON SA BANGKO RIN PARA SA CONFI FUNDS NI VP SARA -- Dapat gumawa ng batas ang Kongreso na kapag may mga tauhan ng gov’t. officials at mga kontraktor na magwi-withdraw ng P50M pataas sa gov’t. bank na Land Bank of the Philippines (LBP) ay i-report agad ito sa Anti-Money Laundering Council, Ombudsman, Commission on Audit (COA) at Dept. of Budget and Management (DBM) para sundan at kuwestiyunin agad ang mga gov’t. officials kung saan nila gagamitin ang winidraw at sa kontraktor kung tapos na ang nakuha nitong proyekto sa DPWH.


Ang nabulgar kasi sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na nagawa ng DPWH na “ghost project” ng contractor na si Sally Santos na nakapag-withdraw ng higit tig-P200M sa dalawang pagkakataon, na ang total ay higit P400M, ay may pangyayari na rin na ganyan noon, na sa imbestigasyon dati sa House Quad Committee ay ang mga tauhan ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay nakapag-withdraw din tig-P125M sa apat na pagkakataon na ang total ay P500M, na ang halagang ito ay para sa confidential fund ng bise presidente.


Sa totoo lang, hindi kasi katanggap-tanggap sa mamamayan na mistulang hinuholdap ng mga gov’t. official at mga kontraktor ang kaban ng bayan na nakaimbak sa gov’t. bank na LBP, tsk!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 25, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez



HATE NI SEN. BONG GO ANG MGA KURAKOT, KAYA KAYSA MANAKAW NA NAMAN ANG P255B FLOOD CONTROL PROJECT SA 2026 NATIONAL BUDGET, DAPAT ANG PONDO ILIPAT SA DOH-MAIFIP PARA MAITULONG SA MGA PASYENTENG NAKA-CONFINE SA OSPITAL -- Suportado ni Sen. Bong Go ang panukala ng Kongreso na ang P255 billion na para sa flood control projects ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) sa 2026 national budget ay i-realign sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Program (MAIFIP) ng Dept. of Health (DOH).


Ayon kasi kay Sen. Bong Go, kaysa manakaw at ginagawang gatasan ng ilan ang flood control projects, ay mas mainam na ilaan ito (P255B) sa MAIFIP na pantulong sa mga kababayang pasyente sa mga DOH hospital at specialty centers hospital at private hospitals.


Patunay ang statement na iyan ni Sen. Bong Go na hate niya ang mga kurakot at may malasakit sa mamamayan, period!


XXX


DAPAT I-PERSONA NON GRATA SI CONG. ZALDY CO SA BUONG BICOL REGION -- Sa mga isinangkot ni Bulacan DPWH 1-former District Engineer Henry Alcantara sa mga senador, dating senador, kongresista at dating kongresista, ay si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, former chairman ng House Committee on Appropriations sa flood control projects scam, lumalabas na ang partylist congressman na ito ang may pinakamalaking natanggap na kickback, at nakumpirma ito nang sabihin naman ni Bulacan DPWH-1 former Asst. District Engineer Brice Hernandez na may pagkakataon pa raw na nag-deliver sila ng P1 billion kickback kay Cong. Zaldy Co.


Mantakin n’yo, ginamit ni Zaldy Co ang pangalang Bicol sa itinatag niyang Ako Bicol Partylist para iluklok siya ng mga kapwa niya Bikolano sa Kamara, tapos ang gagawin pala ay ‘mangurakot’ sa kaban ng bayan.


Dapat iparamdam ng mga miyembro ng local gov’t. units (LGUs) sa Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes at Masbate ang kanilang galit, magkaisa silang magpasa ng resolusyon na idinedeklara nilang persona non grata sa buong Bicol region si Zaldy Co, period!


XXX


PUMAPANGIT ANG IMAHE NI SEN. MARCOLETA SA PAGPUPUMILIT NA GAWING STATE WITNESS ANG MAG-ASAWANG DISCAYA -- Dapat nang tantanan ni Sen. Rodante Marcoleta ang pagpupumilit niyang maging state witness ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya nang walang kapalit, na ibig niyang sabihin ay hindi babawiin ng gobyerno ang higit P207 billion ‘in-scam’ ng mag-asawang Discaya sa kaban ng bayan.


Sa totoo lang, pumapangit ang kanyang imahe sa publiko, naba-bash siya nang todo sa social media sa pagtatanggol at pagpupumilit na gawing state witness ang mag-asawang scammer na ito, boom!


XXX


KAPAG NAGLABAS NG WARRANT OF ARREST ANG ICC LABAN KAY SEN. BATO, BAKA MATULAD KAY FPRRD NA PUWERSAHANG DINALA SA THE HAGUE AT IKINULONG SA ICC JAIL -- Matapos basahan ng mga kasong murder si former Pres. Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) ay nasama ang mga apelyidong "Dela Rosa" at "Aguirre" sa public redacted version na ipinost sa ICC website.


Wala mang mga first name, pero ito ay tumutukoy kina former Philippine National Police (PNP) chief, at ngayo’y Sen. Ronald Dela Rosa at former Justice Sec. Vitaliano Aguirre.


Noong si Sen. Chiz Escudero pa ang Senate President ay nagpalabas ito ng statement na hindi niya papayagang arestuhin si Sen. Dela Rosa sa loob ng Senado sakaling maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya (Dela Rosa) ang ICC.


Ang problema ngayon ni Sen. Dela Rosa ay hindi niya kaalyado ang Senate President na si SP Tito Sotto, kaya kung sakaling maglabas ng warrant of arrest sa kanya ang ICC ay malaki ang posibilidad na matulad siya kay FPRRD na puwersahang dinala ng arresting law enforcers sa The Hague (The Netherlands) at ikinulong sa ICC jail, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 24, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAS MALAKI PA ANG KICKBACK NG PARTYLIST REP. KAYSA 3 SENADOR KAYA LUMALABAS NA SA MGA KURAKOT SA GOBYERNO, SI CONG. ZALDY CO ANG ‘PINAKATULISAN’ SA LAHAT -- Isinangkot na ni Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1, former District Engr. Henry Alcantara sa flood control project scam sina Senators Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, ex-Sen. Bong Revilla, former DPWH Usec. Roberto Bernardo, dating Usec. at ex-Caloocan City Rep. Mitch Cajayon at Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, former chairperson ng House Committee on Appropriations.

Sa mga pinangalanang ito ni ex-DE Alcantara, lumabas na si Cong. Zaldy Co ang may natanggap na pinakamalaking kickback na umabot sa bilyun-bilyong piso.


Mantakin n’yo, mas malaki pa ang kickback ni Co kaysa sa tatlong senador na itinuga ni Alcantara, at dahil d’yan lumalabas ngayon na sa mga kurakot sa gobyerno, ang partylist representative na ito (Zaldy Co) ang ‘pinakatulisan’ sa lahat, period!


XXX


FPRRD, BINASAHAN NA NG MGA KASONG MURDER KAYA ‘SUNTOK SA BUWAN’ NA MAKALAYA PA SIYA SA ICC JAIL -- Matapos ianunsyo ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na may bansa na raw na tatanggap sa kanyang amang si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) sakaling pagbigyan ng International Criminal Court (ICC) ang hiling nilang interim release sa dating pangulo, ay isinapubliko ng ICC na binasahan na nila ng mga kasong murder si ex-PDuterte.


Ang ginawang iyan ng ICC na basahan ng mga murder case si FPRRD habang may nakabinbing interim release sa kanya, ay maituturing na “suntok sa buwan” na makalaya pa ang ex-president sa ICC jail sa The Netherlands, tsk!


XXX


P46B PANG-FLOOD CONTROL PROJECTS DAPAT LANG I-REALIGN SA PANG-AYUDA SA MAHIHIRAP KAYSA MAPUNTA SA ‘BUWAYANG’ POLITICIANS, DPWH OFFICIALS AT MGA KONTRAKTOR -- Nais ni Minority Leader, 4Ps Partylist Rep. Marcelino Libanan na ang P46 billion flood control projects ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na nakapaloob sa 2026 national budget, ay i-realign at ilipat sa mga tanggapan nina Sec. Rex Gatchalian ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) para sa ayuda program na Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Sec. Bienvenido Laguesma ng Dept. of Labor and Employment (DOLE) para sa ayuda program naman ng


Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantage/Displaced Workers (TUPAD).

Sa panahon na wala pang nakakasuhan at naipapakulong, dapat lang na ang mga mahihirap na kababayan ang makinabang sa P46B na ‘yan kaysa mga ‘buwayang’ politician, DPWH officials at mga kontraktor, period!


XXX


DAPAT KASUHAN NG OBSTRUCTION OF JUSTICE ANG MGA MAKABAYAN BLOC REPRESENTATIVES DAHIL SA PAGTATANGGOL NILA SA MGA KABATAANG NANGGULO SA MANILA -- Kahit kailan talaga ay anti-pulis itong mga partylist na miyembro ng Makabayan bloc dahil mga parak pa ang sinisisi nila sa nangyaring gulo sa Maynila, na kesyo hindi raw nagpatupad ng maximum tolerance ang mga pulis at basta na lang daw pinaghuhuli at nagsagawa ng police brutality sa mga kabataan.


Kita naman sa mga kumalat na video na nagpairal ng maximum tolerance ang mga pulis at kita rin sa mga video na mga kabataan ang unang gumawa ng gulo, pinagbabato ang mga parak kaya marami sa kanila ang nasugatan, tapos nanunog pa ng isang trak, isang motorsiklo, sinira ang mga kagamitan ng Manila LGU at pribadong establisimyento, ninakaw pa ang vault ng isang motel sa Maynila, kaya natural lang na aaksyon na ang mga otoridad para dakpin ang mga nanggugulo.


Dapat sa mga Makabayan bloc partylist representatives na ito ay sampahan ng pulisya ng kasong obstruction of justice para maturuan ng leksyon dahil hindi nila dapat kinakampihan ang mga gumawa ng mali, naging marahas, nanggulo sa rally sa Maynila, boom!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page