top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 17, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAHIRAP PANIWALAAN NA HINDI NAGKA-KICKBACK SI ZALDY CO SA FLOOD CONTROL PROJECT DAHIL NAGKAROON SIYA NG SANGKATUTAK NA PRIVATE JETS AT HELICOPTERS -- Sa unang video na ‘pasabog’ ni former Cong. Zaldy Co na si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang nagpa-insert umano ng P100 billion sa Bicam ay naging hati ang opinyon ng publiko, may mga naniniwala at hindi naniniwala.


Pero sa ikalawang video na ‘pasabog’ ni Cong. Zaldy ay tuluyan siyang nawalan ng kredibilidad nang sabihin niyang wala raw siyang naging pakinabang, hindi raw siya nagkaroon ng kickback sa P100B "commission" sa mga flood control projects.


‘Ika nga, engot na lang ang maniniwala na hindi nagka-kickback sa flood control projects si Cong. Zaldy dahil nga nabulgar na mayroon siyang sangkatutak na air assets o mga private jets at mga helicopters, boom!


XXX


MATAPOS KAYA NANG MAPAYAPA ANG 3-DAY PROTEST, MA-PEOPLE POWER SI PBBM O MAGDEKLARA NG MARTIAL LAW ANG MARCOS ADMIN? -- Kahapon na (Nov. 16) nagsimula ang tatlong araw na protesta ng kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) na magtatapos sa Nov. 18, 2025, at ang protestang ito ay tinapatan ng libu-libong pulis, sundalo at coast guard ng Marcos administration.


Dahil diyan, tatlong isyu ang inaabangan ng publiko rito, kung matatapos nang mapayapa ang 3-day protest, kung magkakaroon ng People Power para mapatalsik si PBBM bilang presidente ng bansa, at kung magdedeklara ng martial law ang Marcos admin kapag nagkaroon ng karahasan, abangan!


XXX


TILA MAY NAIS PAGTAKPAN ANG ICI KAYA HALOS 3 WEEKS NA HINDI NA NASUNDAN ANG IMBESTIGASYON NA NAGING DAHILAN KAYA PROMISE NA LIVE TELECAST O LIVE STREAMING HINDI MAIPATUPAD -- Noong October 22, 2025 ay nangako si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairman Andres Reyes na ang mga susunod daw nilang hearing sa flood control projects ay isasapubliko na nila sa pamamagitan ng live telecast at live streaming, pero halos tatlong linggo na ang nakakalipas ay hindi na nasundan ang imbestigasyon ng ICI sa flood control scandal.


Isa lang ang ibig sabihin niyan kaya hindi na nagsasagawa ng hearing ang ICI, ‘pang-uunggoy’ lang sa mamamayan ang ipinangako nilang isasapubliko na nila ang kanilang imbestigasyon, na ayaw talaga nilang i-live telecast at live streaming ang ICI hearing, na ‘ika nga tila meron talaga silang gustong pagtakpan sa imbestigasyon ng flood control projects, pwe!


XXX


TOTOO KAYA O FAKE NEWS NA PATI RAW SI SEN. IMEE NANANAWAGAN KAY PBBM MAG-RESIGN? -- May kumakalat sa social media na maging si presidential sister, Sen. Imee Marcos ay nananawagan na rin sa kanyang kapatid na si PBBM na mag-resign na bilang pangulo ng bansa.


Sa ngayon ay hindi pa malaman ng publiko kung totoo o fake news ang panawagang ito ni Sen. Imee, pero kung sakaling totoo ay isa lang ang ibig sabihin niyan, na kahit ang senadorang kapatid ng Presidente ay hindi na nagugustuhan ang pamumuno ni PBBM sa ‘Pinas, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 16, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


P100B PUWEDENG SA NEP ILAGAY NI PBBM KAYA PASABOG NI EX-REP. ZALDY CO NA P100B ‘INSERTION’ NG PRESIDENTE SA BICAM, SABLAY! -- Isa si good governance advocate, economist Cielo Magno sa mga kilalang anti-Marcos Jr., at isa siya sa nananawagan ng "resign all" (Pres. Bongbong Marcos, Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, mga senator and congressmen). Isa siya sa mga Pilipinong galit na galit sa nabulgar na flood control projects scam, isa rin siya sa mga nagpu-post sa social media patungkol sa mga politician, Dept. of Public Works and Highways (DPWH) officials, Commission on Audit (COA) officials at mga kontraktor na sangkot sa pang-i-scam sa pera ng bayan, pero sa kabila ng ganito niyang paninindigan ay kabilang din siya sa hindi naniniwala sa pinasabog na video ni former Cong. Zaldy Co na inutusan daw siya ni PBBM sa pamamagitan nina former Speaker Martin Romualdez at Budget Sec. Amenah Pangandaman na mag-insert ng P100 billion sa Bicam.


Ito kasi ang bahagi ng isa sa mga post sa social media ni Cielo Magno... “Parang sobrang tanga naman ni BBM na hinintay pa ang Bicam para mag-insert ng P100B eh puwede na n’ya isaksak 'yun sa NEP (National Expenditure Program),” na ang post niyang (Cielo Magno) ito ay sinegundahan ni Sen. Ping Lacson na nagsabing, “Hindi naman sa ipinagtatanggol ko ang President, pero bakit n’ya ipapalagay ang P100B sa Bicam gayong kaya naman niya iyong ipalagay sa NEP.


May punto sina Cielo Magno at Sen. Lacson, kaya ‘yung pasabog ni Zaldy Co, masasabing sablay, boom!


XXX


HINDI LANG SI REP. ROMUALDEZ ANG ‘PASOK’ SA GROSS NEGLIGENCE KUNDI PATI SI PBBM -- Sa totoo lang, may pananagutan naman talaga sina PBBM at Rep. Martin Romualdez sa isyu ng flood control scandal dahil ang Presidente ang lumagda sa 2025 General Appropriations Act (GAA) na may ‘insertions’ na sangkatutak na flood control projects, at sa parte naman ni Romualdez ay siya ang pumili kay Zaldy Co na maging head ng House Committee on Appropriations.


Kaya iyong sinabi ni Ombudsman Boying Remulla na “pasok” si Romualdez sa kasong “gross negligence,” hindi lang siya (Romualdez) ang dapat masampahan ng ganyang kaso, kundi pati si PBBM, period!


XXX


HINDI MAN AMININ MALAMANG HAPPY SI SEN. ESCUDERO DAHIL ANG MAS MALAKING P142.7 ‘INSERTION’ NIYA NATABUNAN SA PASABOG NI ZALDY CO NA P100B ‘INSERTION’ NI PBBM -- Hindi man aminin ay malamang tuwang-tuwa si Sen. Chiz Escudero sa pasabog ng kapwa niya Bicolano na si ex-Rep. Zaldy Co laban kina PBBM at Romualdez.


Mainit kasing pinag-uusapan ngayon ng publiko ang pasabog ni Zaldy Co na P100B “insertion” ni PBBM sa Bicam, na ‘ika nga, nakalimutan na ng mamamayan ang pinasabog noon nina Sen. Tito Sotto at Sen. Lacson na mas malaking P142.7B na insertion ng former Senate president sa 2025 Bicam, boom!


XXX


VIDEO NG PASABOG NI ZALDY CO NA P100B ‘INSERTION’ NI PBBM SA BICAM, NATABUNAN ANG PASABOG NI EX-DPWH USEC. BERNARDO SA SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE -- Hindi lang si Sen. Escudero ang masasabing happy sa pasabog ni Zaldy Co, kundi pati ang mga senador, former senators, kongresista at DPWH officials na isinabit ni former DPWH Usec. Roberto Bernardo sa flood control projects.


Natabunan kasi ng video ng pasabog ni Zaldy Co ang pasabog ni ex-DPWH Usec. Bernardo sa Senate Blue Ribbon Committee, period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 15, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MATATAPOS NA ANG MARCOS ADMIN, KAPAG NAKAPAGLABAS SI ZALDY CO NG MGA RESIBO NA ANG MAGPINSANG PBBM AT ROMUALDEZ ANG ‘MASTERMINDS’ SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Sa inilabas niyang video, isinangkot ni former Cong. Zaldy Co sina Pres. Bongbong Marcos at Rep. Martin Romualdez sa flood control projects scam, na aniya ay may mga ebidensya at resibo raw siyang pinanghahawakan laban sa magpinsang ito.


Naku, kapag may nailabas ngang mga ebidensya at resibo si Zaldy Co laban sa magpinsang PBBM at Romualdez, malamang diyan na matatapos at babagsak ang Marcos administration, abangan!


XXX


MALAMANG SAKIT-ULO NA SI SEN. ESCUDERO, DAHIL KAPAG NAPATUNAYANG GUILTY SA MGA ALEGASYON, TANGGAL NA SA PAGKA-SENADOR, KULONG PA SIYA -- Tatlong sakit-ulo ang inabot kahapon ni Sen. Chiz Escudero. Una, sa Senate Blue Ribbon Committee ay dinikdik siya nang husto ni former Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo sa pagtanggap ng 20% kickback sa mga flood control projects. Pangalawa, sinampahan siya ni Atty. Marvin Aceron ng mga kasong graft, malversation, falsification of public documents at gross misconduct noong gobernador pa siya ng Sorsogon; at pangatlo, sinampahan din siya ng grupo ni Atty. Jesus Falcis sa Comelec ng paglabag niya sa Omnibus Election Code kaugnay sa pagtanggap niya ng P30 million campaign fund sa kontraktor na si Lawrence Lubiano.


Sakit-ulo talaga ang abutin ni Sen. Escudero dahil kapag napatunayan na guilty siya sa lahat ng alegasyon na iyan laban sa kanya, tanggal na siya sa pagka-senador, kulong pa siya, period!


XXX


GRACE POE IDINAWIT NA RIN SA FLOOD CONTROL KICKBACK KAYA KUNG NAGKATAONG BUHAY PA SINA FPJ AT SUSAN ROCES MALAMANG SERMON ANG ABUTIN SA THE KING AT THE QUEEN -- Sa nakaraang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee ay idinawit na nina former DPWH Usec. Bernardo, former DPWH-Bulacan 1st District Officials Henry Alcantara, Brice Hernandez at JP Mendoza sa flood control projects sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Sen. Escudero, former Sen. Nancy Binay at former Sen. Bong Revilla, pero kahapon ay idinagdag na ni Usec. Bernardo si former Sen. Grace Poe sa kickback sa flood control scandal.


Kung totoo nga na dawit sa anomalyang ito at nagkataong buhay pa ang parents niya na sina Fernando Poe, Jr. at Susan Roces, malamang sermon abutin niya sa The King and Queen ng Philippine cinema, boom!


XXX


DAHIL AYAW MAGLUBAY SA PAGPU-PROMOTE NG ONLINE GAMBLING, MALAMANG MGA VLOGGERS MAKULONG NG 6-TAON HANGGANG 20-TAON SA BILIBID -- Inirekomenda na ng Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) sa PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) na imbestigahan at kasuhan ang mga vloggers na kinabibilangan nina Whamos Cruz, Toni Fowler, Christian Grey at Nica Llamelo dahil ayaw maglubay ng mga ito sa pagpu-promote ng mga illegal online gambling sa social media.


Binalaan na noon ng CICC ang mga vloggers na tigilan na nila ang pagpu-promote ng mga online illegal gambling pero dahil sa ‘pagkagahaman’ sa perang kikitain ay hindi sila nagsipaglubay, at dahil isinumite na ng CICC ang mga nakalap nilang ebidensya sa PNP-ACG, at kapag napatunayan ng korte na sila (Cruz, Fowler, Grey at Llamelo) ay guilty, kulong sila mula 6-taon hanggang 20-taon sa Bilibid, period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page