ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 23, 2025

MISIS AT MGA ANAK NI ZALDY CO, DAPAT ISAMA SA KASO, NAKINABANG DIN SA ‘IN-SCAM’ NG KANILANG KUMPANYA SA KABAN NG BAYAN -- Bukod sa higit P86 billion Dept. of Public Works and Highways (DPWH)-flood control projects na ‘na-scam’ ng Sunwest Corporation na pag-aari ng pamilya ni resigned Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co mula year 2016 hanggang 2025, ay nakapang-scam din daw ang kumpanya ng dating kongresista ng P1.3B medical supplies sa Dept. of Health (DOH) noong year 2020 (panahon ng pandemya), P2.4B overprice sa laptop contract sa Dept. of Education (DepEd) noong year 2021 at ang latest na nabulgar ay ang P2B contract sa IT Hub, Central Command at Road Safety ng LTO (Land Transportation Office) noong year 2021.
Sa kumpanya na pag-aari ng pamilya ni Zaldy Co, pumasok ang na-scam ng dating kongresista sa kaban ng bayan, na ibig sabihin, ang kanyang misis at mga anak ay nakinabang at ‘nagpasasa’ sa pera ng bayan.
Ang nais nating ipunto rito ay dapat hindi lang si Zaldy Co ang sampahan ng kasong plunder, kundi pati ang kanyang misis at mga anak na nasa legal age na, period!
XXX
MARCOS ADMIN AT DUTERTE ADMIN, BINEYBI SI ZALDY CO SA ‘PANG-I-SCAM’ SA KABAN NG BAYAN -- Hindi lang sa panahon ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) nakapang-scam sa kaban ng bayan si Zaldy Co mula 2023 hanggang 2025 (flood control projects scam), kundi kahit noong panahon ng Duterte admin, kasi ang pangulo ng Pilipinas mula year 2016 hanggang 2022 (2016 onwards nag-start ang flood control projects scam, 2020 medical supplies scam, 2021 laptop scam at 2021 LTO contract scam) ay si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD).
Ibig sabihin niyan, bineybi ng Marcos admin at Duterte admin ang ginawang ‘pang-i-scam’ ni Zaldy Co sa kaban ng bayan, pwe!
XXX
SA TEMA NG STATEMENT NI ICI SPOKESMAN BRIAN HOSAKA TILA PALULUSUTIN NILA SA IMBESTIGASYON SI FL LIZA -- Matapos hilingin ng isang nagngangalang John Santander sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na imbestigahan din si First Lady Liza Araneta-Marcos sa flood control projects dahil may mga larawan na kasama ng First Lady sa mga events si Special Envoy to China Rep. Maynard Ngu na pinangalanan ni resigned DPWH Usec. for Operations Roberto Bernardo na ito (Maynard Ngu) ang “bagman” sa kickback ni Sen. Chiz Escudero, ay sinabi ni ICI spokesman Brian Hosaka na kapag may matibay daw na ebidensya na sangkot sa flood control projects scam ang Unang Ginang ay saka na lang daw nila ito iimbestigahan.
Dapat imbitahan ng ICI si FL Liza, kasi may isang John Santander na humiling na imbestigahan ang Unang Ginang, pero sa tema ng statement ni ICI Spokesman Hosaka ay tila walang plano ang ICI na imbitahan para imbestigahan ang First Lady sa kaugnayan niya kay Maynard Ngu na umano’y bagman sa kickback sa flood control projects ni Sen. Escudero, tsk!
XXX
ATONG ANG, GRETCHEN BARRETTO AT IBA PANG SANGKOT SA MISSING SABUNGEROS, SA KULUNGAN MAGPA-PASKO? -- Ayon kay Assistant State Prosecutor Charlie Guhit ng Dept. of Justice (DOJ) na sa loob daw ng 2 buwan ay isasampa na nila ang kaso sa korte laban sa mga sangkot sa missing sabungeros.
Kung sa loob ng dalawang buwan, eh October na ngayon, next month November na at sa susunod na buwan ay Disyembre na.
Kumbaga, parang sinabi na rin ng DOJ na sa kulungan magpa-Pasko sina gambling tycoon Atong Ang, dating actress Gretchen Barretto at iba pang sangkot sa ‘pagpapapatay’ sa mga missing sabungeros, abangan!




