ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 29, 2025

ISA SI FORMER DPWH SEC. BONOAN SA DAPAT MANAGOT AT KASUHAN SA NAGANAP NA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Sa mga nagdaang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at House Infrastructure Committee, maging sa hearing ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay hindi masyadong nagigisa si former Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan.
Sana sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee at sa magiging live telecast na hearing ng ICI, dapat imbitahan uli at gisahin si Bonoan dahil sa panahon niya bilang DPWH sec. mula year 2022 hanggang 2025 ay nabulgar na may naganap ding garapalang pang-i-scam sa flood control projects ng DPWH.
Ang nais nating ipunto rito ay dapat isa si Bonoan sa managot. Isa siya sa dapat kasuhan sa flood control projects scam, period!
XXX
SA ISASAGAWANG LIVE TELECAST SA HEARING NG ICI, DAPAT IMBITAHAN ULI NILA SI REP. ROMUALDEZ -- Ayon sa ICI, sa gagawin na nilang live telecast ay hindi raw nila isasama sa isasapubliko ang mga nakaraang closed-door hearing ng komisyon.
Hindi puwede iyan, dapat ay isapubliko rin nila dahil ang isa sa importanteng malaman ng taumbayan ay iyong isinagawa nilang imbestigasyon kay Leyte Rep. Martin Romualdez.
At kung paninindigan nila na huwag isapubliko ang mga detalye ng imbestigasyon nila sa mga nakaraang closed-door hearing, dapat imbitahan uli nila si Romualdez sa isasagawang live telecast na imbestigasyon sa mga sangkot sa flood control projects scam, boom!
XXX
MAG-ASAWANG DISCAYA, MALAPIT NANG MARANASAN SA CITY JAIL ANG BUHAY-IMPIYERNO --Tinuldukan na ng Office of the Ombudsman, ang pinakaaasam-asam nina Curlee at Sarah Discaya na maging state witness ng pamahalaan, dahil hindi na umano ito mangyayari sa kadahilanan na ang mag-asawang ito ang lumalabas na pinakasentro ng katiwalian sa flood control projects scam, tapos mistulang mga nagmamalaki pa na ayaw na nilang tumulong sa imbestigasyon ng ICI, Ombudsman at Dept. of Justice (DOJ).
Dahil tinapos na ito ng Ombudsman ay asahan na ng mag-asawang Discaya na kung nagbuhay-hari at reyna sila noong hindi pa nabubulgar ang pang-i-scam nila sa kaban ng bayan, ay malapit na nilang maranasan sa loob ng city jail ang mala-impiyernong buhay, abangan!
XXX
KAYA PALA NAGTATAGO NA SI GUTEZA DAHIL CONFIRMED PEKE ANG PIRMA NG ABOGADO SA KANYANG AFFIDAVIT -- Sinabi ni Sen. Ping Lacson na kinumpirma na ng Manila Regional Trial Court (RTC) na pineke ang pirma ng abogado na nasa sinumpaang salaysay ni retired Marine Sgt. Orly Guteza na nagsangkot kina Leyte Rep. Martin Romualdez at former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa pagtanggap umano ng bilyun-bilyong pisong kickback sa flood control projects scam.
Iyan pala ang dahilan kaya nagtatago na at hindi na mahagilap si Guteza dahil alam niya na ang ginawa niyang pamemeke sa pirma ng abogado at panloloko sa Senado ay may katumbas na kaso at parusa, boom!




