top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 16, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SINUPALPAL NI ROWENA GUANZON SI SEN. RISA HONTIVEROS SA PAG-EPAL NITO SA DESISYON NG SC NA IBALIK SA PHILHEALTH ANG PONDO NITO NA NAPUNTA SA BTr – Sinupalpal ni dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang pahayag ni Sen. Risa Hontiveros na ikinatuwa niya ang utos ng Supreme Court (SC) sa administrasyong Marcos na ibalik sa PhilHealth ang P60 bilyong pondo na nailipat noon sa Bureau of Treasury (BTr) ni dating Finance Secretary at ngayo’y Executive Secretary Ralph Recto.


Ayon kay Guanzon, wala raw “K” o karapatan si Sen. Risa na angkinin ang kredito o umepal sa desisyon ng Korte Suprema, dahil isa rin siya sa lumagda sa Bicameral Report noong 2024 General Appropriations Act (GAA) na nag-utos na ilipat ang reserve funds ng PhilHealth sa BoT.


Ano kaya ang magiging sagot ni Sen. Risa sa panunupalpal na ito ni Guanzon? Abangan!


XXX


KUNG INAAKALA NINA ZALDY CO AT SARAH DISCAYA NA MAKAKALUSOT SILA SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM, NAGKAKAMALI SILA – Sinabi noon ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na ni-“singko” raw siya at wala siyang kinuha sa mga alegadong kickback na idini-deliver niya sa magpinsang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at Leyte Rep. at dating Speaker Martin Romualdez. Kamakailan naman, iginiit ng kontratistang si Sarah Discaya na malinis ang konsensya niya at ng asawa niyang si Curlee dahil wala raw silang ginawang anomalya sa kanilang mga flood control projects.


Ngunit kung inaakala nina Zaldy Co at Sarah Discaya na makakalusot sila sa mga kasong malversation of public funds, graft, at bribery sa pamamagitan ng palusot na wala silang kasalanan, nagkakamali sila. Marami raw kasing ebidensya na nagpapakita ng kanilang pagkakasangkot sa flood control projects scam. Period!


XXX


HINDI DAPAT PATULAN NI CONG. LEILA DE LIMA ANG PAGHINGI NG TULONG SA KANYA NI RAMIL MADRIAGA – Inanunsyo ni ML Partylist Rep. Leila De Lima na humihingi raw ng tulong sa kanya si Ramil Madriaga, ang presong nagpakilalang kidnaper at sinasabing bagman ni Vice President Sara Duterte sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at illegal drugs. Ayon kay Madriaga, biktima raw siya ng sabwatang ginawa ni VP Sara at ng dating presidential spokesman na si Harry Roque, kaya daw siya nakasuhan ng kidnapping.


Ngunit hindi dapat patulan ni Cong. Leila ang hinihinging tulong ni Madriaga, dahil kung tutulungan niya ito, puwede itong ipakahulugan ng publiko na gusto lang niyang maka-resbak kay VP Sara. Lalo na’t ang administrasyon ng ama nito, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang nagpakulong sa kanya noon sa kasong may kinalaman sa illegal drugs. Boom!


XXX


PINUTAKTE NG BATIKOS SI SEC. VINCE DIZON DAHIL SA LABAN-BAWI NIYA SA PONDO NG DPWH – Pinutakte ng batikos si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon dahil sa laban-bawi niyang hakbang sa 2026 budget ng DPWH.

Nu’ng una, nagpabida si Sec. Dizon sa publiko nang sabihing dapat bawasan ang budget ng DPWH para maiwasan ang korupsiyon. Ayon sa kanya, kung maliit ang budget, mas madali niyang mababantayan ang kaban ng bayan sa kanyang kagawaran. Dahil dito, binawasan ng Senado at Kamara ang budget ng DPWH.


Ngunit sa Bicameral Conference, binaliktad ni Dizon ang kanyang dating pahayag. Ngayon, panawagan niya ay ibalik ang tinapyas na budget at magtiwala na lang daw ang Kongreso at taumbayan sa DPWH na kanyang pinamumunuan. Period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 15, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PABIDA NINA PBBM AT OMBUDSMAN REMULLA NA MAY MGA SENADOR AT EX-SENATORS NA MAGPA-PASKO SA CITY JAIL, SASABLAY? – Tila yata sasablay sina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) at Ombudsman Boying Remulla sa pabida nila na may mga "bigfish" o mga senador at ex-senators na sangkot sa flood control scandal ang magpa-Pasko sa city jail.


Ngayon kasi ay December 15, 2025 na, 10 araw na lang ay Pasko na, pero wala pa rin isinasampang kaso ang Ombudsman sa Sandiganbayan laban sa mga kurakot na senador at ex-senators na sangkot sa flood control projects scam, boom!


XXX


PANUKALANG ANTI-POLITICAL DYNASTY NG MAKABAYAN BLOC, MAKATOTOHANAN, ANTI-POLITICAL DYNASTY NINA CONG. SANDRO AT SPEAKER BOJIE, PEKE RAW? – Mas mainam umano ang anti-political dynasty bill na inihain ng Makabayan bloc—na kinabibilangan nina Kabataan Partylist Rep. Renee Co, Gabriela Partylist Rep. Sarah Elago, at ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio—kesa sa panukalang inihain nina Presidential Son, Ilocos Rep. Sandro Marcos, at Speaker Bojie Dy.


Sa panukala ng Makabayan bloc, hanggang ika-4 na antas ng magkakapamilyang pulitiko ang ipinagbabawal sabay-sabay na tumakbo, at isa lamang mula sa bawat angkan ang papayagang kumandidato sa anumang posisyon. Samantalang sa panukala nina Cong. Sandro at Speaker Bojie, hanggang ika-2 antas lamang ang bawal, at ipinagbabawal lamang ang sabay na manungkulan o magpalit-palit sa iisang posisyon. Pinapayagan pa rin ang magkakapamilya na sabay-sabay kumandidato, basta’t magkakaibang posisyon at magkakaibang distrito, probinsya, lungsod, o munisipyo ang kanilang tatakbuhan.


Ang malinaw na punto rito: ang panukala ng Makabayan bloc ay tunay na anti-political dynasty, samantalang ang panukala nina Cong. Sandro at Speaker Bojie ay peke, dahil mas pinapaboran nito ang political dynasty, period!


XXX


KAPAG MAY ICC-WARRANT OF ARREST NA, PARANG SINABI NI DILG SEC. JONVIC REMULLA, WALA NANG KAWALA AT TIMBOG AGAD SI SEN. DELA ROSA – Inanunsiyo ni Sec. Jonvic Remulla ng Department of Interior and Local Government (DILG) na binabantayan na ng Philippine National Police (PNP) ang galaw ni Sen. Ronald Dela Rosa.


Bagama’t hindi ito direktang sinabi ni Sec. Remulla, ipinahiwatig niya sa kanyang pahayag na sakaling may hawak na International Criminal Court (ICC) warrant of arrest ang PNP, madali nang matitimbog ang senador at maitaturnover sa Interpol upang ikulong sa ICC detention facility. Abangan!


XXX


KAPAG KUMANDIDATO PA RIN SINA SEN. ROBIN PADILLA AT MAYOR VICO SOTTO SA 2028 ELECTION, PAREHO SILANG WALANG PALABRA DE HONOR – May kumakalat na isyu sa social media na diumano’y nagkomento si Sen. Robin Padilla sa post ng isang Duterte Diehard Supporter (DDS) na hindi na raw siya kakandidato sa 2028 elections. Nauna rito, naglabas din ng pahayag si Pasig City Mayor Vico Sotto na hindi rin siya tatakbo sa anumang posisyon sa 2028 elections.


Dapat panindigan nina Sen. Padilla at Mayor Vico ang kanilang mga sinabi. Kapag bumalik sila sa kandidatura, tiyak na sasagasaan sila ng bashers sa social media at pagtatawanan na walang salita o palabra de honor ang kanilang mga pahayag, period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 14, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


ANTI-POLITICAL DYNASTY BILL NINA CONG. SANDRO AT SPEAKER BOJIE, PAMBUBUDOL DAW SA TAUMBAYAN – Pinuputakte ngayon ng pambabatikos ang bersyon ng anti-political dynasty bill nina Presidential Son, Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos at Speaker Bojie Dy kasi lumalabas na "pambubudol" lang umano ito sa publiko. Sa Section 5 ng panukala, ang lumalabas na ang ipinagbabawal lang ay sabay na manungkulan at magpalit-palit sa iisang posisyon ang mga magkakamag-anak na pulitiko.


Ibig sabihin, pinapayagan pa rin ang mga magkakamag-anak na pulitiko at sabay-sabay kumandidato basta huwag lang iisang posisyon at huwag lang maghahalilihan sa puwesto, na mistulang gusto pang gawing legal nina Cong. Sandro at Speaker Bojie ang political dynasty.


Halimbawa: May nakaupong senador, ang kanyang kapamilya ay hindi puwedeng kumandidato sa pagkasenador, pero puwedeng tumakbo sa pagka-congressman, governor o mayor; at sa pagka-congressman naman, puwedeng maging District 1 congressman si mister, at maging District 2 congresswoman si misis; at sa pagka-mayor, basta't sa iba't ibang city o municipality, puwedeng maging alkalde sina daddy, mommy, kuya, ate at bunso.


Akala ng publiko totoong pang-anti-political dynasty na ang isinulong nina Cong. Sandro at Speaker Bojie, peke pala, pambubudol lang daw sa taumbayan, mga pwe!


XXX


SABIHIN LANG NI VP SARA NA HINDI NIYA KILALA SI RAMIL MADRIAGA NA NANINIRA SA KANYA, TAPOS ANG ISYU – Binatikos ni Vice President Sara Duterte ang civil society group na nagsampa ng mga kasong plunder, bribery, malversation at graft sa kanya, na ayon sa bise presidente ay paninira lang ang mga ikinaso sa kanya. Pero sa isyu, ibinulgar ng isang kidnapper na preso na si Ramil Madriaga na nagsabing bagman siya ni VP Sara sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at illegal drugs, "no comment" pa rin ang vice president.

Dapat sagutin na ni VP Sara ang mga alegasyon sa kanya ni Madriaga, kasi matutuldukan lang ang mga paninira sa kanya kung sasabihin niyang hindi niya personal na kakilala ang taong ito, period!


XXX


HARRY ROQUE 'DINAGA' SA KANSELASYON NG KANYANG PASAPORTE – Hiniling ni former Presidential Spokesman Harry Roque sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) na baligtarin ang nauna nitong desisyon na kanselasyon sa kanyang pasaporte.

Ibig sabihin n’yan, "dinadaga" na rin si Roque sa ginawang pagkansela ng korte sa kanyang pasaporte dahil maaaring maging dahilan ito para ma-reject ang hirit niyang asylum sa The Netherlands, na maging sanhi para i-deport siya ng bansang ito pabalik sa ‘Pinas, boom!


XXX


DAMING EBIDENSYA NA GHOST, SUBSTANDARD AT UNFINISHED ANG FLOOD CONTROL PROJECTS NG MAG-ASAWANG DISCAYA, TAPOS SABI NI SARAH WALA RAW SILANG KASALANAN – Matapos na kusang sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI), sinabi ng kontratistang si Sarah Discaya na nadamay lang daw sila sa mga kaso, at iginiit niyang wala raw silang nagawang kasalanan sa flood control scandal.


Napakasinungaling daw talaga umano ni Sarah, kasi maraming ebidensya na ang mga proyekto nila ay ghost, substandard at unfinished, tapos ipinagyabang pa nila ang marangya nilang pamumuhay. Sa kuwentada ni Senate President Pro Tempore, nasa P207 billion ang na-scam nila sa kaban ng bayan mula year 2016 hanggang 2025, tapos ipapangalandakan niyang wala raw silang kasalanan, pwe!



 
 
RECOMMENDED
bottom of page