top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 29, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May katanungan ako tungkol sa trabaho ko sa ibang bansa bilang isang fitness instructor. Bago ako umalis dito sa Pilipinas, ang recruitment agency ko ay nagmandato na makapasa ako sa iba’t ibang pagsusuring medikal, na naipasa ko naman. Ngunit, pagdating ko sa ibang bansa, mayroon ulit iba’t ibang pagsusuring medikal na kailangan kong gawin. Pumayag akong sumailalim dito at isa sa mga pagsusuri sa akin ay nagkaroon ng resulta na kailangan kong magpatingin sa espesyalista para sa puso. Ako ay nagulat dito pero sumang-ayon pa rin akong magpatingin sa nasabing espesyalista. Ngunit bago pa man ako makapagpatingin, tinanggal na ako sa trabaho ko. Diumano ay hindi ako angkop bilang isang fitness instructor ayon sa employer ko sa ibang bansa. Ngayon, nandito na ako sa Pilipinas, maaari ko bang singilin ang recruitment agency ko para sa ilegal na pagkakatanggal sa akin sa trabaho? O, ang aking employer lamang ang dapat managot dito? Maraming salamat sa iyong kasagutan! -- Vangie



Dear Vangie,


Ayon sa kasong PNB vs. Cabansag (G.R. No. 157010, 21 Hunyo 2005, isinulat ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Artemio V. Panganiban), tinatamasa ng mga manggagawang Pilipino ang mga proteksyong ibinibigay ng ating mga batas sa paggawa; hindi alintana kung sila ay nagtatrabaho rito sa atin, o sa ibang bansa. Ipinaliwanag sa kaso na:


Whether employed locally or overseas, all Filipino workers enjoy the protective mantle of Philippine labor and social legislation, contract stipulations to the contrary notwithstanding. This pronouncement is in keeping with the basic public policy of the State to afford protection to labor, promote full employment, ensure equal work opportunities regardless of sex, race or creed, and regulate the relations between workers and employers. xxx” 


Sa ilalim naman ng Seksyon 10 ng Republic Act (R.A.) No. 8042, o “Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995,” na inamyendahan ng 7 ng R.A. No. 10022, binanggit ang patungkol sa money claims ng mga empleyado at kung sino ang may pananagutan dito:


“SEC. 10. Money Claims. - Notwithstanding any provision of law to the contrary, the Labor Arbiters of the National Labor Relations Commission (NLRC) shall have the original and exclusive jurisdiction to hear and decide, within ninety (90) calendar days after the filing of the complaint, the claims arising out of an employer-employee relationship or by virtue of any law or contract involving Filipino workers for overseas deployment including claims for actual, moral, exemplary and other forms of damage. Consistent with this mandate, the NLRC shall endeavor to update and keep abreast with the developments in the global services industry.


The liability of the principal/employer and the recruitment/placement agency for any and all claims under this section shall be joint and several. This provision shall be incorporated in the contract for overseas employment and shall be a condition precedent for its approval. The performance bond to be filed by the recruitment/placement agency, as provided by law, shall be answerable for all money claims or damages that may be awarded to the workers. If the recruitment/placement agency is a juridical being, the corporate officers and directors and partners as the case may be, shall themselves be jointly and solidarily liable with the corporation or partnership for the aforesaid claims and damages.


Such liabilities shall continue during the entire period or duration of the employment contract and shall not be affected by any substitution, amendment or modification made locally or in a foreign country of the said contract. xxx” 


Ibig sabihin, ang mga habol na nagmumula sa relasyon ng employer at ng empleyado, o sa bisa ng anumang batas o kontrata na kinasasangkutan ng mga manggagawang Pilipino para sa deployment sa ibang bansa, kabilang ang mga habol para sa aktwal, moral, at iba pang anyo ng danyos, ay karaniwang pananagutan ng principal o employer at ng recruitment/placement agency. Ito ay tinatawag na “joint and several” o parehong may pananagutan, hindi lamang sa kanilang bahagi, kundi pati na rin sa buong halaga ng hinahabol na salapi at/o danyos. Ang probisyong ito ay dapat kasama sa kontrata para sa pagtatrabaho sa ibang bansa at dapat isa sa mga kondisyon para sa pag-apruba nito.


Binigyang-diin ng ating Korte Suprema ang katuwiran sa likod ng pagpataw ng solidaryong pananagutan sa pagitan ng dayuhang employer at ng lokal na recruitment agency para sa mga habol ng isang empleyado na ilegal na tinanggal sa kanyang trabaho. Ayon sa kasong SRL International Manpower Agency et al., vs. Pedro S. Yarza (G.R. No. 207828, 14 Pebrero 2022, isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Ramon Paul L. Hernando):


“To reiterate, the liability of petitioners should be solidary, ‘as provided under Section 10 of RA 8042 or the Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, as amended, which mandates that the principal/employer, recruitment/placement agency, and its corporate officers and directors in case of corporations, shall be solidarily liable for money claims arising out of employer-employee relationship with [OFWs].’ SRL cannot hide behind the excuse of presumed non-participation in acts leading to a worker’s unjust dismissal and yet benefit from being the local manning agent when it is convenient or profitable.”


Malinaw sa mga kasong napagdesisyunan ng ating Korte Suprema na hindi lamang ang employer ang maaaring may pananagutan kung sakaling mapatunayan na ilegal ang pagkakatanggal sa isang manggagawa sa ibang bansa, kundi pati na rin ang recruitment agency na nagpadala sa kanya. Kaya naman sa iyong kaso, kung sakaling mapatunayan na ilegal na tinanggal ka sa iyong trabaho sa ibang bansa, maaaring managot ang iyong employer at pati na rin ang iyong recruitment agency dahil sila ay may solidaryong pananagutan para sa mga habol na patungkol sa iyong trabaho.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 29, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


ISA SI FORMER DPWH SEC. BONOAN SA DAPAT MANAGOT AT KASUHAN SA NAGANAP NA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Sa mga nagdaang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at House Infrastructure Committee, maging sa hearing ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay hindi masyadong nagigisa si former Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan.


Sana sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee at sa magiging live telecast na hearing ng ICI, dapat imbitahan uli at gisahin si Bonoan dahil sa panahon niya bilang DPWH sec. mula year 2022 hanggang 2025 ay nabulgar na may naganap ding garapalang pang-i-scam sa flood control projects ng DPWH.

Ang nais nating ipunto rito ay dapat isa si Bonoan sa managot. Isa siya sa dapat kasuhan sa flood control projects scam, period!


XXX


SA ISASAGAWANG LIVE TELECAST SA HEARING NG ICI, DAPAT IMBITAHAN ULI NILA SI REP. ROMUALDEZ -- Ayon sa ICI, sa gagawin na nilang live telecast ay hindi raw nila isasama sa isasapubliko ang mga nakaraang closed-door hearing ng komisyon.

Hindi puwede iyan, dapat ay isapubliko rin nila dahil ang isa sa importanteng malaman ng taumbayan ay iyong isinagawa nilang imbestigasyon kay Leyte Rep. Martin Romualdez.


At kung paninindigan nila na huwag isapubliko ang mga detalye ng imbestigasyon nila sa mga nakaraang closed-door hearing, dapat imbitahan uli nila si Romualdez sa isasagawang live telecast na imbestigasyon sa mga sangkot sa flood control projects scam, boom!


XXX


MAG-ASAWANG DISCAYA, MALAPIT NANG MARANASAN SA CITY JAIL ANG BUHAY-IMPIYERNO --Tinuldukan na ng Office of the Ombudsman, ang pinakaaasam-asam nina Curlee at Sarah Discaya na maging state witness ng pamahalaan, dahil hindi na umano ito mangyayari sa kadahilanan na ang mag-asawang ito ang lumalabas na pinakasentro ng katiwalian sa flood control projects scam, tapos mistulang mga nagmamalaki pa na ayaw na nilang tumulong sa imbestigasyon ng ICI, Ombudsman at Dept. of Justice (DOJ).


Dahil tinapos na ito ng Ombudsman ay asahan na ng mag-asawang Discaya na kung nagbuhay-hari at reyna sila noong hindi pa nabubulgar ang pang-i-scam nila sa kaban ng bayan, ay malapit na nilang maranasan sa loob ng city jail ang mala-impiyernong buhay, abangan!


XXX


KAYA PALA NAGTATAGO NA SI GUTEZA DAHIL CONFIRMED PEKE ANG PIRMA NG ABOGADO SA KANYANG AFFIDAVIT -- Sinabi ni Sen. Ping Lacson na kinumpirma na ng Manila Regional Trial Court (RTC) na pineke ang pirma ng abogado na nasa sinumpaang salaysay ni retired Marine Sgt. Orly Guteza na nagsangkot kina Leyte Rep. Martin Romualdez at former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa pagtanggap umano ng bilyun-bilyong pisong kickback sa flood control projects scam.


Iyan pala ang dahilan kaya nagtatago na at hindi na mahagilap si Guteza dahil alam niya na ang ginawa niyang pamemeke sa pirma ng abogado at panloloko sa Senado ay may katumbas na kaso at parusa, boom!


 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 29, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakakabahala pero totoo na marami sa mga tirahan sa ating bansa ang hindi kayang tumindig kapag yumanig na ang lupa. 


Kaya naman sa gitna ng madalas na lindol sa Pilipinas, nanawagan si Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. sa mga local government units (LGUs) na tulungan ang mga residente, lalo na ang mga walang kakayahang kumuha ng civil engineer, upang maipatayo o mapaayos ang kanilang mga tahanan nang naaayon sa earthquake-resilient design. 


Sa isang press conference kamakailan sa Visayas, binigyang-diin ni Solidum na ang pangunahing sanhi ng pagkamatay tuwing lindol ay ang pagguho ng mga bahay at gusali, mga istrukturang itinayo nang walang tamang plano o mga gawa sa mga substandard na materyales.


Sa mga nangyaring lindol sa Cebu at Davao Oriental, nabatid ng ahensya na karamihan umano sa mga nag-collapse na gusali ay sa lower level at top heavy o kulang sa structural balance, isang malinaw na senyales ng mahinang disenyo. Minsan pa, ang istruktura ay substandard materials. 


Batay sa datos, 79 na ang nasawi sa Cebu earthquake habang 10 naman sa Davao Oriental, na pawang resulta ng pagkawasak ng mga tirahan. 


Nakakaalarma rin na sa pagtataya ni Solidum, 40 porsyento ng mga bahay ay “non-engineered”, ibig sabihin ay itinayo nang walang gabay at serbisyo ng isang lisensyadong inhinyero o civil engineers. 


Kaya hinikayat ng kalihim ang mga LGU na magbigay ng tulong teknikal lalo’t pinansyal, para sa mga kababayang gustong gawing mas matibay sa lindol ang kanilang mga tirahan. Dapat tiyakin ng mga pamahalaang lokal na ang mga bahay ay sumusunod sa National Building Code, upang maiwasan ang mga sakuna na dulot ng kahinaan sa disenyo at konstruksyon. 


Bilang tugon, pinaigting na rin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ng DOST ang kanilang “How Safe is My House? app” na inilunsad noong 2021. Sa tulong ng app, maaaring magsagawa ng self-assessment ang mga may-ari ng bahay upang malaman kung ligtas at maayos ang pagkakagawa ng kanilang tirahan. 


Ayon sa kagawaran, ang resulta ay magsisilbing paunang pagsusuri, kasunod nito ang paghingi ng tulong at rekomendasyon sa mga eksperto para matukoy kung kailangan ng pagpapatibay o retrofit ng bahay. 


Ang pagiging matatag ay hindi lang sa drills at posters nakikita, kundi sa mismong pundasyon ng mga tahanan. Hindi natin maiiwasan ang lindol pero ang pagkasawi at epekto nito ay maaaring mabawasan o mapigilan kung ang bawat tirahan ay itinayo nang maayos, may tamang materyales at hindi tinipid, habang magdudulot naman sa atin ng kapahamakan kung ipapagsawalang-bahala lamang. 


Kung tutuusin, hindi lang materyales ang kailangan sa pagbuo ng bahay, kailangan din nito ng siyensya, pagmamalasakit at tamang gabay ng gobyerno. Tungkulin ng kinauukulan na protektahan at pangalagaan ang kanilang mga nasasakupan anumang unos at sakuna ang dumating.

  

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page