- BULGAR
- Oct 31
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | October 31, 2025

Pag-usapan naman natin kahit panaka-naka ang mga paksang magagaan ngunit may dalang aral sa buhay, bilang pampaluwag sa ating nagsisikip na dibdib sa gitna ng mga nagaganap na kasalimuotan sa bansa.
Maikuwento ko sa inyo na ako ay naanyayahan kamakailan sa isang okasyon ng pagpapabasbas ng tahanan diyan sa gawi ng Taguig City. Itinuturing ko sa tuwinang isang pribilehiyo ang maimbitahan sa isang tahanan, lalo pa sa isang house blessing, sapagkat simbolo ito ng pagtitiwala, pagiging tapat na magkaibigan, at pagiging bukas at mababang-loob sa isa't isa.
Ang pagkakataong makatuntong sa isang tahanan mula sa isang personal na paanyaya, na may kasama pang tamis ng pagtawag sa telepono para ipaalala ang okasyon, ay pagpapamalas ng sinseridad at pagpapahalaga sa kapwa — na nakapagpapalalim ng samahan ng magkakaibigan.
Kagalakan kong banggitin ang isa sa may-ari ng tahanan at sinserong kaibigang si Nenita (Tita Nitz) Franco De Mesa, na sa kanyang gulang na mahigit sitenta ay kinapulutan ko ng mga aral at paalala sa buhay, na akin namang isinasapuso. May kasabihan nga, kapag ika’y nakatagpo ng gabay sa landas ng buhay ay paglaanan mo ng panahon ang pakikinig sa kanya.
Tulad ng ginto, ang karunungan ay pinapalalim ng pagkakabatid at pagkatuto mula sa mga karanasang pinagdaanan na ng iba, hindi lamang sa mga sariling karanasan, kalakip ang pagsasabuhay ng mga leksyong mula rito.
Ang ama nina Tita Nitz na si Felix De Mesa ay yumao sa edad na 100 at apat na buwan. Samantalang kanilang ina naman na si Pacita Franco ay pumanaw sa gulang na 104. Kagila-gilalas na narating nila ang pagiging centenarian — tanda ng pagpapala at biyaya ng Maykapal.
Isa ang mga Franco sa apat na kilalang pamilyang nagmamay-ari rin ng mga lupa noon pang araw diyan sa Taguig. Bagama't mas maykaya ang napangasawa, nagsumikap naman ng husto si Lolo Felix kasama ang kanyang kabiyak na si Lola Pacita, sa pamamagitan ng kabi-kabilang paghahanapbuhay. Ginampanan ni Lolo Felix ang pagiging ama ng tahanan at gabay ng kanilang pitong anak — bagay na dapat tularan ng maraming lalaki lalo na sa panahon ngayon.
Ang laging pangaral kina Tita Nitz ni Lolo Felix ay huwag magpapatubo kapag may mga nangungutang na nangangailangan, sapagkat ito’y lalong panggigipit at pananamantala sa kapwang dumaraan sa hamon ng pagkakataon. Ang maging patas sa kapwa ang kanyang laging paalala, bagay na halukipkip ni Tita Nitz sa kanyang matagumpay na pangingibang bansa bilang OFW noong araw.
Samantala, ang pag-estima naman ni Mommy Consolacion (Choleng) De Mesa (na kapatid ni Tita Nitz), ang kanyang pagpapadama ng kababaang loob, pagyakap ng mahigpit sa tuwina, at ang kanyang pagiging bukas ng loob, ay salamin ng pagiging ina.
Nakatutuwa ring nakilala namin ang isa pa nilang kapatid na lalaki, na sa edad na lampas sitenta ay wala ring maintenance medicines na iniinom, at ang sikreto pala niya ay ang tuwinang pagkain ng bayabas.
Hindi lamang iyan, nakausap rin natin ng matagal ang kanilang pinsang 86 ang edad na hanggang ngayon ay nagsisilbi pa bilang doktora na napakaraming pasyente sa Laguna. Napakatatas pa ng kanyang pananalita, makuwento ng mga iba't ibang kasaysayan sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas na hitik sa pananariwa ng nakaraang tila kailan lang. Walang alalay sa paglalakad, at lalong walang tungkod. Ang kagila-gilalas pa ay nakakasakay pa si doktora sa Angkas at e-bike! Wala rin siyang maintenance medicine, at bitamina A, C, E, at B lamang ang kanyang iniinom araw-araw. Aniya, sa pagkain, laging tatandaan: ang lahat ng sobra ay masama.
Isang taos-pusong pasasalamat, Tita Nitz, at sa’yong katuwang na si Meanne, kay Mommy Choleng, at sa buong pamilya. Kaibigan ko kayo habambuhay. Salamat at hinayaan niyo akong ibahagi ang inyong kasaysayan upang kapulutan ng iba ng saganang aral.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.






