ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 1, 2025

Dear Chief Acosta,
Nahuli ang kaibigan ko kasama ang mga dalagita na ni-recruit niya upang magtrabaho sa isang club bilang mga serbidora. Ang kaibigan ko diumano ay kakasuhan ng trafficking in persons. Sinabi ng kaibigan ko na wala siyang pananagutan sa batas dahil hindi naman sila naaktuhan na ginagamit ang mga serbidora sa prostitusyon noong sila ay nahuli ng kapulisan. Totoo ba ito? -- Berline
Dear Berline,
Para sa iyong kaalaman, ang trafficking in persons ay paglabag sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012. Sa Section 3 (a) ng nasabing batas, ito ay may depinisyon na:
“Refers to the recruitment, obtaining, hiring, providing, offering, transportation, transfer, maintaining, harboring, or receipt of persons with or without the victim’s consent or knowledge, within or across national borders by means of threat, or use of force, or other forms of coercion, abduction, fraud, deception, abuse of power or of position, taking advantage of the vulnerability of the person, or, the giving or receiving of payments or benefits to achieve the consent of a person having control over another person for the purpose of exploitation which includes at a minimum, the exploitation or the prostitution of others or other forms of sexual exploitation, forced labor or services, slavery, servitude or the removal or sale of organs.
The recruitment, transportation, transfer, harboring, adoption or receipt of a child for the purpose of exploitation or when the adoption is induced by any form of consideration for exploitative purposes shall also be considered as ‘trafficking in persons’ even if it does not involve any of the means set forth in the preceding paragraph”.
Ang pagre-recruit sa mga dalagita para magtrabaho sa isang club na kadalasan pinamumugaran ng prostitusyon ay maaaring maituring na “acts of trafficking in persons”. Ito ay partikular na nakapailalim sa Section 4 (a) sa nabanggit na batas na: “to recruit, obtain, hire, provide, offer, transport, transfer, maintain, harbor, or receive a person by any means, including those done under the pretext of domestic or overseas employment or training or apprenticeship, for the purpose of prostitution, pornography, or sexual exploitation.”
Hindi kailangan na maaktuhan na ginagamit sa prostitusyon ang mga biktima para mapanagot ang inaakusahan ng trafficking in person. Sa kasong may pamagat na People of the Philippines vs. Leocadio, G.R. No. 237697, July 15, 2020, sinabi rito ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Diosdado M. Peralta na:
“The fact that there were no actual indecent shows that were performed by the victims, except for BBB, is immaterial. It is not necessary that the victims have performed or are performing the act of prostitution or sexual exploitation at the time when the perpetrators were apprehended. The material fact in the crime charged is that the purpose of the perpetrators is to engage the victims in the said act of prostitution or sexual exploitation”.
Sa iyong sitwasyon, ang kailangan lang mapatunayan sa trafficking in person ay ang mga elemento nito at ang layunin ng salarin na gamitin ang mga biktima sa prostitusyon o seksuwal na pagsasamantala para siya ay mapanagot sa batas. Kaya ang katwiran ng kaibigan mo na wala siyang pananagutan sa batas dahil hindi naman nahuli na ginagamit sa aktuwal na prostitusyon ang mga biktima ay hindi importante o walang legal na basehan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.






