ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 2, 2025

PARA MAGTIWALA ANG MAMAMAYAN SA ICI, ISAPUBLIKO LAHAT NG MGA SEN. AT CONG. NA MAY INSERTIONS SA BICAM -- Nawala ang tiwala ng publiko sa itinatag ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil nagsagawa ito ng closed-door investigation sa mga sangkot sa flood control projects scam, na ‘ika nga kahit inanunsyo na ng ICI na isasapubliko na nila ang kanilang mga next hearing ay matabang pa rin ang pagtanggap dito ng mamamayan.
Kung nais ng ICI na makabawi sila ng pagtitiwala ng publiko, simple lang ang dapat nilang gawin at ito ay gumawa sila ng sarili nilang website at ilagay dito ang lahat ng mga senador at kongresista na nag-insert sa bicameral budget hearing ng mga flood control project, period!
XXX
POLITICAL FAMILY NG ESPINA SA BILIRAN, KINASUHAN NG PLUNDER, DAPAT GANYAN ANG GAWIN SA IBANG MAY POLITICAL DYNASTY NA NASASANGKOT SA KATIWALIAN, BUONG ANGKAN KASUHAN -- Isang nagngangalang Lord Allan Garcia ang nagsampa ng kasong plunder sa Ombudsman laban sa magkakapatid na sina Biliran Gov. Roger Espina, Vice Gov. Roselyn Espina-Paras, Rep. Gerryboy Espina at sa anak ni Gov. Roger na si Naval, Biliran Mayor Gretchen Espina, na ayon sa nagrereklamo ay sangkot ang pamilya Espina sa mga substandard at mga depektibong infrastructure project sa lalawigan.
Kung totoo ang alegasyon at sa huli mapatunayang guilty ang political family na ito sa Biliran ay maaari pala silang magsama-sama sa kulungan.
Aba’y iyan pala ang magandang gawin ng mamamayan sa mga political dynasty, kung may ginawang katiwalian, ang buong angkan nila, sampahan ng kasong plunder, boom!
XXX
MALA-PALASYO, MALA-MALL NA BAHAY NG PAMILYA DISCAYA KUMPISKAHIN DIN AT ISUBASTA -- Sa Nobyembre 15, 2025 ay uumpisahan na ng Bureau of Customs (BOC) ang pagbebenta sa mga smuggled na luxury cars ng pamilya Discaya.
Sana kapag ang lahat ng luxury cars ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ay naisubasta na, ang next na kumpiskahin ng gobyerno at isubasta ay ang mala-palasyo at mala-mall na tirahan ng pamilya Discaya, kasi hindi naman nila pera ang ginasta sa pagpapagawa ng napakarangya nilang mga bahay kundi mula ‘yan sa pera ng bayan na in-scam nila, period!
XXX
PARAMI NANG PARAMI ANG MGA KURAKOT KAYA PARAMI RIN NANG PARAMI ANG MGA NAGHIHIRAP SA ‘PINAS -- Sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS) ay 50% o kalahati ng populasyon ng pamilyang Pilipino ang nagsabi na nananatili silang mahirap sa panahon ng Marcos administration.
Dahil parami nang parami ang mga kurakot sa bansa, hindi naman talaga kataka-taka na parami rin nang paraming pamilyang Pinoy ang patuloy na nakakaranas ng hirap sa ‘Pinas, tsk!






