top of page
TALKIES - MAYOR VICO, UMAMING NEVER NAISIP MAG-SHOWBI-IG _vicosotto.jpg
Search

ni Leonida Sison @Boses | July 13, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa panahon na mas mulat na ang publiko sa panganib ng secondhand smoke, nararapat lamang na manaig ang kapakanan ng nakararami kaysa sa kaginhawaan ng iilang patuloy na naninigarilyo o nagva-vape. Ang usaping ito ay hindi lamang tungkol sa personal na bisyo kundi sa karapatan ng bawat mamamayan na makahinga ng malinis at ligtas na hangin.


Dahil dito, nanawagan ang mahigit 25 citizen groups sa pamumuno ng Social Watch Philippines (SWP) kay Manila City Mayor Isko Moreno na ipagbawal ang lahat ng indoor smoking at vaping areas sa lungsod. Ayon sa mga grupo, walang ventilation system ang kayang ganap na alisin ang panganib ng usok sa loob ng mga saradong lugar kaya nananatiling nalalantad ang publiko sa secondhand smoke.


Kabilang sa mga sumuporta sa panawagan ang mga samahan ng mga tindero, senior citizens, health workers, kabataan, LGBTQ members, at mga residente mula sa iba't ibang komunidad sa Maynila. Anila, panahon nang palakasin ang mga polisiyang tunay na magbibigay ng proteksyon sa kalusugan ng bawat Manileño.


Ipinaliwanag ng mga grupo na bagama't pinapayagan ng kasalukuyang batas ang pagkakaroon ng smoking o vaping area sa bawat establisimyento, maaari pa rin itong ilagay sa loob ng gusali. Gayunman, binigyang-diin ng World Health Organization (WHO) na walang anumang ventilation system ang kayang pigilan ang pagkalat ng mapanganib na usok sa enclosed spaces. Iginiit din ng WHO na walang ligtas na antas ng exposure sa usok ng tabako at tanging isang ganap na smoke-free environment ang makapagbibigay ng sapat na proteksyon laban sa secondhand smoke.


Kasabay nito, hinikayat din ang mga local government unit na higpitan ang pagpapatupad ng smoke-free at vape-free ordinances. Umaasa ang mga grupo na magiging pagkakataon ito para sa pamahalaang lungsod ng Maynila na magpatupad ng mas mahigpit na polisiya laban sa paninigarilyo at vaping sa loob ng mga gusali.


Bukod sa pagbabawal ng indoor smoking at vaping, isinusulong din ng mga grupo ang pagbabawal sa pagbebenta ng sigarilyo nang tingi, paghihigpit sa mga patalastas at promosyon ng tobacco products, pagbuo ng Smoke-Free and Vape-Free Task Force, at paglalaan ng sapat na pondo para sa pagpapatupad ng batas, pananaliksik, at mga programang magpapalawak ng kaalaman tungkol sa masamang epekto ng paninigarilyo at vaping.


Batay sa datos ng Manila Health Department, umabot sa 44,000 ang naitalang pagpapaospital sa Maynila mula 2020 hanggang 2025 dahil sa mga sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo. Ayon sa mga grupo, posibleng mas mataas pa ang tunay na bilang dahil marami sa mahihirap na residente ang hindi agad nagpapagamot dahil sa kakulangan sa pera.


Ang panawagang ito ay nakatuon sa kapakanan ng lahat, lalo na ng mga manggagawa, bata, senior citizen, buntis, at iba pang hindi naninigarilyo ngunit araw-araw na nalalantad sa usok. Kung tunay na prayoridad ang kalusugan ng publiko, mahalagang pairalin ang mga patakarang magtitiyak ng mas ligtas na kapaligiran. Ang malinis na hangin ay hindi pribilehiyo kundi pangunahing karapatan ng bawat Pilipino.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 12, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Sa Artikulo XIII ng ating Saligang Batas, na isinalin sa Wikang Filipino, nakasaad ang pagkilala ng Estado sa karapatan ng mga mamamayang Pilipino sa repormang pansakahan at panlikas na yaman. Sa Seksyon 4 ng nasabing artikulo, kinilala ng Estado ang karapatan ng mga magsasaka at mga regular na manggagawa sa bukid na walang pagmamay-aring sakahang lupa na magkaroon ng tuwiran o sama-samang pagmamay-ari nito. Sa iba pang mga manggagawa sa bukid, kinikilala rin ng Estado ang kanilang karapatan na tumanggap ng makatarungang bahagi sa mga bunga ng lupang kanilang sinasaka. Tungo sa layuning ito, dapat magpasigla at magsagawa ang Estado ng makatwirang pamamahagi ng mga lupang pansakahan.


Ito ay isasailalim sa mga prayoridad at sa makatwirang angkop na sukat na itatakda ng Kongreso, na may pagsasaalang-alang sa mga konsiderasyong pang-ekolohiya, pangkaunlaran, at batay sa pagbabayad ng makatwirang kabayaran. Kaya naman, dapat igalang ang mga karapatan ng maliliit na may-ari ng lupa sa pagtatakda ng mga retention limit at maglaan ang Estado ng mga insentibo para sa boluntaryong pagbabahagi ng lupa. 


Upang maisakatuparan ng Estado ang adhikaing ito ay isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law of 1998, na inamyendahan naman ng R. A. No. 9700. Nakapaloob sa mga batas na ito ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng pamahalaan na naglalayong pagkalooban ang mga walang lupang magsasaka at manggagawa sa bukid ng pagmamay-ari sa mga lupang sakahan. Ito ay upang makibahagi ang mga magsasaka sa mga lupang kanilang sinasaka. Sakop ng nabanggit na batas ang mga pribadong sakahan at pati na rin mga pampublikong lupain na ginagamit bilang sakahan. 

         

Ang mga pribadong agricultural landowners na sakop ng programang ito ay mabibigyan ng sapat na kabayaran para sa lupain na kanilang ibabahagi sa mga kwalipikadong magsasaka na nagtatrabaho sa kanilang lupain. Sa ilalim ng CARP, walang sinuman ang magmamay-ari ng lupang sakahan nang mas higit sa limang ektarya. Ang bawat anak ng landowner ay mabibigyan ng tatlong ektarya bawat isa kung ang nasabing mga anak ay may edad na 15 pataas at sila ay aktuwal na nagtatrabaho sa nasabing lupain o direktang namamahala nito. (Section 6, R.A. No. 6657).

     

Ang pamamahagi ng lupang sakahan ay isasagawa matapos na maisagawa ang nararapat na kabayaran sa mga nagmamay-ari ng lupang sakahan. Sang-ayon sa batas, babayaran muna ng Landbank of the Philippines (LBP) ang may-ari ng lupang sakahan. Matapos nito, babayaran naman ng magsasaka ang lupa sa LBP sa pamamagitan ng thirty (30) annual amortizations. Ang utang na ito ay may anim 6 porsyento interes kada taon. Ang pagbabayad nito ay magsisimula matapos ang isang taon mula sa araw na naipagkaloob ang Certificate of Land Ownership Award Registration o matapos na ang sakahan ay maukopa kung ang pagkakaloob ng nasabing sertipikasyon ay mauuna kaysa sa pag-okupa sa sakahan. Lalabas na nakasangla ang nabanggit na sakahan sa LBP at maaaring i-foreclose ito kapag hindi nakabayad ang magsasaka ng pinagsamang tatlong taong hulog. (Section 26, R.A. No. 6657, as amended)


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 12, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez





DAPAT IBASURA NG SENADO ANG ANTI-POLITICAL DYNASTY (KUNO) VERSIONS NINA SPEAKER BOJIE AT CONG. SANDRO – Dapat ibasura ng Senado ang ipinasa ng House of Representatives (HoR) na bersyon ng anti-political dynasty bill nina Speaker Bojie Dy at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos.


Malinaw kasing taliwas ito sa tunay na diwa ng anti-political dynasty. Sa panukala, ipinagbabawal lamang ang sabayang pagtakbo sa national positions ng magkapatid, mag-ama o mag-ina, pero pinapayagan pa rin ang magkakapamilya na sabay-sabay na kumandidato sa iba't ibang posisyon tulad ng senador, kongresista, gobernador, bise gobernador, mayor, bise mayor at konsehal. Sa madaling salita, hindi ito tunay na anti-political dynasty, kundi pabor pa rin sa mga pamilyang politiko.


Ang tunay na anti-political dynasty ay iyong isa lamang sa bawat angkan ang maaaring kumandidato, at hindi ang buong pamilya ang sabay-sabay na tatakbo sa iba't ibang posisyon. Period!


XXX


TIBA-TIBA NA NAMAN ANG MGA BUWAYA SA P7.2 TRILLION 2027 NATIONAL BUDGET – Aprub kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ang panukala ng Department of Budget and Management (DBM) na P7.2 trilyong national budget para sa 2027.


Napakalaki ng halagang ito, kaya sana'y matiyak na mapupunta ito sa mga programang tunay na makikinabang ang mamamayan at hindi sa bulsa ng mga tiwaling opisyal. Boom!


XXX


TAMA ANG DESISYON NI CONG. KIKO BARZAGA NA HUWAG KUMANDIDATO SA SPECIAL ELECTION KASI MANALO MAN SIYA, BAKA TANGGALIN ULI SIYA SA KAMARA DAHIL ANTI-MARCOS SIYA – Nag-post si dating Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na pakiramdam niya ay dadayain lamang siya sa special election sa Agosto 2026 sa kanilang distrito, kaya nagpasya na lang siyang huwag nang kumandidato.


Kung iyon ang naging desisyon niya, dapat itong igalang. Gayunman, kung ang dahilan ay takot na madaya sa halalan, nararapat lamang na matiyak ng mga kinauukulan na magiging malinis, patas, at kapani-paniwala ang magiging takbo ng special election. Period!


XXX


MGA KONGRESISTA SA MGA LUGAR NA BINAHA DAHIL SA BAGYONG INDAY AT HABAGAT, DAPAT IBASURA SA 2028 ELECTION – Maraming lugar ang binaha dahil sa bagyong Inday at Habagat.


Kaya sa mga residente sa mga lugar na binaha, huwag n'yo nang iboto sa 2028 election ang inyong kongresista kung palaging binabaha ang inyong lugar at walang maayos na flood control projects. Baka may dapat silang ipaliwanag. Boom!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page