ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 12, 2025

PARA HINDI PAMARISAN NG IBANG ALKALDE, DAPAT SUSPENDIHIN NI DILG SEC. JONVIC REMULLA ANG MGA MAYOR NG CEBU NA NAGSIPAG-EUROPE PA KAHIT MAY PAPARATING NA BAGYONG TINO -- Hinihingi ni Sec. Jonvic Remulla ng Dept. of the Interior and Local Gov’t. (DILG) sa Cebu government ang listahan o pangalan ng mga alkalde sa lalawigan na nagawa pang mag-travel sa Europe sa kabila na may babala na ang PAGASA na may paparating na malakas na bagyo na ang pinakatumbok ay ang probinsyang ito.
Tama iyang ginawa ni Sec. Jonvic at kapag napatunayan sa imbestigasyon na hindi naman importante at pagliliwaliw lang sa Europe ang pakay ng mga alkaldeng ito, dapat suspendihin agad sila para hindi pamarisan ng ibang mayor dahil hindi talaga katanggap-tanggap na alam naman nilang sasalantain ng Bagyong Tino ang mga nasasakupan nilang cities at municipalities sa Cebu, eh mga nagsipaglayas, mga nagsipag-Europe pa, mga pwe!
XXX
DAPAT MAGKAISA ANG MAMAMAYAN NA TULIGSAIN ANG MGA MINING, QUARRYING AT LOGGING COMPANIES NA SUMISIRA SA SIERRA MADRE – Bagama’t napakalakas ng Bagyong Uwan, pero ito ay hindi nakapaminsala nang husto matapos na malusaw nang bumangga sa mga kabundukan ng Sierra Madre sa Luzon.
Hindi lang ang Super Typhoon Uwan ang pinahihina ng Sierra Madre, kundi marami pang ibang bagyo na kapag dumaan sa kabundukang ito ay talaga namang nalulusaw kaya’t hindi gaanong nakakapaminsala sa mga lugar at taumbayan.
Ang Sierra Madre ay biyaya ng Panginoon na dapat ingatan at pahalagahan dahil pinuprotektahan nito ang mamamayan laban sa mga mapaminsalang mga bagyo, kaya’t dapat magkaisa ang mga Pinoy na tuligsain ang mga mining, quarrying at logging companies na sumisira sa kabundukang ito, period!
XXX
BUTI PA SI BULACAN GOV. DANIEL FERNANDO NILABANAN ANG MGA MINING, QUARRYING AT LOGGING COMPANIES NA SUMISIRA SA SIERRA MADRE, ANG IBANG GOV. SA LUZON WA’ PAKI -- Sa ngayon ay isa pa lang sa mga gobernador sa Luzon ang nagpakita ng malasakit sa Sierra Madre, at ito ay si Bulacan Gov. Daniel Fernando na noong August 2022 ay nagpalabas ng executive order na nagbabawal sa mga mining, quarrying at logging companies na wasakin ang parte ng kabundukang ito (Sierra Madre) sa nasasakupan ng Bulacan.
Kung may malasakit ang ibang gobernador sa kanilang mga kababayan at sa kalikasan, tularan nila si Gov. Fernando, pagbawalan din nila ang mga mining, quarrying at logging companies sa ginagawa ng mga ito na pagwasak sa nasasakupan nilang kabundukan ng Sierra Madre, plis lang!
XXX
HINDI PALA SAFE SI SEN. DELA ROSA SA BAGONG SC EXTRADITION RULES --Sinabi ni Atty. Michael Tiu, legal analyst ng University of the Philippines (UP)-College of Law na kung sakaling may warrant of arrest na ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald Dela Rosa sa posibleng ikaso sa kanya na crimes against humanity ay hindi raw maaaring i-apply dito ang bagong inilabas na extradition rules ng Supreme Court (SC), dahil hindi umano ito kaso na may usapin tungkol sa extradition, at sa halip ang kailangan daw gawin ng pamahalaan ay dalhin at isuko ito sa pamamagitan ng transfer of custody sa ICC sa The Hague, The Netherlands.
Dahil sa sinabing iyan ng UP-legal analyst, hindi pala safe si Sen. Dela Rosa sa bagong extradition rules ng SC, na kapag may warrant of arrest na siya, kapag lumabas siya ng Senado, sakote ang aabutin niya sa Interpol, boom!





