top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | November 14, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakauwi na rin sa wakas sa lupang sinilangan ang 346 na overseas Filipino workers (OFWs) na naging biktima ng human trafficking at sapilitang pinagtatrabaho sa mga online scam hubs sa Myanmar — isang pagbabalik ito na simbolo ng pag-asa, katarungan, at panibagong simula. Pinangunahan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) ang repatriation, ang pinakamalaking batch ng mga nailigtas mula Myanmar.


Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, dumating sila sa NAIA Terminal 1 sakay ng chartered flight mula Bangkok, Thailand, bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pauwiin ang lahat ng biktima ng human trafficking sa Myanmar at kalapit na bansa. 


Sinabi ni Cacdac, nasa maayos na kalagayan ang lahat ng repatriates. Ang mga OFWs na ito ay sasailalim sa psychosocial counseling, medical checkup, at bibigyan ng transportation at accommodation assistance. Dagdag pa rito, makatatanggap din sila ng tulong pinansyal, reintegration programs, at training vouchers mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang makapagsimula muli ng marangal na kabuhayan. 


Kabilang sa mga nakauwing safe na OFWs ay ang 127 na pormal na kinilalang biktima ng trafficking at 219 mula sa Mae Sot Immigration Facility sa Thailand. 

Kasalukuyang isinasagawa ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang imbestigasyon upang matukoy ang mga recruiter at kasabwat sa operasyon ng illegal recruitment at human trafficking. 


Paliwanag naman ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, karamihan sa mga biktima ay naengganyo sa pamamagitan ng pekeng social media job ads na nangangakong mataas ang sahod bilang “chat support” o “online staff.” Sa halip, napilitan silang magtrabaho sa cyber-scam compounds na naging marahas at naabuso. Ilan pa sa kanila ay ipinupuslit sa mga backdoor routes sa Palawan at Tawi-Tawi upang makaiwas sa immigration checks. 


Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang ating gobyerno sa Thailand at Myanmar para mapanagot ang mga sindikato at masagip ang natitira pang biktima. 


Ngunit higit sa lahat, panawagan ito sa mga Pinoy na nangangarap magtrabaho abroad na mag-ingat, mag-verify, at dumaan sa tamang proseso. Dahil sa panahon ngayon, hindi lahat ng oportunidad sa socmed ay tunay, ang ilan ay pain lang ng mga mapanlinlang na recruiter. 


Sana sa pagkakataong ito sila ay magkaroon na ng magandang buhay sa loob ng bansa, at maka-recover sa mga nangyari sa kanila. 


Sa kinauukulan, tuluy-tuloy sana ang pagsagip sa ating mga kababayan na patuloy na nakakaranas ng pang-aapi sa ibang bansa, at agarang maabutan ng tulong para makauwi ng ligtas sa kanilang pamilya at makapagsimula ng bagong buhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | November 13, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Pinagpipiyestahan ngayon sa mainstream at social media ang expose o pasabog ng beteranong kolumnista na si Mon Tulfo.


Buong tapang niyang binanggit sa “listahan” ang mga Duterte bilang kasabwat umano sa destabilisasyon.


----$$$---


NASABAY ang expose sa nakatakdang malaking kilos-protesta na inorganisa mismo ng INC.

Sa isang Facebook post, lantaran niyang binanggit ang mga pangalan nina Cong. Pulong Duterte, VP Sara Duterte at ex-Gov. Chavit Singson.


-----$$$--


SA likod ng mga ulat, imina-marites din na kakutsaba umano ng mga financer ang mga kontraktor na isinasangkot sa multi-bilyong anomaly sa flood control projects.

Iyan na mismo — ang motibo, makalusot sila sa kaso at imbestigasyon.


----$$$--


NATOTORETE umano ang mga “bida” dahil nakatakda nang isampa sa Sandiganbayan ang multi-bilyong pisong kaso.

Nagpa-panic raw ang mga kolokoy dahil “walang piyansa” — at walang duda na makakalaboso ang mga ito.


-----$$$--


SINASABING aabot sa higit 1,000 katao ang maaaresto at makukulong dahil higit sa 400 flood control projects ang iniimbestigahan.

Ang bawat proyekto ay pinaniniwalaang may tig-20 katao o personalidad ang suspek na makukulong mismo.


-----$$$--


SA totoo lang, maaga pa lamang ay ginagawa at inihahanda na ang lugar kung saan idedetine o ikalalaboso ang mga potensyal na akusado.

Hindi ito lihim, bagkus ay inilalantad mismo ng DILG.


----$$$--


Nag-aalala ang ilang nagmamasid sa hinalang isang pakana ang malawakang rally upang maiupo umano si VP Sara.

Ikinababahala rin na maabsuwelto ang mga akusado sa flood control projects at maituloy ang walang habas na pandarambong sa kaban ng bayan.


----$$$--


TINUKOY sa listahan ang mga pangalan ng ilang retiradong heneral at ilang aktibong pulitiko.

Kasama rin ang ilang popular na mga abogado ng bansa pero hindi pa sila nagbibigay ng kanilang mga opisyal na pahayag hinggil sa naturang expose.


----$$$--


HABANG nagbibinhi ng sigalot at kaguluhan ang mga elitist, nagdurusa naman sa hindi maresolbang baha ang ordinaryong mamamayan.

‘Nakatunganga’ rin ang mga biktima ng kalamidad — lindol at bagyo.


----$$$--


ANG mga nasasaksihan natin ay malinaw na may motibong pansarili lamang.

Dapat ay maghunos-dili ang mga may pakana at maumpog ang ulo upang mamulat sa katotohanan.


----$$$--


BAGAMAN umaani ng kontra-batikos si Tulfo, pinaninindigan niya ang kanyang expose.

“Don’t ask me where I got the info. I won’t tell kahit na pitpitin n’yo ang b*yag ko,” wika ni Tulfo.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 13, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Mula noong nagpalit ang management sa kumpanyang aking pinapasukan ay naging mahirap na ang sitwasyon ko sa trabaho dahil sa mga bagong patakaran na ipinatupad. Ngayon ay pinag-iisipan ko na mag-resign na upang magnegosyo na lamang. Naikuwento ko ito sa aking kapatid at nasabi niya na maaaring may constructive dismissal diumano sa sitwasyon ko dahil naging mahirap na ang trabaho ko mula nang ipatupad ng bagong namamahala ang mga bago nilang patakaran. Ano ba ang pagkakaiba ng constructive dismissal at resignation? -- Brezille



Dear Brezille,


Malayang magbitiw ang isang empleyado sa kanyang trabaho. Kinakailangan lamang na ito ay boluntaryo at naaayon sa Artikulo 300 (a) ng Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines, as amended and renumbered:


“An employee may terminate without just cause the employee-employer relationship by serving a written notice on the employer at least one (1) month in advance. The employer upon whom no such notice was served may hold the employee liable for damages” xxx”.


Ang pagbibitiw sa trabaho na hindi boluntaryo at sa kadahilanan na mayroong diskriminasyon laban sa empleyado o may mapang-aping pag-uugali ang employer kung kaya wala nang ibang remedyo ang empleyado kung hindi ang magbitiw sa trabaho ay maaaring maituring na constructive dismissal. 


May pagkakaiba ang constructive dismissal at resignation. Ito ay malinaw na naipaliwanag sa kasong Tacis, et al. vs. Shields Security Services, Inc, et al., G.R. No. 234575, July 7, 2021, kung saan sinabi ng Korte Suprema, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Mahistrado Ramon Paul L. Hernando, na:


Constructive dismissal is an involuntary resignation resorted to when continued employment is rendered impossible, unreasonable or unlikely; or when there is a demotion in rank and/or a diminution in pay. It exists when there is a clear act of discrimination, insensibility or disdain by an employer, which makes it unbearable for the employee to continue his/her employment. In cases of constructive dismissal, the impossibility, unreasonableness, or unlikelihood of continued employment leaves an employee with no other viable recourse but to terminate his or her employment.


The test of constructive dismissal is whether a reasonable person in the employee's position would have felt compelled to give up his position under the circumstances. It is an act amounting to dismissal but made to appear as if it were not. It must be noted, however, that bare allegations of constructive dismissal, when uncorroborated by the evidence on record, cannot be given credence.48


In contrast:

Resignation is the formal pronouncement or relinquishment of a position or office. It is the voluntary act of an employee who is in a situation where he believes that personal reasons cannot be sacrificed in favor of the exigency of the service, and he has then no other choice but to disassociate himself from employment. The intent to relinquish must concur with the overt act of relinquishment; hence, the acts of the employee before and after the alleged resignation must be considered in determining whether he in fact intended to terminate his employment. In illegal dismissal cases, it is a fundamental rule that when an employer interposes the defense of resignation, on him necessarily rests the burden to prove that the employee indeed voluntarily resigned.


Sa iyong sitwasyon, maaari kang magbitiw sa iyong trabaho ng boluntaryo kung ito ay sarili mong desisyon at kagustuhan. Kinakailangan lamang na magsumite ka ng iyong resignation letter isang buwan bago maging epektibo ang nais mong petsa ng pagre-resign. Sa kabilang banda, maituturing na constructive dismissal ang iyong pagbibitiw sa trabaho kung mayroong diskriminasyon, kawalan ng malasakit o pang-unawa, o may paghamak sa iyo ang iyong employer na hindi mo na masikmura o matiis, at ikaw ay wala nang ibang pagpipilian pa kung hindi ang magbitiw sa trabaho. Sa maikling salita, kung ang sanhi ng resignation ay dulot ng mga panlabas na impluwensya na ginawa o nasa kontrol ng employer at hindi boluntaryong pagpapasya ng empleyado, ito ay itinuturing na constructive dismissal.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page