ni Jenny Rose Albason @Overseas News | May 9, 2026

Maaaring hindi nakuha ng unang kaso ng hantavirus ang impeksiyon habang nasa cruise ship na MV Hondius, ayon sa isang eksperto mula sa World Health Organization (WHO).
Ayon kay Anaïs Legand, technical expert on viral hemorrhagic fevers sa WHO, ang incubation period ng sakit—o ang panahon mula sa pagkaka-impeksiyon hanggang sa pagsisimula ng sintomas—ay karaniwang nasa isa hanggang anim na linggo.
Sa kaso ng 70-anyos na Dutch national na pasahero, na kabilang sa walong kumpirmado at pinaghihinalaang kaso ng hantavirus, siya ang unang nagkasakit. Nagsimula siyang makaranas ng mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng ulo, at mild diarrhea noong Abril 6. Kalaunan, nagkaroon siya ng respiratory distress noong Abril 11 at pumanaw sa parehong araw habang nasa barko.
Dahil dito, posible umanong hindi sa barko o sa mga islang pinuntahan patungong Cape Verde nakuha ng pasyente ang impeksiyon. Ayon sa WHO, mas malamang na nagkaroon na siya ng exposure sa hantavirus bago pa man sumakay sa cruise ship, partikular na kaugnay ng pagkakalantad sa rodent o daga.
Samantala, patuloy na naglalayag ang barko patungong Canary Islands ng Spain matapos ang tatlong araw na pag-stay malapit sa Cape Verde mula noong Linggo.
Ang hantavirus ay karaniwang naipapasa sa tao mula sa infected na rodent sa pamamagitan ng ihi, dumi, o laway nito. Gayunman, ang isang partikular na strain nito na tinatawag na “Andes virus” ay maaaring maipasa rin mula tao patungo sa tao.
Ang nasabing strain ay na-detect sa parehong buhay na kumpirmadong kaso ng hantavirus. Ayon sa datos, ang case fatality rate nito ay maaaring umabot ng hanggang 40%, kaya itinuturing itong mataas ang panganib.
Batay sa paunang ebidensya mula sa WHO, ang Andes virus ay maaaring maipasa sa pamamagitan ng close contact, kabilang ang “exchange of saliva” o halik sa pagitan ng magkapareha.



