top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 3, 2022



Pumukol ng nagpapanalong three-points si Klay Thompson, may 36 segundong nalalabi upang maging susi ng 117-116 panalo ng bisitang Golden State Warriors sa Memphis Grizzlies sa simula ng seryeng best-of-seven sa Western Conference semis ng 2022 NBA Playoffs, kahapon sa FedExForum. Sa Eastern Conference, pinaramdam ng bisitang Milwaukee Bucks bakit sila ang World Champion at tinambakan ang Boston Celtics, 101-89, sa simula ng kanilang hiwalay na serye.


Matapos maagaw ang lamang, sinupalpal ni Stephen Curry si Ja Morant ng Grizzlies at pinulot ni Jordan Poole ang bola. Napilitang mag-foul si Brandon Clarke kay Thompson na may anim na segundo pa upang mapigil ang orasan at kinabahan ang Warriors sa dalawang mintis sa free throw subalit hind naipasok ni Morant ang malapitang tira kasabay ng huling busina.


Nanguna sa Warriors si Poole na may 31 puntos habang 24 puntos si Curry. Nabahiran lang ang tagumpay sa pagpapalabas kay Draymond Green sa 2nd quarter matapos niyang sabay hilahin sa damit, tamaan sa mukha at pabagsakin si Clarke.


Kahit wala si Khris Middleton dahil napilay ang tuhod ay hindi ito naging problema para sa Milwaukee. Kumilos ang Bucks upang burahin ang 24-17 lamang ng Celtics at lumamang sa pagtatapos ng first quarter, 27-24.


Bumanat na sina Giannis Antetokounmpo at Grayson Allen para sa 17 ng 29 puntos ng Bucks sa 2nd quarter patungo sa 56-46 lamang sa halftime. Hindi na nakaporma ang Boston at lumobo lalo ang agwat sa 92-75 matapos ang tres ni Jrue Holiday na may 7:38 pa sa 4th quarter.


Triple double si Giannis na 24 puntos, 13 rebound at 12 assist. Nanguna sa opensa ng Bucks si Holiday na may siyam ng kanyang 25 puntos sa fourth quarter habang 15 puntos si Bobby Portis.


Sisipa ngayong araw ang dalawa pang serye sa pangunguna ng Miami Heat at bisitang Philadelphia 76ers. Susundan ito agad ng tapatan ng Phoenix Suns at Dallas Mavericks.


 
 

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 1, 2022



Kumpleto na ang mga koponan sa 2022 NBA Western Conference Semifinals sa panalo ng bisitang Memphis Grizzlies sa Minnesota Timberwolves, 114-106, sa Game 6 ng kanilang seryeng best-of-seven, kahapon sa Target Center. Maghahanda na ang Grizzlies para sa Golden State Warriors sa isa pang seryeng best-of-seven simula ngayong linggo.


Kinailangang humabol ng Grizzlies mula sa 66-53 lamang ng Timberwolves sa huling 8 minuto ng 3rd quarter. Bumanat ng 3-points si Desmond Bane upang ilipat ang abante sa Grizzlies, 101-99, at 3 minuto ang nalalabi.


Hindi pa tapos at ganadong-ganado ang Memphis at dumagdag ng isa pang shoot si Most Improved Player Ja Morant, 103-99, at tuloy-tuloy na ang kanilang arangkada.


Kahit saglit nagbanta ang Minnesota sa dunk ni Jordan McLaughlin na may 1 minuto sa orasan, 104-16, sinagot ito agad ng dunk ni Jaren Jackson, Jr. at dalawang free throw ni Morant upang makahinga nang maluwag.


Humugot ng lakas ang Memphis kay Bane at Dillon Brooks na parehong gumawa ng 23 puntos. Double-double si Jackson na 18 puntos at 14 rebound habang 17 puntos si Morant.


Magpapahinga muna ang NBA Playoffs ngayong araw. Magsisimula bukas ang serye ng Boston Celtics at Milwaukee Bucks sa East at Warriors at Grizzlies.


Malaking suliranin para sa pagdepensa ng korona ng Bucks ang pilay na tuhod ni Khris Middleton na nakuha noong Game 2 laban sa Chicago Bulls. Ayon sa pagsusuri ng doktor, may posibilidad na hindi maglalaro si Middleton kahit sumagad sa Game 7.


Sa isa pang serye sa East, titingnan pa kung palalaruin si scoring champion Joel Embiid ng Philadelphia 76ers kontra sa numero unong Miami Heat. Nabasag ang buto sa kanang mata ni Embiid sa Game Six laban sa Raptors at kailangan din niya ng karagdagang pag-ingat dahil naalog ang kanyang ulo sa lakas ng tama.


 
 

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 30, 2022



Ibang klase ang ipinamalas na husay ni “Point God” Chris Paul at binuhat niya ang numero unong Phoenix Suns laban sa New Orleans Pelicans, 115-109, at pumasok sa Western Conference Semifinals sa pagpapatuloy ng 2022 NBA Playoffs kahapon sa Smoothie King Center. Pasok na rin sa West ang Dallas Mavericks matapos lusutan ang Utah Jazz, 98-96, at Philadelphia 76ers sa East Semifinals sa bisa ng 132-97 tambak sa Toronto Raptors.


Perpekto at walang mintis si Paul sa 14 na tira para magtapos na may 33 puntos. Pinasahan ni Paul ang nagbabalik na si Devin Booker para sa 3-points na nagbigay sa Suns ng 106-104 na lamang na may 1:47 nalalabi at hindi na nila binitiwan ito.


Sinundan ito ng dunk ni Mikal Bridges at dalawang free throw ni Paul para lumayo, 110-104, at isang minuto sa orasan. Humirit ng 3-point play si Larry Nance, Jr. ng Pelicans, subalit sinagot ito ng huling shoot ni Paul para sa mas komportableng 112-107 agwat sa huling 28 segundo.


Nagwakas ang seryeng best-of-seven sa 4-2 at susunod para sa Phoenix ang Dallas. Tinapos din ng Mavs ang serye sa Jazz, 4-2, ang unang napagtagumpayang serye ng prangkisa buhat noong nakoronahang NBA World Champion noong 2011.


Sumandal ang Mavs sa tres ni Jalen Brunson upang lumamang sa last 2 minutes, 97-94. Pinalapit ni Rudy Gobert ang Jazz, 96-97, subalit dumagdag ng free throw si Brunson na may 4 na segundo sa laro at nagmintis ang 3-points ni Bojan Bogdanovic ng Jazz, sabay ubos ng oras.

Kumayod nang todo sina Brunson at Luka Doncic na parehong nagsumite ng 24 puntos. Sinuportahan sila nina Spencer Dinwiddie na may 19 na puntos at Dorian Finney-Smith na may 18 puntos at 10 rebound.


Dikitan ang bakbakan ng 76ers at Raptors sa first half, subalit biglang umarangkada ang bisitang Philadelphia sa second half. Lamang lang ng isa ang 76ers, 62-61, at uminit ang opensa nina Tyrese Maxey, James Harden, Tobias Harris at Joel Embiid sa third quarter upang lumayo papasok sa 4th quarter, 99-78, at naramdaman ng Toronto ang pagliban ni Fred VanVleet dahil masakit ang baywang.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page