ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 9, 2022

Kakaibang husay na may halong swerte ang nagbigay sa Milwaukee Bucks ng 103-101 panalo sa bisitang Boston Celtics at lumamang ng 2-1 sa 2022 NBA Playoffs Eastern Conference Semifinals, kahapon sa Fiserv Forum. Walang-awang binugbog ng Golden State Warriors ang bisitang Memphis Grizzlies, 142-112, upang maging 2-1 din ang kanilang serye sa Western Conference.
Sadyang minintis ni Marcus Smart ang pangalawang free throw na may apat na segundo sa orasan at tinapik ni Robert Williams III ang bola bago ipinasok ni Al Horford, subalit hindi binilang ng reperi dahil tumunog na ang huling busina. Ipinasok ni Smart, ang 2022 Defensive Player of the Year, ang unang free throw galing sa foul ni Jrue Holiday para maging dalawa na lang ang pagitan, 101-103.
Sinayang ng Bucks ang kanilang 80-67 lamang sa simula ng 4th quarter at naagaw ng Celtics ang abante matapos ang dalawang free throw ni Jaylen Brown, 100-99, at 1:49 sa orasan. Binalik ng magkasunod na buslo nina Giannis Antetokounmpo at Holiday ang abante, 103-100, bago ang makapigil-hiningang katapusan. Nagtapos si Giannis na may 42 puntos at 12 rebound habang 25 puntos si Holiday.
Ginising ang Golden State ng 10 puntos ni Stephen Curry sa 2nd quarter upang lumamang ng 64-57 sa halftime at hindi na nila binitawan ito. Hindi pa tapos si Curry at dumagdag pa siya ng 10 puntos sa 3rd at kasama ang siyam ni Klay Thompson ay lalong lumayo, 101-80, at umabot pa ito ng 32 puntos sa nalalabing segundo bago ipinasok ng Memphis ang huling 2 puntos.
Bumomba ng 30 puntos si Curry at tinulungan ni Jordan Poole na may 27 puntos. Nagsumite ng 34 puntos si Ja Morant para sa Memphis, subalit hindi na naglaro sa huling 6 na minuto dahil napilay ang tuhod.
Lamang sa puntong iyon ang Golden State, 115-99, at titingnan pa kung makakalaro si Morant sa Game 4 ngayong Martes. Halos kasabay nito ang pagpapalabas sa kakamping si Kyle Anderson na binigyan ng dalawang magkasunod na technical foul.



