top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 29, 2024



Sports Photo
Photo: Boston Celtics

Laro ngayong Miyerkules – American Airlines Center

8:30 a.m. Minnesota T'wolves vs Dallas Mavericks 


Balik sa NBA Finals ang Boston Celtics matapos ang mahigpitang 105-102 panalo sa Indiana Pacers sa Eastern Conference Finals Game 4 kahapon sa Gainbridge Fieldhouse.  Winalis ng Celtics ang seryeng best-of-seven, 4-0, at hahanapin na ang ika-18 kampeonato sa kanilang mayamang kasaysayan. 


Bumira ng 3-points mula sa kanto si Derrick White na may 45 segundong nalalabi upang wasakin ang 102-102 tabla at tuldukan ang kanilang paghabol mula sa 85-94 sa huling siyam na minuto.  Mula roon ay ginamit ng Boston ang kanilang malupit na depensa upang masigurado ang resulta. 


Nagtapos na may 29 puntos si Jaylen Brown at siya ang napiling MVP ng serye.  Sumuporta si Jayson Tatum na may 26 at 13 rebound habang nag-ambag ng 17 ang bayani ng Game Three Jrue Holiday. Namuno sa Indiana si Andrew Nembhard na may 26 at 13 assist subalit hindi natakpan ang patuloy na pagliban ni Tyrese Haliburton.  Sumunod si Pascal Siakam na may 19 at 10 rebound. 


Samantala, nagluluksa ang NBA sa pagpanaw ng alamat Bill Walton sa edad na 71 dahil sa kanser.  Dumalaw sa bansa si Walton noong 1979 upang gumawa ng dokumentaryo tungkol sa Philippine Eagle. 


Naging bahagi ang 6’11” sentro ng mga kampeonato ng Portland noong 1977 at Boston noong 1986 kung saan kakampi niya si Pacers Coach Rick Carlisle.  Si Walton din ang 1978 MVP, 1986 Sixth Man, nahalal sa Hall of Fame noong 1993 at kasama sa NBA 50th at 75th Anniversary Team. 


Naglaro siya sa Trail Blazers, Clippers at Celtics mula 1974 hanggang 1987 subalit naging kaliwa’t kanan ang kanyang mga pilay kaya 468 beses lang siya nakalaro at nagtala ng 13.3 puntos at 12.5 rebound.  Pagretiro niya ay naging komentarista siya sa telebisyon.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 21, 2024




Nakuha ng defending World Champion Denver Nuggets ang unang hakbang patungo sa magkasunod na tropeo at giniba ang bisitang Los Angeles Lakers, 114-103, sa pagbubukas ng 2024 NBA Playoffs kahapon sa Ball Arena. Wagi rin ang New York Knicks, Cleveland Cavaliers at Minnesota Timberwolves sa kanilang mga tahanan.


Matapos ang malamyang first half, kumilos ang Nuggets sa pangunguna ng dating Laker Kentavious Caldwell-Pope na bumira ng lahat ng kanyang 12 puntos na sinamahan ng walo ni Nikola Jokic upang maagaw nila ang lamang papasok sa huling quarter, 89-78. Umabot ng 96-81 ang agwat at siyam na minuto sa orasan at sapat na iyan sa gitna ng mga pagsubok ng Lakers na makalapit.


Malupit si Jokic na nagtapos na may 32 at 12 rebound habang 22 at 10 assist si Jamal Murray. Alanganin maglaro sa bisperas dahil sa pilay, ipinasok si Anthony Davis at nagtala ng 32 at 14 rebound para sa Lakers.


Sumandal ang Knicks sa tambalan ng mga beterano ng FIBA World Cup sa Pilipinas na sina Jalen Brunson at Josh Hart na parehong may 22 puntos upang patumbahin ang Philadelphia 76ers, 111-104. Kinabahan ang 76ers at tila napilay muli ang tuhod ni MVP Joel Embiid bago magtapos ang first half subalit bumalik siya at gumawa ng 11 ng kanyang 29 puntos.


Kontrolado ng Cavs ang buong laro at lumaki sa 78-58 maaga sa fourth quarter. Uminit si Donovan Mitchell para sa 30 kasabay ng mga double-double nina Jarrett Allen na 16 at 18 rebound at Evan Mobley na 16 din at 11 rebound.


Kahit dominado sila noong regular season, ibang usapan ang Playoffs at tinambakan ng Timberwolves ang Phoenix Suns, 120-95, sa likod ng 33 ni Anthony Edwards. Winalis ng Suns ang tatlo nilang pagkikita ngayong taon.

 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 7, 2024



Parehong lumasap ng nakakagulat na talo ang Minnesota Timberwolves at Oklahoma City Thunder sa NBA kahapon. Bunga ng kambal na resulta, tahimik na umakyat sa numero uno ng Western Conference ang nagpapahingang LA Clippers.


Matapos matalo sa kanilang unang dalawang tapatan ngayong taon, nagwagi ang Utah Jazz sa Thunder, 124-117, sa Delta Center. Anim na Jazz ang nagtala ng 12 o higit sa pangunguna ni Lauri Markkanen na may 33 at 11 rebound habang may 12 si kabayan Jordan Clarkson bilang reserba.


Kinailangan ng Chicago Bulls ng overtime upang masugpo ang Timberwolves, 129-123. Humabol ang Bulls galing sa 42-65 bago ang halftime subalit bumira ng three-points na may 51 segundong nalalabi si Karl Anthony Towns ng Minnesota upang ipilit ang karagdagang 5 minuto, 115-115.


Bumida sa overtime si DeMar DeRozan na nagsabog ng 10 ng kabuuang 33 puntos. Gumawa rin ng 33 si Coby White.


Parehong bumaba sa 35-16 ang Thunder at Timberwolves at bigyang-daan ang Clippers na 34-15 at lamang sa porsiyento ng panalo. Kasalukuyang nasa gitna ng apat sunod na panalo ang Clippers at isa lang ang talo sa huling 10 laro.


Umani ang Dallas Mavericks ng 36 kay Kyrie Irving at 35 at 18 rebound kay Luka Doncic at nanaig sila sa Brooklyn Nets, 119-107. Nagwagi ng pangatlong beses sa apat nilang laro ang Miami Heat sa Orlando Magic, 121-95, sa likod ng 23 ni Jimmy Butler.


Samantala, papalitan nina Trae Young ng Atlanta Hawks at Scottie Barnes ng Toronto Raptors sina MVP Joel Embiid ng Philadelphia 76ers at Julius Randle ng New York Knicks sa East sa All-Star Game ngayong Pebrero 19. Ooperahan si Embiid sa tuhod habang napilay kamakailan ang balikat ni Randle.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page