top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 10, 2026



San Antonio Spurs vs NY Knicks - FB

Photo: San Antonio Spurs



Laro sa Huwebes - MSG

8:30 PM SA vs. NY


Umiwas sa walis ang bisitang San Antonio Spurs at bumangon laban sa New York Knicks, 115-111, sa pangatlong laro ng 2026 NBA Finals kahapon sa Madison Square Garden. Lamang pa rin ang Knicks sa seryeng best-of-seven, 2-1.


Kalmadong ipinasok ni Stephon Castle ang dalawang paniguradong free throw na may pitong segundo sa orasan upang mapigil ang paghahabol ng NY. Bago noon ay bumira ng tres si Castle para maging 111-104 sa huling dalawang minuto pero tinapyas ng mga three-points nina Jalen Brunson at OG Anunoby ang agwat sa 111-113 at 9 na segundo ang nalalabi.


Kumilos ang Spurs sa pangatlong quarter at binura ang 64-57 lamang ng Knicks. Nagwakas ang quarter sa palitan ng three-points nina Gilas Pilipinas Jordan Clarkson at kabayan Dylan Harper pero humabol ng buslo si Mikal Bridges para ibalik ang lamang sa NY at ihanda ang mahigpit na pagtatapos.


Nanguna na may 10 ng kanyang 32 puntos sa huling quarter si Victor Wembanyama. Sumunod si Castle na may 23 at Harper na may 14 bilang reserba.


Naputol ang 13 sunod-sunod na panalo ng Knicks sa playoffs. Nagtala ng 32 si Brunson habang 28 si Anunoby at 16 kay Josh Hart.


Dahil dito, tiyak na may Game 5 sa Linggo sa Frost Bank Center. Sa MSG pa rin ang Game Four sa Huwebes. Kabilang sa nanood si Pangulong Donald Trump na imbitado ng may-ari ng Knicks James Dolan. Siya ang unang nakaupong Pangulo sa NBA Finals subalit sinalubong siya ng pangungutya nang ipakilala sa tinatayang 19,812 tagahanga.


Huling ginanap ang NBA Finals sa "World's Most Famous Arena" noong 1999 at kinoronahan ang bisitang Spurs sa Game Five na kanilang una sa kasaysayan. World Champion din ang SA noong 2003, 2005, 2007 at 2014 habang kampeon ang NY noong 1970 at 1973.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 1, 2026



NAG-AGAWAN sa rebounds sina San Antonio Spurs forward Victor Wembanyama (1) at Oklahoma City Thunder center Chet Holmgren (7) sa first half ng NBA basketball playoffs series kahapon. Swak na sa finals ang Spurs.						 													(AP/Nate Billings)

Photo: Nag-agawan sa rebounds sina San Antonio Spurs forward Victor Wembanyama (1) at Oklahoma City Thunder center Chet Holmgren (7) sa first half ng NBA basketball playoffs series kahapon. Swak na sa finals ang Spurs. (AP/Nate Billings)



Laro sa Huwebes - Frost Bank

8:30 AM NY vs. SA


Magkakaroon ng bagong NBA World Champion sa ika-walong sunod na taon.  Inalis ng bisitang San Antonio Spurs sa trono ang Oklahoma City Thunder, 111-103, sa winner-take-all Game 7 ng 2026 Western Conference Finals kahapon sa Paycom Center.


Tunay na pagmamay-ari ng Spurs ang laro at nakalasap ng lamang ang Thunder ng dalawang beses lang sa pangatlong quarter.  Huli ang 63-60 pero mag-isang bumira ng 8 puntos si Julian Champagnie upang maagaw ang bentahe at lumayo, 68-63.


Saglit pumalag OKC sa simula ng huling quarter, 82-84.  Iyan ang hudyat para kay Victor Wembanyama at Keldon Johnson na magtulungan upang lumayo muli, 97-86.


Pagkakataon ni kabayan Dylan Harper na nagpasikat sa nalalabing 8 minuto at bumanat ng 5 puntos para maging 107-95.  Sinubukang humirit pa ang Thunder na may 53 segundo pa,  103-109, ngunit hindi nila kakampi ang orasan.


Nagtapos na may 22 si Wemby at siya ang napiling MVP ng serye na may numerong 24.6 puntos at 10.9 rebounds bawat laro.  Sumunod sina Champagnie na may 20 at Stephon Castle na may 16.


Nagtala ng 35 si MVP Shai Gilgeous-Alexander.  Malaking bagay ang pagliban ni Jalen Williams dahil sa pilay at kinapos ang 17 ni Cason Wallace habang tig-12 ang mga reserba Alex Caruso at Jared McCain.


Uuwi na ang Spurs para salubungin ang Eastern Conference kampeon New York Knicks sa seryeng best-of-seven.  Sa Frost Bank Center gaganapin ang unang dalawang laro sa Hunyo 4 at 6 at lilipat sa Madison Square Garden sa 9 at 11.


Huling pumasok ang Knicks sa finals noong 1999 kung saan nanaig ang Spurs, 4-1.  Aabangan ngayon ang tapatan nina Gilas Pilipinas Jordan Clarkson at Harper para maging unang Filipino na may singsing ng kampeon sa NBA.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 27, 2026



Oklahoma City DUMADRAYB si Jalen Brunson #11 ng New York Knicks paikot kay James Harden #1 at Sam Merrill #5  ng Cleveland Cavaliers sa bahaging ito ng kanilang laro sa NBA Eastern Conference Finals.   							       (Sarah Stier/Getty Images)

Photo: Dumadrayb si Jalen Brunson #11 ng New York Knicks paikot kay James Harden #1 at Sam Merrill #5  ng Cleveland Cavaliers sa bahaging ito ng kanilang laro sa NBA Eastern Conference Finals. (Sarah Stier/Getty Images) 



Laro ngayong Miyerkules - Paycom

8:30 AM SA vs. OKC


Magbabalik ang New York Knicks sa NBA Finals matapos ang 27 taon!  Tinalo nila sa ika-apat na sunod na laro ang Cleveland Cavaliers, 130-93 at walisin ang Eastern Conference Finals kahapon sa Rocket Arena.


Nagpamalas agad ng bangis ang Knicks nang burahin 8-2 lamang ng Cavs at kunin ang unang quarter, 38-26 sa mga buslo nina Karl-Anthony Towns, Jalen Brunson, Mikal Bridges at reserba Mitchell Robinson. Hindi nakaporma ang Cleveland at hindi nag-preno ang NY para lalong palakihin ang agwat sa huling apat na minuto, 123-78.


Kahit hindi na siya naglaro sa huling quarter, nagtapos na may 15 si Jalen Brunson para mapiling Eastern Conference Finals MVP.  Gumawa siya ng kabuuang 102 o 25.5 bawat laro sa serye.


Double-double si KAT na 19 at 14 rebounds.  Sumuporta sina OG Anunoby na may 17 at Mikal Bridges na may 15.


Nanguna sa Cleveland si Donovan Mitchell na may 31.  Kinapos ang tulong ng kakampi at sumunod sina Evan Mobley na may 15 at James Harden na may 12.


Mabibiyayaan ng Knicks ng siyam na araw na pahinga at kahit anong mangyari sa Western Conference ay sa Hunyo 4 magsisimula ang seryeng best-of-seven.  Tabla ang World Champion Oklahoma City Thunder at San Antonio Spurs, 2-2, papasok sa mahalagang Game 5 ngayong Miyerkules sa Paycom Center.


Si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson ang magiging unang kababayan na maglalaro sa NBA Finals.  Lumipat siya sa NY galing Utah Jazz noong nakaraang Hulyo na puntiryang mabigyan ng singsing bilang kampeon.


Nakamit din ng Knicks ang NBA Cup noong Disyembre laban sa Spurs, 124-113, sa likod ni Cup MVP Brunson. Kung sakaling palarin, sila ang magiging unang dobleng kampeon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page